One More Try

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
One More Try.


Ang One More Try ay isa sa mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival noong 2012. Kinatatampukan ito nina Angelica Panganiban, Dingdong Dantes, Zanjoe Marudo at Angel Locsin. Mula sa pruduksyon ng Star Cinema at sa direksyon ni Ruel Bayani, itinanghal ito bilang Pinakamahusay na Pelikula, kasabay ang lima pang parangal sa MMFF 2012.







Mga nilalaman

[baguhin] Buod

Dating magkasintahan sina Grace (Angel Locsin) at Edward (Dingdong Dantes). Lingid sa kaalaman ng huli, nagbunga ang kanilang pagmamahalan bago sila magkahiwalay, at naiwan si Grace na isang dalagang ina.

Pinalaki ni Grace ang anak na si Botchok na mayroong isang pambihirang sakit sa dugo. Kasama ni Grace sa kanyang pakikipagsapalaran sa buhay ang nobyong si Tristan (Zanjoe Marudo). Nang lumala ang sakit ni Botchok, doon napilitan si Grace na hanapin si Edward at humingi ng tulong upang iligtas ang kanilang anak.

Sa kanilang pagkikita, doon lamang nalaman ni Edward na mayroon siyang anak. Sa pagkakataong ito, mayroon na siyang asawa, si Jacqueline (Angelica Panganiban). Ipinaalam ni Grace sa mag-asawa ang sitwasyon ni Botchok at ang tanging makatutulong para malunasan ang sakit nito—ang pagkakaroon ng kapatid na magmumula kina Grace at Edward.

Pumayag si Jacqueline na bigyan ng pagkakataong gumawa ng isa pang anak ang kanyang asawa at si Grace sa pamamagitan ng in vitro fertilization subali't hindi ito nagtagumpay at ang tanging solusyon ay ang pagbuo ng bata sa pamamagitan ng pagtatalik ng dating magkasintahan. Hindi pumayag si Jacqueline pero hindi rin naman maaaring pabayaan ni Edward ang kanyang anak. Sa wakas ay pumayag si Jacqueline sa kundisyong siya ang dapat na masunod kung paano ang gagawin sa kanilang pagtatalik. Dito nagsimulang masira ang mga rela-relasyon nang nabuntis si Grace matapos ang muling pakikipagtalik kay Edward nang hindi nalalaman ni Jacqueline. Nagalit si Jacqueline sa dalawa pero nailigtas naman si Botchok. Sa huli ay napatawad din niya ang asawa at si Grace.


[baguhin] Mga Nagsiganap


[baguhin] Mga Pagkilala at Parangal

Institusyon Parangal Pinarangalan Resulta
Ika-labingwalong Metro Manila Film Festival
Pinakamahusay na Pelikula Nagwagi
Pinakamahusay na Aktor Dingdong Dantes Nagwagi
Pinakamahusay na Aktres Angel Locsin Nominado
Angelica Panganiban Nominado
Pinakamahusay na Direktor Ruel Bayani Nominado
Ikalawang Pinakamahusay na Aktor Zanjoe Marudo Nominado
Ikalawang Pinakamahusay na Aktres Gina Pareño Nominado
Pinakamahusay na Batang Artista Miguel Vergara Nagwagi
Pinakamahusay na Editing Vito Kahili Nagwagi
Pinakamahusay na Dulang Pampelikula Anna Karenina Ramos, Kriz Gazmen, Jay Fernando Nagwagi
FPJ Memorial Award for Excellence Nagwagi


[baguhin] Mga Reaksyon at Papuri

Nakatanggap ng gradong “A” mula sa Cinema Evaluation Board ang pelikula. Halo-halo naman ang reaksyon ng mga manunuri matapos itong mapanood. Ayon kay Katrina Stuart Santiago, mas lumutang ang pag-arte nina Dingdong Dantes at Angel Locsin kumpara kay Angelica Panganiban na puro galit ang tono ng mga binibitiwang linya pero nagkamaling bigyan ng masayang wakas ang pelikula na para sa kanya ay hindi kapani-paniwala.

Sa kolum na Sine Silip ni Fort Yerro sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, pinuri niya ang dulang pampelikula, direksyon at mga nagsipagganap sa pelikula at sinabing “Sa kabuuan, pulido ang pelikula, maganda ang daloy ng istorya, at walang nasayang na eksena.”

Naging usap-usapan na kinopya umano ang kwento ng One More Try sa isang pelikula mula sa Tsina, ang In Love we Trust. Sinasabing noong pinaplano pa lamang ang pelikula, mayroon itong pamagat na kaparehas ng nagmula sa Tsina.



[baguhin] Sanggunian



[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.