Pablo S. Gomez

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Pablo Salonga Gomez
Pablosgomez.jpg
Estado:
Tunay na pangalan:
Kapanganakan: 25 Enero 1931
Sampaloc, Maynila
Kamatayan: 26 December 2010
Sta. Teresita Hospital, Lungsod Quezon
Mga Magulang : Olimpio Gomez
Pacita Salonga
Ibang Pangalan :
Kilalang pagganap :

Si Pablo S. Gomez ay isa sa mga tanyag na manunulat ng komiks sa Pilipinas. Siya rin ay isang direktor at scriptwriter sa pelikula. Kabilang sa kaniyang mga popular na likha ay ang Kurdapya, Petrang Kabayo at marami pang iba.

Mga nilalaman

[baguhin] Talambuhay

Ipinanganak sa Sampaloc, Maynila noong ika-25 ng Enero 1931, ang mga magulang niya ay sina Olimpio Gomez at Pacita Salonga. Siya ay nagtapos sa Legarda Elementary School, Jose Abad Santos High School, National Teachers' College at Ateneo de Manila University.

Noong 1949, nagsimula ang kaniyang karera sa pagsusulat sa pamamagitan ng pagsumite ng kaniyang mga akdang prosa sa mga publikasyon katulad ng Liwayway, Bulaklak, Aliwan, at Sinag-Tala. Kinalaunan, siya ay nagsimula bilang isang proofreader at naging editor ng mga serial ng Ace Publications tulad ng Hiwaga Komiks. Kasabay nito ay nagsusulat rin siya ng mga komiks stories, kung saan nagsimula ang publikasyon na mayroon lamang dalawang komiks titles, ang Pilipino Komiks at Tagalog Klasiks. Ilan sa kaniyang mga ginawang kuwento ay kaniyang inakda gamit ang kaniyang pen name na Carlos Gonda. Ang kaniyang unang komiks novel na pinamagatang Apat na Taga ay agad naging isang patok na pelikula noong 1953 na pinondohan ng Sampaguita Pictures.

Matapos magsulat para sa Ace Publications, lumipat si Gomez sa Gold Star Publications na noon ay pagmamay-ari ni Rudy Ner Siongco at nagsulat ng ilang mga komiks stories at serialized novels noong 1962.

Nagtayo si Gomez ng sarili niyang publishing company noong 1963 at pinangalanan niya itong P.S.G. Publishing House. Nagtrabaho siya para sa publishing house mula 1963 hanggang 1974 at sa panahon ding iyon, nailathala ang mga komiks magasin na United Komiks, Universal Komiks, Kidlat Komiks, Continental Komiks, at Planet Komiks. Naging malaking tulong din ang publishing house para sa noon ay baguhang mga manunulat ng komiks kagaya nila Alex N. Niño at Carlo J. Caparas upang simulan ang kanilang karera at gumawa ng sarili nilang pangalan sa industriya ng komiks. Ngunit sa kasamaang palad, kinailangang isara ni Gomez ang kaniyang publishing house at binenta ang ilan sa mga copyrights at labels nito sa Affiliated Publications, Inc.

Si Gomez ay naging isa ring sikat na radio announcer sa DZRH at DZFM.

[baguhin] Mga Obra sa Pelikula at Telebisyon

Itinuturing na isa sa mga pinakamagagaling na manunulat ng komiks sa Pilipinas, lumikha si Gomez ng higit sa 1,000 na komiks novels at stories. Kabilang sa 300 niyang mga likha ay nabigyan ng film adaptation ng mga movie studios katulad ng Sampaguita Pictures, Lea Productions, FPJ Productions, Seiko Films, Viva Films, at ng Regal Films.

Ilan sa mga pelikula na hango sa kaniyang mga likha ay ang Kurdapya (1955), Gilda (1956), Kandilang Bakal (1957), Anino ni Bathala (1958), Tanikalang Apoy (1959), Kaming Makasalanan (1960), Tatlong Magdalena (1960), Octavia (1961), Tulisan (1962), Sabina (1963), Paano Kita Lilimutin? (1965), Miranda: Ang Lagalag na Sirena (1966), Pitong Krus ng Isang Ina (1968), at Petrang Paminta (1969) noong 1950s hanggang 1960s.

