Nicanor Abelardo y Sta. Ana

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
{{#if: Musiko, Kompositor | }} {{#if: Pebrero 7, 1893 | }} {{#if: 21 Marso 1934 | }} {{#if: | }} {{#if: Valentin Abelardo at Placida Sta. Ana | }} {{#if: | }}
Nicanor Abelardo y Sta. Ana
Estado Musiko, Kompositor
Kapanganakan Pebrero 7, 1893
San Miguel de Mayumo, Bulakan
Kamatayan 21 Marso 1934
Asawa {{{spouse}}}
Mga Magulang Valentin Abelardo at Placida Sta. Ana
Palayaw {{{othernames}}}


(Upang mabása ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang Nicanor Abelardo)

Mga nilalaman

Halaga

Musiko at kompositor, si Nicanor Abelardo y Sta. Ana ay lumikha ng musikang nagtatampok sa kaligirang Filipino at nagpasigla sa mga awiting-bayan sa bansa. Ginamit din niya ang nasagap na kabaguhan mulang ibang bansa, at inilangkap iyon sa katutubong musika na nakatulong sa modernisasyon ng musikang Filipino. Kabilang si Abelardo sa iilang kompositor noon na nag-angat ng estado ng musikang Filipinas, at ipinakilala yaon sa pandaigdigang larangan.

Edukasyon

Noong 1901, sinulat niya ang kauna-unahang komposisyong pinamagatang Ang Unang Buko, na inialay niya sa kaniyang lolang si Macaria Libunao. Si Libunao, ayon sa tala ni E. Arsenio Manuel, ay isa sa mga babaeng naghatid ng pagkain sa mga maghihimasik doon sa Biyak na Bato. Tumulak pa-Maynila si Abelardo noong 1902, at nag-aral sa pribadong paaralan ni Pablo Paguia, at pagkaraan ay lumipat sa Quiapo Primary School para tapusin ang antas na primarya. Bata pa'y marunong nang tumugtog ng gitara at biyolin si Abelardo. Nang lumaon, natutuhan din niyang tumugtog ng piyano at bandurya mula sa mga maestrong Italyano. Edad 13 pa lamang ay tumutugtog na sa salon at kabaret si Abelardo. Pagsapit ng 1907 ay nagbalik siya sa Bulakan at tinapos ang ikaanim na grado noong 1908. Nahirang siyang guro sa paaralan ng San Ildefonso at sa baryo ng Sibul. Nilikha niya noong 1909 ang himig ng Banaag at Sikat na inialay naman sa Confederacion Bulakeña.

Noong 1916, naisipan niyang mag-aral sa Konserbatoryo ng Musika sa Unibersidad ng Pilipinas at naging guro sina Guy F. Harrison at Dr. Robert L. Schofeld. Ngunit nakipagtanan siya sa kaniyang kasintahan pagkaraan, at nagpakasal. Hindi naging sagka sa kaniyang karera ang pag-aasawa, at nagwagi pa nga noon si Abelardo sa timpalak pangmusika ng UP, nang sulatin niya ang ngayo'y klasikong “UP Naming Mahal.” Mabilis na umakyat ng ranggo si Abelardo sa unibersidad, at noong 15 Hulyo 1919 ay naging instruktor siya “batay sa kaniyang husay at pagkilala sa kakayahan.”

Pagtatanghal

Kung saan-saan nasuot si Abelardo bilang tagapagtanghal. Binatilyo pa lamang ay piyanista na siya sa maliliit na teatro, gaya ng Cine Principe at Cine It Close na malapit sa Quiapo. Naging pinuno siya ng Cine Majestic orkestra na nasa Kalye Azcarraga. Nalipat siya sa Lerma Cabaret sa Maypajo, at naging piyanista bukod sa konduktor ng orkestra. Noong 1923, tumugtog din siya ng jazz at gumamit ng iba't ibang instrumento bukod sa piyano. Bagaman naging puno ng departamento ng komposisyon sa UP si Abelardo'y kinailangan pa rin niyang kumayod kahit gabi. Tumugtog siya sa Santa Ana Cabaret orkestra, at kumita ng 300 piso kada buwan. Sapat na iyon upang mabigyan niya ng maalwang buhay ang pamilya. Gayunman, nagumon sa alak si Abelardo at hindi maglalaon ay tumaas ang presyon ng kaniyang dugo na naging sanhi upang maparalisa ang kalahati ng kaniyang katawan. Noong 21 Marso 1934, inatake siya sa puso dahil sa labis na pag-inom ng alak.

Komposisyon

Tinatayang 70 ang komposisyong musikal ni Abelardo, na ang iba'y hindi pa nalalathalang piyesa. Kabilang sa nasabing komposisyon ang Mountain Suite (1921); Ang Aking Bayan (1922); The Historical Pageant (1922); Processional March (1923); Concerto ni B Flat (1923); Nasaan ka, Irog? (1923); Kundiman ng Luha (1924); Magbalik Ka, Hirang! (1925); Mutya ng Pasig (1926); National Heroes' Day Hymn (1926); Ikaw rin (1929); Bituing Marikit (1929); Dakilang Punglo (1929); Kumintang ng Bayan (1930); Kung Ako'y Umibig (1930), Doon po sa Aming Bayan (1930); Un Cuento de Lola Basiang (1934); Florante at Laura (1934), at iba pa.

Pagkilala

Nagtamo ng maraming parangal si Abelardo dahil sa kaniyang musika, bukod pa sa iskolarship sa ibang bansa. Higit pa rito'y hinatak niya ang maraming estudyante tungo sa bagong landas ng musika sa Filipinas, at ilan sa kanila'y naging tanyag din sa larangan ng musika, gaya nina Antonio J. Molina, Edgardo Herrera, Lucino Sacramento, at Hilarion Rubio. Nakatrabaho din niya ang mahuhusay na manunulat gaya nina José Corazón de Jesús at Servando de los Angeles, o ang mga mang-aawit na gaya nina Jovita Fuentes at Atang de la Rama.

Sanggunian

Manuel, E. Arsenio. Dictionary of Philippine Biography, Volume One. Quezon City: Filipiniana Publications, 1955, mp. 6–39.

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.