Pananakit ng Likod

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang malimit sanhi ng pananakit ng likod ay nagsisimula sa gulugod (lumber spine), na nasa pagitan ng baywang at kuyukot. Nasa leeg (cervical spine) ang ikalawang sanhi ng pagkirot. Depende sa sanhi, ang pagkirot ay maaaring tuloy-tuloy, panaka-naka lamang, o kaya ay nakasentro sa iisang lugar. Maaari din itong maging malala, o tila ba sinasaksak sa sakit at kumakalat mula sa ibabang bahagi ng likod patungo sa pigi at mga hita. Maaari ding magmula sa leeg patungo sa panga at mga bisig ang pangingirot.

Karamihan sa sakit ng likod ay dahil sa pulikat o nabanat na kalamnan, na ang sanhi ay maling pagbubuhat o biglaang pagpihit ng katawan. Maaari ding dahilan ang maling postura, malabis na katabaan at pagbubuntis. Ang mga ito ay nangangailangang bigyan ng atensiyong medikal at hindi mareresolba ng pagbabawas lamang ng oras sa pagbibiyahe, pag-upo o pagtatrabaho Maaari itong maging pangmatagalang suliranin. Sa iba pagkakataon, ang pagkirot ng likod ay sanhi ng pisikal na pagkakasakit.

Karamihan sa mga nagiging sanhi ng pananakit ng likod, ayon sa pagsusuri ng mga espesyalista, ay ang sumusunod:

  • Dumurupok na buto (degenerative disk). Ang disk sa gulugod ay tila maliliit na espongha na nasa pagitan ng isa sa mga buto ng gulugod at nagsisilbing “shock absorbers”. Habang nagkakaedad ay nawawala ang katangian nito na sumalo ng bigat. Ang pagdupok ng buto ay resulta ng normal na proseso ng pagtanda. Subalit maaari din itong mamana sa magulang, o kaya'y matamo sa trawma o direktang pinsala sa disk. Kapag ang mga buto ng gulugod ay lumihis o nagkiskisan, ang tila kurot at iritasyon sa ugat ng nerbiyos ay nagaganap at nagsisimulang manikip at manigas ang kalamnan.
  • Luslos (Herniated disk). Nagdudulot ng kirot sa likod ang luslos. Ito ay dahil kumikiskis ang disk sa mga nerbiyos sa palibot ng gulugod.
  • Tagasagap ng kirot. Sumasagap ng anumang kirot mula sa iba't ibang panig ng katawan ang ibabang bahagi ng gulugod. Nangyayari ito dahil nay iisang suplay ng nerbiyos ang apektadong bahagi ng gulugod at ang iba pang bahagi ng katawang kumikirot. Magiging posible ang sinumang sumasakit ang likod ay makaramdam din ng pangingirot sa mga braso at balikat.
  • Osteoporosis. Tumutukoy ito sa patuloy na pagnipis ng buto at pagkaubos ng bone calcium na nagiging sanhi ng pagkahukot at mabilis na pagkabali ng buto.
  • Pagkakuba (Kyphosis o kyphoscoliosis). Lumalaylay ang itaas na bahagi ng gulugod at umuumbok ang taguri sa “kyphosis” o “kyphoscoliosis”. Kapag ang lumabis ang pagkakuba ay kinakailangan nang magpagamot, dahil kung hindi ay kikirot ang likod ng sinumang mayroon nito.
  • Scoliosis. Resulta ito ng kondisyon mulang pagkapanganak ng sanggol, at lumulubha habang nagkakaedad ang tao. Karaniwan itong nabubuo sa itaas na bahagi ng katawan o sa ilalim ng batok pababa. Kumukurba sa hugis “S” ang gulugod at ito ang pinagmumulan ng kirot.
  • Lordosis. Ito ang papaloob na kurba ng buto sa itaas na bahagi ng pigi. Lumulubha ang ganitong karamdaman kung mali ang postura o labis sa timbang ang isang tao.
  • Arthritis. Tinatawag din itong rayuma, at may pamamaga ng kasukasuan. Maaari din itong maging sanhi ng paulit-ulit o matagal na pananakit ng likod.

Kinakailangang kumunsulta sa isang espesyalista dahil bawat kaso ng pagkakasakit ay mayroong paggamot na nararapat sundin mula sa payong medikal ng manggagamot.

Mga nilalaman

Mga Lunas

  • Ang simpleng pananakit ng likod ay maaaring magamot sa pag-inom ng aspirin (nonsteroidal

anti-inflammatory drugs) at sapat na pahinga. Kung hindi ito makalunas, maaaring irekomenda ng doktor ang pampakalma ng masel o ang pagtuturok ng cortisone injection. Maaari din na magpalagay ng kolyar sa leeg kung kinakailangan lalo kung ito ay nagmumula sa pinsala sa likuran. Kapag malala ang pinsala sa likod dahil sa pumutok na disk, iminumungkahi ang operasyon upang tanggalin ang disk.

