Pagsusuka

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang pagduduwal o pagsusuka ay ang pilit na paglalabas ng laman ng tiyan at sinasabing hindi kabigatang pagkakasakit. Ito ang karaniwang palantandaan mulang pagbubuntis o kaya'y pagkasandat sa pagkain o alkohol hanggang pagkalason. Maaaring sintomas din ng mabigat na sakit ang pagsusuka.

Ang pagsusuka ay nagmumula sa laberintong bahagi ng tainga, utak, at sikmura (gastrointestinal tract). Kapag nagsusuka, hindi nakokontrol ng utak ang sentro ng pagsusuka sa utak. Ang mga masel na kumokontrol ng daluyan ng hangin ay lumalambot, samantalang ang mga masel sa diaphragm at sikmura ay tumitigas. Sumasara ang daluyan ng hangin sa lalamunan, at bumubukas naman ang ibabang bahagi ng sikmura at inilababas nang kusa ang laman ng sikmura papanhik at palabas ng bituka.

Malimit na sumasakit ang tiyan, at pagkaraan ay makararanas ng pagsusuka ang sinumang tao. Minsan, walang dahilan. Maaaring kinakabagan lamang siya o sadyang naparami lamang ang kinain. Ang ganitong uri ng pagsusuka ay mabilis mawala, at hindi dapat ikabahala.

Mga nilalaman

[baguhin] Magpatingin sa doktor

Mahalagang masuri nang masusi ang taong nagsusuka. Sinasabing ang pagsusuka ay malimit nagmumula sa sakit sa loob ng tiyan, at kaugnay ng iba pang problema, na gaya ng sumusunod:

  • impeksiyon mula sa bakterya o virus, at kabilang dito ang urinary tract infection na impeksiyon sa daluyan ng ihi;
  • pagkalason mula sa sirang pagkain na nakain ng biktima;
  • apedisitis, pagbabara ng pagkain sa sikmura, at iba pa;
  • anumang karamdamang may kasamang mataas na paglalagnat o matinding pangingirot, gaya ng malarya, na siyang sanhi ng pagsusuka;
  • hepatitis
  • tonsilitis
  • pangingirot ng tainga;
  • meningitis
  • urinary tract infections;
  • pangingirot ng lapay (gallbladder);
  • matinding pananakit ng ulo (migraine headache).

[baguhin] Reaksiyon ng katawan

Malimit na ang pagsusuka ay likas na pagtugon ng katawan sa mga pangyayaring gaya ng pagkalula, pagkaimpatso, at pagsinghot ng mabahong amoy. Hindi na nangangailangan ang mga ito ng diyagnosis o paggamot. Ngunit kapag lumala ang mga ito na may kasama pang ibang sintomas, tulad ng paglalagnat, pagkirot, pamamaga, o pagkahilo, kinakailangan ang masusing pag-aaral tungkol sa pagkakasakit na ito.

Ang pag-eeksamen sa ihi at dugo ay ipinapalagay na makasasapat na. Ngunit kapag may matinding pinsala ang sikmura, gaya ng sakit sa lapay, pancreatitis, hepatitis, ulser, o tumor, nangangailangang ng sumailalim sa xp-rays, ultrasound, CT scan, MRI, o iba pang imaging studies na ang pagrerekomenda ay manggagaling sa inyong doktor.

[baguhin] Mga Panganib na Dapat Subaybayan

Kapag nakaranas ng isa sa mga sumusunod na sakit, iminumungkahi nang magpatingin agad sa doktor:

  • dehydration o pagkaubos ng likido sa katawan na lumalala at hindi na makontrol;
  • matinding pagsusuka na tumatagal nang hanggang 24 oras;
  • malubhang pagsusuka, lalo kung ang naisusuka ay maitim at may halong berde, kalawang, at amoy-tae;
  • patuloy na pananakit sa lamang-loob (gut), lalo kung ang pasyente ay hindi makadumi. Maaari ding walang anumang tunog na maririnig kapag idinaiti ang tainga sa bandang tiyan;
  • pagsusuka ng dugo.

[baguhin] Kagyat na lunas

Luya ang pinakapopular na halamang-gamot para sa pagsusuka. Maaari itong mabili sa porma ng kapsula, tsaa, o istik na maaaring nguyain. Ang pag-inom ng tsaa mula sa paminta o dinurog na buto ng anise o ang pagnguya ng mga buto ng caraway ay maaaring makapagpababa ng epekto ng pagduduwal. Para naman sa pagsusuka tuwing umaga, ang tsaang mula sa dahon ng basil at raspberry ay inirerekomenda.

[baguhin] Paggamot

Kung ang sanhi ng pagsusuka ay ang malabis na pagkain o pag-inom lamang ay madali lamang na ito ay malutas.

  • Habang nagsusuka, makabubuting umiwas kumain ng matitigas na pagkain, o kaya'y uminom ng gatas at citrus juice. Ipinapayong humigop ng flat ginger ale, tubig, matamis na fruit juice, bouillon, o malambot na popsicle. Kapag nagpatuloy pa rin ang pagsusuka, subuking sumipsip ng durog na yelo.
  • Kapag ang sintomas ay bumaba o humina na, unti-unting magdagdag ng mga pagkaing walang taba, gaya ng applesauce, saging, dry toast, sopas, kanin, pretzel o soda kraker. Kapag ang pasyente ay nakabawi na, sumubok kumain ng manok na inalisan ng balat, walang tabang karne ng baka, at puding.
  • Upang maiwasan ang pagduduwal tuwing umaga ng buntis, kumain nang kaunti ngunit madalas sa loob ng maghapon. Samahan ito ng saging o puding bago matulog. Magtabi ng kraker o biskuwit sa may higaan na dapat na kainin bago bumangon sa umaga.
  • Hangga't maaari, huwag munang kumain kapag may malalang pagsusuka.
  • Maaari ding humigop ng cola drink o ginger ale. Ang ibang tsaang mula sa halamang-ugat, gaya ng chamomile, ay maaari ding makatulong.
  • Kapag may dehydration, bigyan ng maliit ngunit madalas at unti-unting paghigop ng cola, tsaa, o rehydration drink.
  • Kapag hindi agad huminto ang pagsusuka, uminom ng vomit-control medicine, alinsunod sa reseta ng doktor.

Kapag uminom ng gamot, ang gamot ay dapat lunukin nang may kakaunting tubig lamang at wala nang iba pang lulunukin sa loob ng susunod na limang minuto. Huwag magbigay nang sobra sa inirekomendang dosis. Iwasan ding magbigay ng ikalawang dosis hanggang sa ang dehydration ay naisaayos na at ang pasyente ay nakaya nang umihi.

[baguhin] Sanggunian

  • Barbara J. Morgan, punong editor. Reader's Digest: Guide to Medical Cures and Treatments. USA: Reader's Digest, 1988.
  • Werner, David. Where There Is No Doctor. Maynil: Philippine Charity Sweepstakes Office, 1981.

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.