Pagkapanot

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang pagiging kalbo o ang pagkapanot ay nangangahulugan ng ganap kundi man ay pagkalagas ng maraming buhok sa anit. Sa normal na kondisyon, ang buhok ng tao ay nalalagas nang 50–100 piraso araw-araw na sinasabing bahagi ng normal na pagtubo, pagpapahinga, at pagbabago.

Kapag ang buhok ay nasa estado o proseso nang pagpapahinga, kusa itong lumuluwag mula sa pinakaugat at kusang nalalagas. Sa loob lamang ng ilang buwan, bagong buhok ang tutubo sa mismong puwesto ng pinaglagasan.

Kapag ang tao ay nadaragdagan ang edad at tumatanda, normal lamang na maging manipis ang buhok para sa kababaihan at kalalakihan. Subalit higit na marami sa mga lalaki ang nakararanas ng higit na pagkawala ng buhok na sinasabing dahilan ng namamanang kondisyon na tinatawag na male pattern baldness o androgenic alopecia. Normal na nangyayari ito anumang panahon matapos ang panahon ng kanilang kabataan.

Tipikal na nagsisimula ito sa mabagal na pagnipis ng buong buhok sa anit. Pagkatapos nito, ang buhok ay umuurong mula sa noo at numinipis sa bandang gitna. Nag-iiwan lamang ito ng buhok na nakalawit palibot sa likuran ng ulo hanggang sa may tainga.

Ang mga hair follicle sa bahaging nakakalbo o napapanot ay tumutunaw ng androgen, ang hormone ng lalaki, sa kakaibang paraan kaysa sa ibang bahagi ng katawan at ng anit. Ito ang nagiging dahilan upang ang mga hair follicle ay umurong. Ang pagtubo ng buhok ay bumabagal, hanggang sa kinalaunan ay namamatay ang buhok, na nauuwi sa pagiging permanenteng pagkapanot.

Ang mga babae ay maaari ding makaranas ng pansamantalang pagkalagas ng buhok dahil sa mga pagbabago sa kaniyang hormone sa panahon ng pagbubuntis, menopause, o post-menopausal hormone therapy.

Kapag ang babae ay nakakalbo sa panahon ng kaniyang pagme-menopause, ito ay dahil sa malaking pagbabago sa antas ng androgen, at ito ay maaaring namana niya sa kaniyang magulang o ninuno. Kapag malabis naman ang pagpapabanat ng buhok, pagkukulay, o pagtirintas nang sobrang higpit, maaari ding maging dahilan ang mga ito sa pagkalagas ng buhok.

Ang isang panandaliang pagkawala ng buhok na tinatawag na alopecia areata ay pagkapanot sa ilang bahagi ng ulo. Ipinapalagay ng ibang mananaliksik na ito ay autoimmune reaction na ang sistema ng panlaban sa sakit ng katawan ay inaatake ang malulusog na hair follicle. Sa maraming pagkakataon, ang buhok ay tumutubong muli mulang anim hanggang 24 buwan.

Ang impeksiyong sanhi ng fungus, gaya ng ringworm, sa anit ay nagiging isa rin sa mga sanhi na maaari din namang malunasan ng wastong paggamot. Ang sanhi ng karaniwang pagkaubos ng buhok ay madaling malaman sa pisikal na kaanyuan at sa kasaysayang medikal ng pasyente na gaya ng pagkakasakit nang hindi pa katagalan at pag-aabuso sa droga. Ang impeksiyong sanhi ng fungus ay maaaring masuri sa pamamagitan nang pag-eeksamen sa balat na gamit ang isang espesyal na ilaw o liwanag.

[baguhin] Sanhi

Ang mga sakit na karaniwan nang pinagsisimulan ng pagkaubos ng buhok ay ang lupus, thyroid insufficiency, scleroderma', at ang pagkunat ng balat. Kabilang na rin dito ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, pagkakalantad sa radyasyon, at paggagamot na gaya ng cancer chemotherapy.

[baguhin] Paggamot

Kahit na sinasabing ang paggagamot sa sarili ay hindi magagawang pigilin ang pagkakalbo ng lalaki. Gayunman, ang maingat at wastong paggamot sa pagkalagas ng buhok ay maaaring makapagpabagal sa pagkapanot. Ipinapayo ang mga sumusunod upang maiwasan ang pagkalugas ng buhok:

  • Iwasang suklayin ang basang buhok, ang paraang ito ay makapagpapahina at makakasira ng buhok.
  • Gumamit ng mild shampoo at ng maligamgam, hindi mainit na tubig. Banlawan ang buhok ng malamig na tubig at ingatan ang pagpapatuyo ng buhok, gawing malumanay ang pagdampi ng tuwalya.
  • Umiwas sa madalas na pagpapakulay ng buhok at paggamit ng hair dryer.
  • Kumain ng masustansiya, higit lalo ang mga gulay at prutas na natural na makapagbibigay ng madulas at matibay na hibla ng buhok.
  • Talian ang buhok kung kinakailangan ngunit huwag itong higpitan na siyang magiging sanhi ng pagkakalagot ng buhok. Magsuklay nang malumanay lalo at nagkabuhol-buhol ang buhok.

[baguhin] Sanggunian

  • "Guide to Medical Cures and Treatments", mula sa Readers Digest.
  • Morgan, Barbara J., editor. Reader's Digest General Books. USA: Reader's Digest, 1998.