  • Gumamit ng tamang teknik sa pag-aangat o pagbubuhat ng mga bagay. Kapag magbubuhat ng mabigat mula sa ibaba, gamitin ang puwersang mula sa hita at binti kaysa sa mga braso at likod. Panatilihing tuwid ang likuran, at patatagin ang mga binti.
  • Kapag nagtatrabaho sa mesa, tiyakin na ang silyang kinauupuan ay nagbibigay ng tamang suporta sa likuran, at ang ginagamit na mesa at silya ay komportable.
  • Umiwas sa pagtatrabaho nang mahabang oras nang nakaupo. Nakapagpapakirot iyon sa mga masel sa likuran. Kapag nasa oras ng pagtatrabaho, o nasa loob ng kotse o eroplano, mag-umunat-unat ng buto at maglakad-lakad makaraan ang isang oras.
  • Kapag hinihingi ng trabaho ang pagtayo nang matagal, ipahinga ang isang paa sa isang mababang bangkito upang guminhawa ang likod. Kumilos nang ilang minuto.
  • Matulog sa isang sapad at matatag na higaan, o magkalang ng sapad na bagay sa ilalim nito.Gumamit ng mababang unan. Kapag matutulog, ugaliin ang paghiga nang pahalang upang ang vertebrae sa inyong gulugod ay makaayon, mabawi ng likido, at makarelaks ang mga masel ng likuran.
  • Mag-inat sa umaga. Batakin ang buto at kalamnan tuwing umaga. Bago tumayo mula sa kinahihigaan, mag-inat muna ng mga braso. Dalhin ang bawat tuhod sa dibdib. Kapag naramdamang handa na ang katawan sa pagbangon, gumulong at gamitin ang mga bisig upang masuportahan ang katawan sa pagkakatayo mula sa kama. Ilapat ang mga paa sa ibaba, ilagay ang mga kamay sa kama, at tumayo nang dahan-dahan.
  • Ugaliin ang pag-eehersisyo. Magbisikleta, lumangoy, maglakad, upang mapanatiling malusog ang inyong likod. Ang yoga ay isa ring magandang paraan upang kalabanin ang mga kirot sa likod subalit tiyaking ito ay nagagabayan kayo ng isang eksperto.
  • Itaas ang mga paa. Upang mapawi ang pananakit ng likod, isang madaliang paggamot upang guminhawa ay ang humiga sa kama at isandal ang mga paa sa dingding, na ang mga binti ay 90 degree angle sa inyong dibdib.
  • Gumamit ng komportableng kasuotan. Ang masisikip na pantalon o palda ay pumipigil sa malayang pagkilos lalo sa bahagi ng baywang at likuran.
  • Labanan ang osteoporosis.Upang maiwasan ito, ipinapayo ng mga doktor ang pagkonsumo ng mga pagkaing may sapat na bitamina ng calcium at ang regular at hindi kabigatang pag-eehersisyo.
  • Umiwas sa pagsusuot ng sapatos na mataas ang takong. Ang paggamit ng sapatos na may isa at kalahating pulgada o may tatlo hanggang apat na sentimetro ang taas ay makapagdudulot ng dagdag na pasanin sa inyong likod.
  • Baguhin ang posisyon. Kapag ang trabaho ay nangangailangan ng mahabang oras ng pag-upo, tumayo kada oras at maglakad-lakad. Ganoon din sa pagtayo. Bigyan ang sarili ng ilang sandali ng pag-upo at gawin ang iba pang trabaho.

Wastong Pagkain

Maraming pinagmumulan ang pagsakit ng likod subalit mahalaga pa rin ang pagkonsumo ng pagkaing balanse sa sustansiya.

Ugaliin ang pagkakaroon ng tamang postura. Magpababa ng timbang, at palakasin ang mga buto. Upang mapanatili ang malusog at malakas na buto sa inyong likod, kumain ng prutas, sariwang gulay at isda, at umiwas sa taba ng hayop, asukal, asin, alkohol, tsaa at kape. Ang kakulangan sa sapat na bitamina at mineral ay makasasama sa sirkulasyon ng dugo na magiging sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa likod, tensiyon sa leeg, at paninigas ng kalamnan.

