Pananakit ng Ulo

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang pananakit ng ulo (headache o migraine) ay isang uri ng sakit na iba't iba ang sanhi. Ang pananakit ay maaaring bahagya lamang o matinding kirot, at tumitibok-tibok at walang hinto. May iba't ibang uri ng sakit sa ulo. Ang iba ay pansamantala, at ang iba naman ay pangmatagalan at pabalik-balik. Anumang uri ng pananakit ng ulo ay nangangailangan ng kaukulang paggamot.

Mga nilalaman

[baguhin] Mga Uri ng Sakit ng Ulo

  • Migraines. Ito ay matindi at paulit-ulit na sakit ng ulo at malimit ay may kasamang pagkahilo, panlalabo ng paningin, pagkabingi, at pagsusuka. Ang labis na pananakit ng ulo ay maaaring nasa isang panig lamang ng ulo.
  • Pananakit ng ulong sanhi ng suliranin sa panunaw. Karaniwan itong may kasamang sakit sa tiyan, bato, bituka, at apdo. Minsan ay sinasabing may kaugnayan ang pananakit sa sobrang pag-inom ng alkohol at pagiging sensitibo sa pagkain.
  • Pananakit ng ulong sanhi ng pagkapagod. Ang kirot ay nagsisimula sa leeg papaakyat sa bungo.
  • Pananakit ng ulong sanhi ng pag-aalala. Ang pag-urong ng kalamnan ay nagiging sanhi ng katamtamang pananakit ng ulo mulang leeg hanggang noo.
  • Pananakit ng ulong sanhi ng pamamaga ng sinus, lalo na ng bungo o ng bao ng ulo. Ang pamamaga ng mga lining ng isa sa walong sinus cavities ay maaaring maging dahilan ng malalim at matagalang pananakit sa palibot ng mga mata, ilong, at ulo.
  • Pananakit ng ulo sanhi ng pagkabahala o pagkabalisa. Ang kirot ay gumuguhit sa noo.

[baguhin] Mga Sanhi ng Pagsakit ng Ulo

  • Pagbabara ng daluyan ng dugo at pagbabago daloy ng dugo o hangin sa utak;
  • Mga namamanang abnormalidad, gaya ng problema sa hormone ng katawan;
  • Mataas na presyon na nararamdaman sa likod ng batok;
  • Maling postura ng katawan;
  • Labis na pagod;
  • Labis na pagkalungkot;
  • Pag-aalala at pagkabahala
  • Baradong ilong dahil sa sipon;
  • Allergy;
  • Pagkalango sa alak;
  • Sobrang paninigarilyo;
  • Maling paggamit ng gamot;
  • Bago at habang nireregla (para sa mga babae);
  • Pagpapalit o pagbabago-bago ng klima;
  • Labis na pag-iisip;
  • Mataas na lagnat;
  • Puyat;
  • Hindi balanseng pagkain;
  • Istrok o alta-presyon;
  • Tumor sa utak.

[baguhin] Palatandaan ng Malubhang Sakit ng Ulo

Sa pangkalahatan, kinakailangang kumonsulta sa doktor kapag may hindi maipaliwanag na pagbabago sa pangangatawan at dumadalas ang pagsakit ng ulo. Kahit na hindi malala ang pananakit ng ulo, makabubuti pa ring sumangguni sa espesyalista kapag naramdaman ang mga susmusunod:

  • Matindi ang sakit ng ulo at dumarating ito nang walang anumang babala;
  • may kasamang pagkalito, panlalabo ng paningin, bahagyang pagkaparalisa, pagkawala ng malay-tao, at iba pang karamdamang may kinalaman sa utak;
  • Nilalagnat at naninigas ang leeg o kaya ay nahihirapang pihitin ang ang ulo nang pakaliwa o pakanan;
  • Nagiging madalas ang pagsakit ng ulo at higit itong matindi kaysa dati o kaya ay nagiging paulit-ulit ito nang wala namang nakikitang dahilan;
  • Naaalimpungatan tuwing gabi dahil sa pananakit ng ulo.

[baguhin] Paggamot

  • Pamamaraang medikal: Kapag nakararanas ng paulit-ulit na pagsakit ng ulo, mahalagang suriin kung ano ang sanhi nito. Makatutulong ito upang malaman kung ano ang mga bagay na nagpapasimula ng sumpong ng pagsakit ng ulo—pagkain, labis na paninigarilyo o pag-inom ng alak, kakulangan sa ehersisyo, o kaya'y paninibago sa gamot na iniinom. Sa paraang ito ay malalaman kung paano makokontrol ang pagsakit.

