Pangingisda

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang pangingisda ay ang paghuhuli ng isda sa pamamagitan ng pamimingwit at pagbibitag. Maliban sa mga isda, maaari rin itong matukoy ang paghuli sa iba’t-ibang uri ng yamang-dagat tulad ng mga molusko, tahong, sugpo, pugita at palaka. Ang pangingisda ay isang gawain mula pa noong sinaunang panahon

Mga nilalaman

Noong Sinaunang Panahon

Ang pangingisda ay nagmula pa noong panahong Mesolitiko, mga 10,000 taon na ang nakakaraan. Ilang mga arkeyolohikal na ebidensya, gaya ng mga natagpuang tambakan ng mga kabibi (“shell midden”) at mga tinik ng isda, pati na rin mga larawan ng pangingisda sa mga kweba, ay nagpapatunay sa kahalagahan ng pangingisda at pagkain ng ating mga ninuno ng mga yamang-dagat noong pa mang sinaunang panahon. Ang teknolohiya at kulturang Neolitiko ay lumaganap mga 4,000 hanggang 8,000 taon ang nakakaraan. Nitong mga panahong ito ay umunlad ang pamamaraan ng pagsasaka at paggawa ng mga palayok, at kaakibat nito ay mga pag-usbong ng bagong pamamaran ng pangingisda. Sa katunayan, ang ilan sa mga payak na pamamaraan sa pangingisda na sinimulan noong panahong Neolitiko ay ginagamit hanggang sa ngayon. Mayroong mga teorya rin na nagsasabi na ang pangingisda ay nagmula pa noong hindi pa lubusang naninirahan ang mga tao sa lupa. Ayon sa tinatawag na aquatic ape hypothesis, ang mga ninuno ng modernong tao ay dumaan muna sa pamumuhay sa tubig, kung saan kumukuha sila ng kanilang makakain.

Mga Sinaunang Pagsasalarawan sa Pangingisda

Sa Ehipto

Ang Nile River sa Ehipto ay isang ilog na punung-puno ng mga isda, at karaniwang laman ng hapag-kainan ng mga taga-Ehipto ng sinaunang panahon ay mga sariwa at pinatuyong isda. Ang paraan nila ng pangingisda ay sa pamamagitan ng paggamit ng mga simpleng bangkang yari sa tambo (o reed), mga hinabing lambat at basket, harpon, at mga pamingwit na may habang walo milimetro hanggang 18 sentimetro. Noong panahon ng ika-12 dinastiya, nagsimulang gumamit ang mga mangingisda ng mga kawit na gawa sa metal. Kabilang sa kanilang pamamaraan ng pangingisda ay ang pagpapalo nila sa kanilang nahuling isda hanggang sa ito ay mamatay. Ang ilan sa mga pinakamahalagang isda na hinuhuli ay ang mga tinatawag na Nile Perch, hito, at igat (eel). Sa mga disenyo sa ilang mga nitso at kabaong at sa mga dokumentong papirus ay may mga pagsasalarawan ng mga gawain sa pangingisda. May mga ebidensya rin na nagsasaad na ginagawa ng mga sinaunang taga-Ehipto ang pangingisda bilang uri ng libangan.

Sa Gresya

Bihira ang mga ebidensya ng paglalarawan ng mga sinaunang Griyego sa pangingisda, at ito ay maaaring magpatunay na mababa ang turing nila sa gawaing ito. Mayroong isang tampok na bagay na may kinalaman sa pangingisda, at ito ay isang kopa para sa alak na tinatayang mula pa noong 510 – 500 BC. Nagpapakita ito ng isang batang lalaking naka-ambang sa batuhan, na may hawak na pamingwit ng isda sa kanyang kanang kamay at basket naman sa kanyang kaliwang kamay. Sa tubig malapit sa batang ito ay may isang bilog na bagay na bukas sa itaas; sinasabing ang bagay na ito ay isang kulungan para sa mga isda, o isang bitag para sa mga isda. Ang kopang ito ay nasa Museum of Fine Arts sa Boston, Estados Unidos, sa ngayon.

