Pamahiin ng mga Tsino

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang bawat kultura ay may kani-kaniyang tradisyon at paniniwala na maaaring nalalayo o nahahalintulad sa ibang kultura. Ang mga paniniwalang ito ay yumabong at lumawak hanggang sa maging animo'y di mababaling batas na dapat sundin at tinawag na mga pamahiin. Hindi ito basta na lamang sumulpot sa gunita ng tao – isang mahaba at masalimuot na proseso ang pinagdaanan nito upang ang mga ito ay tuluyang maging bahagi ng kultura ng isang komunidad.

Masasabi siguro na ang kulturang Tsino ang isa sa may pinakamayaman at mahabang listahan ng pamahiin, dala na rin marahil ng pagiging “pinakamatandang sibilisasyon” sa mundo. Marami sa populasyong Tsino ang nakakalat sa iba't ibang panig ng daigdig. Dala nila sa kanilang pangingibang bansa ang kanilang mga tradisyon na di maiiwasang maging bahagi ng kultura at tradisyon ng lugar na kanilang sinapit. Ngayon ay isa-isahin natin ang ilan sa mga pamahiing Tsino na pinaniniwalaan at sinusunod ng mga Filipino.

Sa pag-aasawa at pagpapakasal

  1. Mahigpit na ipinagbabawal ng paniniwalang Tsino ang pagsusukat ng traje de boda ng ikakasal sa bisperas ng kasal nito, at kung malabag ay maaaring magdulot nang di pagkakatuloy ng kasalan kinabukasan.
  2. Pinaniniwalaang suwerte ang pagreregalo ng arinola sa bagong kasal.
  3. Kailangang iwasan ng dalawang ikakasal ang maglakbay ng malayong lugar lalo na kapag papalapit na ang kanilang pag-iisang dibdib.
  4. Sa kalagitnaan ng seremonyas ng kasal, ang kandilang nakatayo sa magkabilang gilid ng ikinakasal na biglang namatay ay ningas ay ang siyang unang msasawi sa dalawa.
  5. Suwerte ang hatid ng mabining pag-ulan sa araw ng kasal at sinasabing nagdadala ng kasaganaan at kaligayahan sa bagong mag-asawa. Gayun din ang hatid na suwerte sa pagsasaboy ng bigas sa bagong kasal sa paglabas nila ng Simbahan o matapos ng seremonyas.
  6. Hindi angkop na magsuot ng alahas na perlas ang babae sapagkata ang dala nito ay walang tigil na pagluha.

Sa pagbubuntis at panganganak

  1. Kailangang iwasan ng babaeng nagbubuntis na tumingin o saktan ang mga bagay o hayop na may di kaaya-aya ang itsura sapagkat maaaring makuha ng kaniyang ipinagbubuntis ang ganoong itsura.
  2. Iwasan ang pagpapagawa ng bahay o ano mang bahagi nito sapagkat maaaring malaglag o maagas ang dinadala.
  3. Iwasan ang labis na paghimas ng tiyan habang nagbubuntis. Sa paglaki ng bata, maaaring maging matigas ang ulo nito, palayawin o suwail.
  4. Huwag dumalo sa lamay o paglilibing.
  5. Ang batang nagtataglay ng higit sa isang puyo (o ang paikot na oryentasyon ng buhok na tila mata ng bagyo) ay pinaniniwalaang lalaking pilyo at matigas ang ulo.
  6. Ang sanggol na ipinanganak na may malapad at mataba na tenga ay sinasabing magkakaroon ng mahabang buhay.

Paglilibing

  1. Sa paglalamay, ang salamin sa loob ng tahanan, lalo na yaong malapit sa kabaong, ay kailangang alisin o takpan ng tela. Ang sino mang mapatingin sa salamin at makita ang repleksyon ng kabaong ay pinaniniwalaang ay inaasahang may darating na kasawian sa pamilya.
  2. Matapos bumisita sa lamay, huwag agad dumiretso ng uwi sa tahanan. Maglibot-libot muna nang sa gayon ay hindi maisama sa tahanan ang kaluluwa ng yumao.
  3. Ang katawan ng yumao ay hindi sinusuotan ng kulay pula na damit sa paniniwlang ang kaluluwa nito'y hindi matatahimik at magiging isang pagala-galang multo.
  4. Isang saklaan o sugalan ang isinasagawa sa labas para sa namatay. Ito ay upang pangalagaan at bantayan ang bangkay na pinaglalamayan.

Feng Shui at iba pa

  1. Sa paggawa ng hagdanan, tiyaking ang dami ng hakbang ay papatak sa even number.
  2. Huwag pagtapatin ang mga pintuan ng dalawang silid. Huwag hahayaang magkaroon ng isang tuluy-tuloy na silid (na walang hati o harang) upang hindi lumabas ang suwerte.
  3. Huwag magtatayo ng bahay na nakaharap sa gawing hilaga.
  4. Hindi ipinapahitulot ang paggugupit ng kuko sa gabi sapagkat naghahatid ito ng malas, gaya ng pagdalaw ng masamang espiritu sa tahanan.
  5. Ang malakas at mahabang pag-alulong ng aso sa gabi ay nagbabadya ng kamatayan.
  6. Ang paghahain at paghahanda ng mahahabang pagkain gaya ng pansit sa kaarawan ay nangangahulugan ng mahaba at masaganang buhay para sa may kaarawan.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.