Pananalanta ng Bagyong Ondoy

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Bagyong Ondoy2.jpg

Sa pinakahuling tala ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), umabot na sa dalawang daan at apatnapu na katao ang nasawi bunsod sa pinsalang dala ng bagyong Ondoy. Kalahati ng mga ito ay nagmula sa Metro Manila at ang nalalabi ay sa mga probinsya sa Rehiyon IV-A kabilang ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Ayon sa NDCC, umabot na sa mahigit anim na daang libong katao ang lumikas sa kanilang mga tahanan patungo sa mga itinalagang evacuation centers, mga eskwelahan at simbahan dahil sa baha at pagguho ng lupa. Aabot naman sa tinatayang dalawang bilyong piso ang halaga ng pinsalang ginawa ni Ondoy.

Unang bumuhos ang bagyong Ondoy sa Luzon noong ika-26 ng Setyembre na nagdulot ng malaking pinsala sa iba’t ibang lugar kabilang ang Metro Manila, Rizal at Laguna. Tuluyan naman itong humina bilang isang tropical depression noong ika-30 ng Setyembre at tuluyan nang lumabas ng bansa patungong Laos.

Samantala, patuloy ang pagkalap ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon ng tulong para sa mga nasalanta ng bagyo. Maliban sa isang daang libong dolyar na ibinahagi ng pamahalaang Amerika sa Red Cross at pagtulong ng mga Amerikanong Marino sa pagsagip sa mga nasalanta ng bagyo, patuloy ang pagtulong ng mga miyembro ng Balikatan excercises sa paglilinis pagkatapos humupa ang baha.

Tuloy-tuloy pa rin ang pagsagip at pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa mga pook kabilang ang Marikina at Rizal. Nakiisa ang mga sikat na personalidad, mga miyembro ng gobyerno at mga karaniwang tao sa pagbibigay ng tulong para sa mga naapektuhan ni Ondoy. Ayon naman sa mga pag-aaral, magpapatuloy ang pagkakaroon ng mga bagyo tulad ng Ondoy dahil sa pagbabago ng klima o climate change. Pinaghahanda na ang mga mamamayan sa mga susunod na bagyo o iba pang pagbabago sa panahon.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.