Sa Roma

May ilang mga pagsasalarawan ng pangingisda sa sining ng mga taga-Roma noong sinaunang panahon, lalo na sa mga mosaic na nagtatampok ng mga mangingisdang nakasakay sa mga bangka na may hawak na mga lambat. Ilang mga uri ng isda, tulad ng tinatawag na conger, ulang, sea urchin, pugita at cuttlefish, ay karaniwang isinasalarawan. Ang Greko-Romanong diyos ng karagatan na si Neptune ay palaging ipinapakitang may hawak na may sibat na may tatlong tulis.

Mga Sinaunang Panitikan Ukol sa Pangingisda

Maraming sinaunang panitikan ang tumutukoy sa pangingisda, subalit bibihira ang detalyadong pagsasalalarawan ng mga gamit o pamamaraan sa pangingisda. Isang halimbawa ay ang berso sa Bibliya mula sa aklat ni Job: “Mahihiwa mo ba ang kaniyang balat ng sundang na bakal, o ang kaniyang ulo ng panaksak ng isda?” (Job 41:7). Ang Griyegong historyador na si Polybius (ca 203 BC – 120 BC) ay naglarawan sa pangingisda sa isang swordfish sa pamamagitan ng harpon na may sundang na tuktok.

Si Oppian ng Corycus ay isang Griyegong manunulat na sumulat ng Helielica o Halieutika na isang pananaliksik ukol sa pangingisda (taong 177 – 180). Inilarawan ni Oppian ang ilang mga paraan ng pangingisda, tulad ng paggamit ng iba’t-ibang uri ng lambat, mga bitag na nananatiling humuhili ng isda maski hindi inaasikaso ng mga mangingisda, at ang kanyang tinatawag na lambat na hindi gumagalaw.

Mula sa mga pagsasalarawan ng pangingisda noong sinaunang panahon, malinaw na ang karaniwang bangka na ginagamit sa pangingisda ay maliit lamang at walang layag kung kaya’t ang mga mangingisda ay nananatiling malapit sa pampang.

Iba’t-ibang Pamamaraan ng Pangingisda

Pangingisda Gamit ang Kamay

Posible ang pangingisda na gamit lamang ang kamay. Sa mga isla ng Britanya, ang tawag sa pangingisda ng trout gamit ang kamay ay tinatawag na trout tickling, at ang pamamaraang ito ay tinatampok sa ilang mga palabas sa teatro na isinulat ni Shakespeare. Maaari ding makahuli ang mga maninisid ng ulang sa pamamagitan ng kamay.

Ang paninisid ng perlas ay karaniwang ginagawa hanggang sa lalim na 30 metro.

Ang tinatawag na hand-line fishing o pangingisda sa gamit ng mga pamingwit ay karaniwan din.

Pangingisda Gamit ang Sibat at Pana

Ang pangingisda gamit ang sibat at pana ay isang sinaunang pamamaraan ng pangingisda na siyang karaniwang ginagamit pa rin sa panahon ngayon. Sa gawing timog at timog-kanlurang mga estado sa Amerika ay gumagamit sila ng sibat na may tatlong tusok upang humuli ng mga palaka (bullfrog) at karpo sa mga mababaw na katubigan.

Ang paggamit ng speargun ay isang mas epektibong pamamaraan ng panghuli ng isda, at karaniwan itong ginagamit sa ngayon ng mga maninisid.

Ang mga maningisdang gumagamit ng pana at sibat ay nakakahuli ng isda mula sa ibabaw ng katubigan.

Mga Lambat

Ang lambat ay isa sa mga pangunahing kagamitan sa panghuhuli ng isda. Karamihan sa mga lambat ay yari sa pamamagitan ng pagbuhul-buhol o paghabi ng mga sinulid. Sa ngayon, mga lambat na gawa sa artipisyal na materyales (katulad ng nylon) ang mas laganap na ginagamit, ngunit mayroon pa ring mga lambat na yari sa organikong materyales tulad ng lana (wool) at seda (silk).

"Dredging"

Ang tinatawag na dredging ay tumutukoy sa paglimas ng lupa sa ilalim ng katubigan upang mahakot ang mga nakabaon na mga yamang-dagat tulad ng mga kabibi at talaba. Ginagamit dito ang tinatawag na dredge na siyang parang salok na dumadaan sa lupa sa ilalim ng tubig. Karaniwan itong nakakabit sa isang bangka. Ang problema sa pamamaraang ito ay maaari nitong masira at mapatay ang iba pang mga namumuhay sa ilalim ng dagat maski na hindi naman ito kailangan sa pangingisda. Nagdudulot tuloy ito ng pagkakawalang-balanse sa ecosystem. Dahil dito, pinapalitan ang sistemang ito ng pangingisda ng ibang paraan tulad ng paninisid at mariculture.

