Pangngalan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Huwag itong ikalito sa pangalan.

Ang pangngalan ay salita o bahagi ng pangungusap na tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, pook, hayop, at pangyayari. Maaari din na ipakilala ng pangngalan ang isang kaisipan o konsepto<ref name="sil">Loos, Eugene E., et al. 2003. Glossary of linguistic terms: What is a noun?</ref> Sa linggwistika, kasapi ang pangngalan sa isang malawak, bukas na leksikong kategorya na kung saan ang mga kasapi nito ay nagiging pangunahing salita sa isang simuno ng isang sugnay, bagay sa isang pandiwa, o bagay sa isang pang-ukol.<ref name="sil" />

Mga nilalaman

[baguhin] Pagkahati-hati ng pangngalan

Maaaring mahimay ang pangngalan nang ayon sa kaurian, katuturan, kasarian, kailanan, kaanyuan, kalikasan, at katungkulan.<ref>Kahulugan ng pangngalan sa Balarila ng Wikang Pambansa, noong 1944 ng Surian ng Wikang Pambansa</ref>

[baguhin] Ayon sa Katangian

Nauukol ang pangngalan ayon sa kaurian sa pagpapangalan sa tao, bagay o pangyayari. Maaari itong pambalana o pantangi.

  • Pantangi - mga pangngalang nagsisimula sa malaking titik na tumutukoy sa tangi o tiyak na ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar, kathang-isip, o pangyayari na ibinubukod sa kauri nito. Tinitiyak ng pangngalang pantangi na hindi maipagkamali ang tinutukoy sa iba. Halimbawa: Jose Rizal, Luneta, Gloria Macapagal-Arroyo, Bathala
  • Pambalana - mga pangngalang nagsisimula sa maliit na titik na tumutukoy sa pangkalahatang ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar, pangyayari at iba pa. Kasama rin ang kabuuan ng mga basal na salita. Halimbawa: bayani, aso, katamisan ,pagdiriwang, pusa

[baguhin] Ayon sa kayarian

Naayon sa sakop o uri ng katuturan ang mga pangalan. Maaari itong tahas, basal, hango, lansak o patalinghaga.

  • Tahas - pangngalang nararanasan ng isa sa mga limang pandamdam (paningin, pandinig, panlasa, pakiramdam at pang-amoy) at may katangiang pisikal. Halimbawa: tubig, bundok, pagkain
  • Basal - pangngalang tumutukoy sa mga kaisipan o konsepto na hindi nararanasan ng limang pandamdam at walang pisikal na katangian. Nasa anyong payak ang lahat ng pangngalan basal. Halimbawa: wika, yaman, buhay
  • Lansak - pangngalang tumutukoy sa isang kalipunan o karamihan. Maaaring maylapi ito o wala. Halimbawa: madla, sangkatauhan, kapuluan
  • Hango - pangngalang nakabatay sa isang salitang basal. Halimbawa: kaisipan, salawikain, katapangan
  • Patalinghaga - pangalang hindi tuwirang patungkol sa bagay na pinangangalanan sa halip inihahambing lamang sa bagay na kamukha o katulad lamang. Halimbawa: buwaya (imbis na kurakot), langit (imbis na ligaya), kababuyan (imbis na kasalaulaan)

[baguhin] Ayon sa kasarian

Masasabing walang partikular na babae o lalaki sa mga pangngalan. Ngunit matutukoy ang kasarian ng pangngalan kapag nilalagyan ng salitang "lalaki" o "babae" bago o pagkatapos ng salitang kinauukulan. Halimbawa: batang babae, batang lalaki, lalaking aso, babaing pusa

Mayroon din namang mga salitang hindi na kailangang lagyan ng mga salitang "lalaki" o "babae" kung likas na matutukoy ang kasarian ng isang pangngalan. Kadalasang matutukoy din ang kasarian sa pangngalan o palayaw. Halimbawa, kadalasang lalaki ang mga pangngalang tunog "o" at babae naman kapag tunog "a". Tingnan ang sumusunod na mga halimbawa:

  • Panlalaki - pari, hari, tatay, kuya, manong, tandang (lalaking manok), kalaykan (lalaking kalabaw)
  • Pambabae - madre, reyna, nanay, ate, libay (usang babae), dumalaga (hindi pa nanganganak na babaing hayop)
  • Di tiyak - tumutukoy sa ngalang maaring babae o lalaki
  • Walang Kasarian - ngalang tumutukoy sa bagay na walang buhay

[baguhin] Ang Kailanan ng Pangngalan

Tungkol naman sa bilang kung isahan, maramihan, o lansakan ang kailanan ng pangngalan.