Noong 1970s, 1980s at 1990s, sumikat naman sa pelikula ang kaniyang mga obra katulad ng Orang (1970), Kampana sa Santa Quiteria (1971), Santo Domingo (1972), Kampanerang Kuba (1973), Kamay na Gumagapang (1974), Alupihang Dagat (1975), Pagbabalik ng Lawin (1975), Andalucia (1976), Ms. Eva Fonda 16 (1976), Little Christmas Tree (1977), Katawang Alabok (1978), Lihim ng Guadalupe (1979), Inday Bote (1985), Magdusa Ka (1986), Kapag Puno na ang Salop (1987), Pasan Ko ang Daigdig (1987),Petrang Kabayo at ang Pilyang Kuting (1988), Agila ng Maynila (1989), Rosa Mistika (1989), at Hiram na Mukha (1992).

Si Gomez ay lumikha din ng mga teleplays para sa mga palabas tulad ng Panahon, Makulay na Daigdig ni Nora, at Hilda. Dagdag pa rito, siya ay nagsulat at nag-direk ng mga pelikula katulad ng Mga Kuwentong Ginto ni Pablo Gomez kasama si Narda Sanggalang at isinulat ang screenplay at naging direktor ng Agila ng Maynila (1989).

Ipinagamit din ni Gomez ang ilan sa kaniyang mga kuwento sa mga malalaking broadcasting networks upang makagawa ng ilang mga top-rating na mga telenobela, melodrama at mga fantaserye. Ang fantaseryeng Komiks ay hinalaw ang ilan sa kaniyang mga akda para sa mga episode nito katulad ng Inday Bote (noong 4 Pebrero 2006), Machete (noong 18 Marso 2006), Kamay ni Hilda (noong 25 Marso 2006), Bunsong Kerubin (noong 6 Mayo 2006), Inday sa Balitaw (noong 13 Mayo 2006), Si Pardina at ang mga duwende (noong 15 Hulyo 2006), at ang Bahay ng Lagim (noong 12 Agosto 2006). Bukod pa doon, ipinalabas din ng ABS CBN ang likha ni Gomez kagaya ng Hiram na Mukha (2007) para sa palabas na SineSerye.

Ginamit din ng GMA 7 ang dalawa sa mga obra ni Gomez na pinalabas sa kanilang programa na Sine Novela, ito ang Pasan Ko ang Daigdig (2007) at Magdusa Ka (2008).

[baguhin] Mga Parangal

Kabilang sa mga parangal na nakamit ni Gomez ay ang Best Heavy Drama Story Award mula sa Citizens' Council for Mass Media Award noong 1971. Ang kanyang screenplay para sa kaniyang pelikula na Aguila ng Maynila ang nagbigay sa kaniya ng parangal bilang Best Screenplay sa 37th FAMAS Awards noong 1988. Siya rin ay naging isa sa mga nominado sa FAMAS ng Best Story para sa mga pelikulang Gilda (1956), Water Lily (1958) kasama si Carlos Gonda at Anino ni Bathala (1958), at isa sa mga nominado bilang Best Screenplay para sa pelikulang Batas ng Lansangan (2002) kasama si Manny Buising.

Noon namang 2001, sa 50th FAMAS Awards, si Gomez ay ginawaran ng Dr. Jose Perez Memorial Award for Journalism bilang pagkilala sa kaniyang mga natatanging ambag sa industriya ng komiks, pelikula at telebisyon.

[baguhin] Kamatayan

Pumanaw si Gomez noong 26 Disyembre 2010 sa Sta. Teresita, Lungsod Quezon, bunga ng sakit sa puso at baga. Siya ay 79 na taong gulang.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] External Link

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.