Mga Pamingwit

Ang pamingwit ay tumutukoy sa paggamit ng kurdon na may kawit para sa pangingisda. Ang ilan sa mga salik na isinasaalang-alang sa pamimili ng pamangwit ay ang sumusunod: ang pagkakayari ng kurdon, bigat, haba at tibay nito.

Paggamit ng Saranggola

Isa itong kakaibang pamamaraan ng paghuli ng isda na maaaring nagsimula sa Tsina. Sa ngayon, ito rin ay ginagawa sa mga lugar tulad ng New Guinea at iba pang mga isla sa Pasipiko. Ang kagandahan ng pangingisda gamit ang saranggola ay maaari itong gamitin maski walang bangka at sa mga lugar na makikipot o siyang mapanganib ang pamamangka dahil sa mga koral. Ang mga saranggolang ginagamit sa pangingisda ay maaaring yari sa dahon ng niyog na pinatibay ng maliliit na kahoy. Ang kordon naman na nakakabit sa saranggola ay maaaring yari sa hibla ng niyog.

Pangingisda sa Yelo

Ito ay ginagawa sa mga lugar na may mahabang panahon ng tag-lamig. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagbutas sa yelo na bumabalot sa katawan ng tubig (tulad ng ilog o lawa), at pangingisda gamit ang pamingwit mula sa butas na ito.

Bitag ng mga Isda

Ang paggamit ng bitag bilang panghuli ng mga isda ay isa na marahil sa pinakasikat na pamamaraan ng pangingisda. May dalawang pangkalahatang uri ng bitag: ang permanente at ang ‘di-permanenteng bitag.

May iba’t-ibang pamamaraan pa ng paggawa ng bitag. Halimbawa, ang mga tinatawag na basket weir fish trap ay gawa sa basket na may laking 2 metro at may istrakturang hugis apa, na madaling pasukan at mahirap naman labasan ng mga isda.

Sa Congo, ang mga taong Wagenya ay naglikha ng sistema ng mga bitag sa ilog. Ang sistemang ito ay mga tungko na may nakakabit na mga malalaking basket na siya namang binababa sa tubig upang humango ng mga magdaraang isda. Ang mga basket na ito ay ginawa upang makakuha lamang ng isang malaking isda bawat isa.

Sa Estados Unidos, isang pamamaraan ng pagbitag sa mga isda ay ang paggawa ng maze sa katubigan na siyang gagabay sa isda patungo sa isang malaking lalagyanan. Ang lalagyanang ito naman ay itataas para makuha ng mga mangingisda ang kanilang mga nahuli.

Lalagyan ng mga Ulang

Ang mga lalagyang bitag ay ginagamit upang mahuli ang ilang mga yamang-dagat tulad ng mga talangka, alimasag, alimango at ulang. Ang mga lalagyang ito ay nilalagyan ng mga pain at binababa sa katubigan. Sa oras na may mahuli itong yamang-dagat ay itinataas na itong muli.

Karaniwan sa mga bitag na ito ay gawa sa kawad at alambre, at pinapabigat ito ng mga bato. Pumapasok dito ang isang ulang dahil sa pain at pagkatapos ay hindi na ito makakalabas dahil sa pagkakagawa ng bitag.

Mga Hayop

May ilang mga hayop na maaaring maturuan upang makatulong sa pangingisda. Ang ilan sa mga hayop na ito ay ang mga tinatawag na frigate bird, Portugese Water Dog, Labrador Retriever at cormorant.

Mga Lason

May mga mangingisda na gumagamit ng mga kakaibang halamang may lason upang paralisahin ang mga isda. Sa paraang ito, mas madaling makolekta ang mga isdang ito sa pamamagitan ng kamay.

Sa ilang mga bansa ay laganap ang tinatawag na cyanide fishing. Ito ay ilegal dahil sa nasisira nito ang mga koral at maaari din itong makapagdulot ng pagkalason sa mga taong kakain ng isdang hinuli sa pamamaraang ito.