  • Isahan - pangngalang gumagamit ng pantukoy na si, ni, o kay kapag mga tao ang tinutukoy, at ang, ng (nang), o sa kapag mga pangngalang pambalana. Ginagamit din ang pamilang isang o sang, sam, at son na mga hangong salita nito. Halimbawa: Ang burol ay isang anyong lupa.
  • Dalawahan - pangngalang gumagamit ng pantukoy na sina, nina, kina, at ang mga (manga, ng mga, sa mga) at gumagamit din ng mga pamilang nagmula sa dalawa. Halimbawa: Sina Roberto at Rowena ang bumato sa mga ibong lumilipad.
  • Maramihan - pangngalan na pinagsama-sama ang mga bagay na magkakatulad. Kadalasang may magkabilang panlapi itong "ka" at "an" o "han". Halimbawa: kabahayan, kabukiran, Kabisayaan

[baguhin] Ayon sa kalikasan

Maaaring iuri ang pangngalan sa kalikasan o pinagmulan nito.

  • Likas - pangngalang taal na sa sarili nito at kadalasang hango sa kalikasan. Halimbawa: apoy, lindol, ligaya
  • Likha - pangangalang hinango ng mga dalubhasa dahil sa pangangailangan. Maaaring bagong likha at lumang salita na may bagong kahulugan ang pangngalan na ito. Halimbawa: agham, talatinigan, sining
  • Ligaw - pangngalang hiniram o hinango mula sa mga salitang banyaga. Halimbawa: demokrasya, relihiyon, butones

[baguhin] Ayon sa kaanyuan

Tungkol paglalapi ang kaanyuan ng pangngalan.

  • Payak - pangngalang hindi inuulit, walang panlapi, o katambal. Halimbawa: talumpati, watawat, ligalig
  • Maylapi - pangngalang binubuo ng salitang-ugat na may panlapi sa unahan, gitna, hulihan o magkabila. Halimbawa: sinigang, inihaw, tindahan, palakasan
  • Inuulit - pangngalang inuulit na maaaring may panlapi o salitang-ugat lamang. Halimbawa: tau-tauhan, bagay-bagay, bali-balita
  • Tambalan - pangngalang binubuo ng dalawang salitang magkaiba na pinagsasama upang maging isa at may gitling sa pagitan nito. Halimbawa: kisap-mata, bahay-kubo, bantay-salakay

[baguhin] Ayon sa katungkulan

Sa karaniwang katungkulan sa pangungusap, nagiging simuno o layunin ang isang pangngalan. Subalit maaaring gumanap din ang pangngalan bilang pagka-pandiwa, pagka-pandiwari, pagka-pang-uri, pagka-pang-abay at iba pa sa tulong ng ilang panlapi o pananalita.

Nasa sumusunod ang ilang mga halimbawa:

  • Pangngalang malapang-uri - nagbibigay ng tiyak na kaurian kapag pinagsama sa kapuwa pangngalan. Halimbawa: Andres Bonifacio, Kay Huseng Batute, dalagang anak, baboy-ramo
  • Pangngalang malapandiwa - gumaganap bilang isang pandiwa na nagsisimula sa "pa", "pag", "pang", "paki" o mga iba't ibang anyo nito at may kasamang "an" o "han". Halimbawa: Ang pahayag (ipinahayag) ng Senador ay mahalaga sa bayan.
  • Pangngalang malapandiwari - kung ang pagganap ay alangang pandiwa at alangang pang-uri. Matitiyak kung malapandiwari ang pangngalan sa pagtatanong ng "ano ang...?" Halimbawa: Ano ang dala (dinala) mo? Ang dala ko ay...
  • Pangngalang malapang-abay - kadalasang nauukol sa panahon na bahagi ng isang araw o gabi. Halimbawa: Nilalagnat sa hapon ang may tuberkolosis.

[baguhin] Mga sanggunian

<references />

"Ang akdang ito ay katiting [stub]. Tumulong sa Wikifilipino at palawakin pa ito !"

[baguhin] Pagkilala

May kamalian sa paglikha ng kagyat (''thumbnail''): Hindi nasagip ang kagyat sa kapupuntahan
Hinango sa Wikipedia ang nilalaman ng pahinang ito na nagmula sa Pangngalan. Ang talaan ng mga may-akda ay makikita sa pahina-kasaysayan. Kahalintulad ng Wikipedia, binibigyang-pahintulot ng WikiFilipino ang muling paggamit at pakikinabang sa mga nilalaman nito sa ilalim ng GNU Free Documentation License. Basahin ang kumpletong pagtatanggi/pagtatatwa.