Maaaring magrekomenda ang inyong doktor ng decongestant upang mabawasan ang pamamaga kung baradong sinus ang dahilan ng pagsakit ng ulo. Maaari din kayong bigyan ng antibiyotiko kung may impeksiyon; o kaya ay pampakalma ng kalamnan para sa tension anthihistamines par taona sa allergies, at tranquilizers o anti-depressants para sa pananakit ng ulo na may kinalaman sa psychiatric disorders.

Iba pang paggamot: Sa nakaraang mga taon, maraming klinika ang nagkaroon ng alternatibong paggamot na maaaring makatulong sa iba't ibang uri ng sakit sa ulo:

  • Acupuncture at acupressure. May mga sentro ng nerbiyos na kapag natingki ay maaaring makapagpaginhawa sa katawan at makapagpaluwag ng daloy ng dugo at enerhiya sa katawan. Makatutulog sa ganito ang acupuncture at acupressure upang mapasigla ang ilang bahagi sa ulo, leeg, kamay, at mga paa. Ipinapayo ng mga propesyunal na maglagay ng diin sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo.
  • Kompelementaryong Remedyo. Sinasabing ang holistikong paggamot ay kapaki-pakinabang upang mapawi ang pananakit ng ulo sanhi ng tensiyonna dala ng maling pag-aalaga ng kalusugan. Makatutulong ang mga sumusunod upang mailabas ang mga tensiyon sa katawan:
    • Uminom ng tsaa mula sa halamang-gamot o kapsulang mula sa halamang-gamot, gaya ng mint tea at rosemary tea;
    • Magpahilot na may aromatherapy, o paggamit ng mga langis na mabango;
    • Mag-aral ng mga ehersisyo sa yoga;
    • Magpamasahe sa eksperto shiatsu o reflexology, o kaya'y masahihin ang sarili;
    • Sumailalim sa hydrotheraphy;

[baguhin] Mabilis na Lunas

Ilan sa mga simpleng paraan upang maibsan ang pananakit ng ulo ay ang sumusunod:

  1. Mahiga nang komportable sa isang tahimik, madilim na silid. Isara ang mga kurtina, isara ang telebisyon at tanggalin ang pagkakakabit ng telepono. Irelaks ang panga hangga't maari. Lumanghap at bumuga ng hangin nang malalim habang ipinapahinga ang mga masel.
  2. Iminumungkahi ang positibong pag-iisip—halimbawa ay isang magandang tanawing makapagpapagaan ng isip at ang katawan.
  3. Mag-hot shower at hayaan ang lagaslas ng tubig na dumaloy sa tensiyonadong masel na nagdudulot ng sakit ng ulo;
  4. Magpamasahe ng leeg at batok.
  5. Sikaping matulog nang mahimbing.
  6. Makinig ng banayad na musika;
  7. Iwasang kumain ng sumusunod: tsokolate, sausages, deli meats, pate at tapang karne; de-latang isda o sardinas, tahong, talaba, at karne ng mga ilahas na hayop; binurong keso; butter at whole cream; oliba, pikels, at iba pang binurong gulay; lentis, sibuyas, repolyo, at chick peas.
  8. Iwasan ding uminom ng alak, lalo na ng serbesa; kape, tsaa, cola drinks, at tsokolateng may gatas.

[baguhin] Sanggunian

  • Guide To Medical Cures and Treatments. Trudent Reference Publishing/Grolier
  • Where There Is No Doctor. Maynila: Philippine Charity Sweepstakes Office, First Philippine edition, December, 1979.
Paunawa sa Babasa
Bagaman malayang sundin ng mambabasa ang nilalaman nito alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon, ipinapayo ng WikiFilipino na kumonsulta pa rin sa doktor o espesyalista. Hindi mananagot ang WikiFilipino sa anumang mangyayari sa mambabasa kapag sinunod ang mga payong pangkalusugan ng akdang ito.


Walang sapat na sanggunian ang akdang ito.
Tumulong na paunlarin ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng tumpak na pagsipi at sanggunian.
Maaaring subukin o tanggalin ang bagay na hindi matitiyak kung totoo.
Tinatakan ang akdang ito noong Pebrero 27, 2008.


[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.