Mga Dinamita

Ang paggamit ng dinamita sa pangingisda ay napakadali sapagkat napakarami kaagad na mga isda ang namamatay at binibingwit ng mga mangingisda. Subalit, napakamapanganib nito sapagkat nakakasira ang mga dinamita ng mga koral at iba pang yaman-dagat, at nakakasira rin ito ng balanse ng ecosystem. Dahil dito, ang pamamaraang ito ay ilegal sa karamihan sa mga bansa sa mundo.

Pangingisda sa Pilipinas

Dahil ang Pilipinas ay isang kapuluan, napakalawak ng lugar na napangingisdaan sa bansa. Ayon sa bilang ng pamahalaan noong 1976, mayroong mga 2.2 milyong kilometro kwadrado ng katubigan ang maaaring mapangisdaan ng mga Pilipino. Subalit, karamihan sa mga gawaing pangingisda ay ginagawa sa loob ng humigit-kumulang 126,500 kilometro kwadrado. Mahigit sa kalahati ng pangangailangang protina ng mga Pilipino ay nakukuha mula sa mga isda at iba pang pagkaing-dagat. Ang Pilipinas ay isa sa may pinakamalaking pagkonsumo ng mga isda sa buong mundo. Karamihan sa mga uri ng isda na kinakain ng mga Pilipino ay bangus (milkfish) at tilapia. Ang kabuuang huli ng isda sa Pilipinas noong 1989 ay nasa 2.3 milyong tonelada. Ang bilang na ito ay mula sa iba’t-ibang pinagmulan. Isa dito ay sa mga huli ng mga maliliit na mangingisda na may kanya-kanyang mga pagmamay-aring bangka at humuhuli malapit sa pampang ng mga ilog at karagatan. Ilan pa sa kabuuang bilang mga isdang nahuhuli sa Pilipinas ay mula sa mga fishpond, mga malalaking lawa tulad ng Lake Lanao sa Mindanao at Laguna de Bay sa Luzon, at sa mga pang-industriyang palaisdaan. Ang mga pang-industriya o pang-komersyal na pangingisda ay karaniwang gumagamit ng mga payak na pamamaraan ng pangingisda. Ang karaniwan sa kanilang mga huli ay ang mga sumusunod: tuna, albacore, hipon, sugpo, sardinas, anchovy, slipmouth, yellowfish, herring, alimango at alimasag at mussel.

Sanggunian

  • Early humans followed the coast BBC News article.
  • Coastal Shell Middens and Agricultural Origins in Atlantic Europe.
  • Fisheries history: Gift of the Nile PDF.
  • Image of an ancient angler on a wine cup.
  • Image of fishing illustrated in a Roman mosaic.
  • Job, chapter 14, Bible Wiki.
  • Polybius, Histories, Fishing for Swordfish.
  • Trout binning in The Mirror of Literature, Amusement, and Instruction, Vol. 12, Issue 328, August 23, 1828, Project Gutenberg.
  • Image of an eel spear.
  • Spear fishing for eels.
  • Fishing Tools - Landing Nets
  • KiteLines Fall 1977 (Vol. 1 No. 3) Articles on Kite Fishing.
  • Big Dropper Rigs
  • Jared Diamond: Guns, Germs, and Steel: The Fates of Human Societies. page 310. W.W. Norton & Company, March 1997. ISBN 0-393-03891-2.
  • Brewarrina Aboriginal Fish Traps.
  • Ajumawi Fish Traps.
  • Dam Fishing Fishing techniques of the Baka.
  • The Text of Magna Carta, see paragraph 33.
  • Shooting and Fishing the Trent, ancient fish traps.
  • Cormorant fishing: history and technique.
    • De Orbe Novo, Volume 1, The Eight Decades of Peter Martyr D'Anghera, Project Gutenberg.
  • Ethnozoology of the Tsou People: Fishing with poison.
  • Explosions In The Cretan Sea: The scourge of illegal fishing -- fishing with explosives.
  • Fishing in Ireland Central Fisheries Board Website
  • ISFC Trophy Fish Website Irish Specimen Fish Committee
  • Asia Food, Sea Cucumber.
  • Asia Food, Jellyfish.
  • The World Resources Institute, The live reef fish trade
  • Fishing in the Philippines - Country Studies
  • Fishing in the Philippines - Encyclopedia Britannica

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.