Palarong Pambansa

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Palarong Pambansa ay isang taunang kompetisyon sa larangan ng palakasan na pinapasinayaan ng Kagawaran ng Edukasyon para sa mga mag-aaral mula sa iba't ibang baitang ng elementarya at hayskul mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa iba't ibang panig ng Pilipinas. Unang nakilala bilang Bureau of Public Schools Interscholastics Athletic Association Meet, mahigit animnapung taon na ring isinasagawa ang kompetisyong ito upang hikayatin ang mga mag-aaral na pag-ibayuhin ang kanilang mga kaalaman at kahusayan sa larangan ng palakasan batay na rin sa kanilang natutunan sa paaralan.

Mga nilalaman

[baguhin] Layunin

Ang layunin ng pagsasagawa ng Palarong Pambansa ay ang mga sumusunod:

  1. upang itaguyod ang Edukasyong Pampalakasan bilang mahalagang bahagi ng Basic Education Curriculum at pagpapatunay ng pangako ng paaralan na tutulong upang higit na mapaghusay ang kakayahan at maging responsable at kompetitib na mamamayan ang kabataan;
  2. upang itanim at pagyabungin sa gunita at kaisipan ng kabataan ang diwa ng disiplina, pagkakaisa, kagalingan at patas na labanan bilang mahahalagang elemento sa pagbuo ng Matatag na Republika;
  3. upang palawakin ang batayan sa pagkilala, pagpili, pagkuha, at pagsanay ng mga mag-aaral mula sa elementarya at hayskul;
  4. upang magtatag ng pamantungan na gagamitin ng mga paaralan upang higit na mapaghusay ang kanilang mga programa na nagtataguyod sa gawaing pampalakasan; at
  5. upang magsilbing batayan ng National Sports Association sa pagpili ng mga atleta at manlalarong isasabak sa mga pandaigdigang kompetisyon.

[baguhin] Ang programa

Bago makalahok sa Palaro, ang bawat paaralan ay nagsasagawa muna ng panloob na kompetisyong pampalakasan at ang mga nangunang manlalaro ay isasabak naman nila sa mga karatig paaralan sa kanilang distrito. Mula dito'y tatanghalin ang mga magiging kinatawan ng lalwigan o lungsod na siyang isasabak sa Palarong Pambansa.

Ang laban ay tumatagal ng isang linggo o higit pa, depende na rin sa pangangailangan ng laro at lagay ng panahon. Kadalasang isinasagawa ito tuwing buwan ng Abril at Mayo, sa kasagsaan ng tag-araw, upang hindi rin ito makasagabal sa pag-aaral ng mga kalahok na atleta.

Maliban sa pagiging isang okasyon upang makipagtagisan, ang Palaro ay isang mahalagang pagkakataon din upang pagtibayin ang relasyon ng mga mag-aaral sa kanilang kapwa mag-aaral mula sa iba't ibang lalawigan sa buong bansa. Kabilang sa mga larangang paglalabanan ay ang mga sumusunod – arnis, archery, boxing, badminton, baseball, basketball, football, softball, table tennis, tennis, volleyball, chess, sepak takraw, gymnastics, swimming, taekwondo

[baguhin] Pagpili ng Lugar na Pagdadausan

Dumadaan sa subasta at pagsusuri ang pagpili ng tagapangasiwa ng Palaro para sa taon. Ang pagiging “punong-abala” ay sikliko o rotational sa tatlong pangunahing hati ng bansa—Luzon, Visayas at Mindanao. Isinasagawa ang ganitong sistema upang masiguradong ang bawat rehiyon sa buong bansa ay magkakaroon ng mga modernong pasilidad at imprastrakturang kinakailangan para sa mga malakihang kompetisyon sa palakasan.

Ang mga sumusunod ay ang pamantayan ng Pamunuan ng Palarong Pambansa sa pagpili ng lokasyon ng gaganaping kompetisyon:

  1. ang mga kagamitang gagamitin sa Palaro ay kinakailangan nasa pinakamahusay na anyo at pasok sa pandaigdigang pamantayan;
  2. ang magsisilbing tahanan ng mga delegado at pamunuan ay dapat malapit sa lokasyon ng kompetisyon, at may sapat na silid, bentilasyon, at iba pang pasilidad na kakailanganin;
  3. ang lugar ng kompetisyon, gayun din ang pagtitirhan ng mga delegado, ay kinakailangang may sapat na suplay ng tubig at kuryente;
  4. ang lokasyon ay kinakailangan ring kumpleto sa pangunang-lunas (kapwa medical at dental), gayun din ang mainam na pasilidad para sa transportasyon at komunikasyon;
  5. kailangang may kaayusan at kapayapaan sa kapaligiran;
  6. ang lokal na pamahalaan ay kinakailangang sumang-ayon na bilang punong-abala ay maglalaan ng kaukulang salapi na kakailanganin para sa gaganaping Palarong Pambansa, kabilang na ang pagtatayo o pagsasaayos ng mga pasilidad at iba pang imprastrakturang kakailanganin sa kompetisyon;
  7. kinakailangang may pagkakaisa ang lahat ng mga aktibong grupo sa lalawigang napiling mamumuno sa Palarong Pambansa (mga pangsibikong samahan, pamahalaan at di-pampamahalaan na organisasyon) para sa ikatatagumpay ng nasabing paligsahan.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.