Mga Sustansiyang Kailangan ng Katawan

  • Bitamina A. Mahalaga ito para sa matigas na buto, upang mapanatili ang mucous linings, at pananariwa ng selula ng balát. Mahalaga rin ito sa tendons at muscle tissues. Matatagpuan ito sa mga butil, sariwa o binurong prutas, gulay, munggo, mantika, karne, at isda.
  • Bitamina B6. Kinakailangan ito para sa kalusugan ng isip at pangangatawan. Mahalaga ito rin para mapalakas ang panlabas sa sakit. Sumusoporta ito sa metabolismo, lalo na sa protina. Binabalanse ng B6 ang mga hormone at dinudurog ang mga taba at carbohydrate. Nakatutulong din ito upang makabawi sa pagod at pamimitig ng laman, at maiwasan ang pananakit ng likod. Taglay ito ng mga buto ng sunflower, binurong prutas, saging, soya, at mani o kasoy.
  • Bitamina B12. Mahalaga ito para sa pagbubuo at pananatili ng red blood cells at sanhi ng pagiging magana sa pagkain. Nakapagpapataas ito at naglalabas ng enerhiya. Matatagpuan ang B12 sa mga pagkaing hango sa karne at gulay, isda, itlog, gatas, damong-dagat, at kabute.
  • Bitamina C. Ito ang ascorbic acid at kung sasamahan ng vitamin E at betacarotene (galing sa vitamin C) ay bumubuo sa antioxidants. Kinakailangan ito para sa produksiyon ng collagen, na mahalaga sa paglaki at pag-aayos ng mga selula sa kalamnan. Matatagpuan ito sa prutas at gulay, at kabilang dito ang sitrus, istroberi, kiwi, bayabas, kahel, currant, kamatis at hilaw na siling labuyo.
  • Bitamina E. Ito ang makapangyarihang antioxidant. Matatagpuan ito sa hilaw na gulay, mantika, binurong prutas, abokado, at butil ng trigo.
  • Bitamina D. Nagbibigay ito ng tumpak na pagsagap ng calcium at phosphorous na kailangan para mapanatiling malusog ang mga buto, kasukasuan, at sistema ng nerbiyos. Mahalagang sangkap din ito para makaiwas sa osteoporosis. Makikita ito sa itlog, butter, liver, cod liver oil, at whole milk.
  • Magnesium. Pinarerelaks nito ang kalamnan. Mahalaga rin ito para mapatibay ang puso, at tumutulong para sa pagkonrol ng presyon ng dugo. Ang mga pagkaing may magnesium ay gulay, saging, butil ng trigo, isda, halamang-dagat, at binurong prutas.
  • Calcium. Kailangan ito para sa ibat' ibang tungkulin ng katawan— mulang buto hanggang sa pamumuo ng buto, at tungkulin ng muscles. Kabilang sa pagkaing ito ang gatas, keso, yogurt, maberdeng gulay, sardinas, whole grain cereals, at calcium enriched soymilk.
  • Pottasium. Isa ito sa mga electrolyte na kailangan para mapanatili ang kalusugan. Pinalalakas nito ang buto at pinabibilis ang transmisyon ng mga nerbiyos. Matatagpuan ang pottasium sa prutas, gulay, at halamang-ugat, gaya ng patatas, cauliflower, kamatis, at saging.

Mga Pagkaing Dapat Iwasan

Kapag may pananakit ng likod, ipinapayo ang pag-iwas sa mga pagkaing gaya ng mga sumusunod:

  • Trigo (whole wheat grains). Mayroon itong phytate, na humahadlang sa pagsipsip ng calcium, kung kaya nagkakaroon ng kakulangan ng calcium sa katawan. Inilalagay nito sa panganib ang kalusugan ng mga buto
  • Maasidong pagkain at inumin. Sanhi ito ng pangangasim ng sikmura. Ipinapayo ang pag-iwas sa pag-inom ng kape, tsaa, sopdrink, alkohol at dinalisay na asukal.
  • Labis na dairy products. Ito ang sanhi ng sobrang asido sa sikmura. Isama sa pagkain ang ibang pagkaing mayaman sa calcium, maliban sa dairy products (tsokolate, keyk, ayskrim)
  • Labis na pagkaing maalat. Binabawasan nito ang calcium sa katawan lalo na sa mga may edad.
  • Mga pagkaing mayaman sa oxalates (rhubarb, spinach at beets). Binabawasan nito ang pagsipsip ng calcium, at nagreresulta ng mababang antas ng calcium sa katawan.

Sanggunian

  • Halaw sa Guide To Medical Cures and Treatments, na inilathala ng Trudent Reference. Publishing/Grolier.
 Nangangailangan ito ng pagsasaad kompletong lahok sa sanggunian upang matiyak ang pinagmulan.
Paunawa sa Babasa
Bagaman malayang sundin ng mambabasa ang nilalaman nito alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon, ipinapayo ng WikiFilipino na kumonsulta pa rin sa doktor o espesyalista. Hindi mananagot ang WikiFilipino sa anumang mangyayari sa mambabasa kapag sinunod ang mga payong pangkalusugan ng akdang ito.


Walang sapat na sanggunian ang akdang ito.
Tumulong na paunlarin ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng tumpak na pagsipi at sanggunian.
Maaaring subukin o tanggalin ang bagay na hindi matitiyak kung totoo.
Tinatakan ang akdang ito noong Pebrero 1, 2008.

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.