Nestor Malgapo

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Nestor Malgapo

Si Nestor Malgapo ay isang Pilipinong komik illustrator mula sa Nueva Ecija na sa kasalukuyan ay naninilbihan bilang design supervisor sa isang lokal na estasyon ng telebisyon.


Mga nilalaman

Talambuhay

Ipinanganak si Malgapo sa Barrio Baluarte, Gapan, Nueva Ecija. Upang makaraos sa kahirapan at makapagtapos ng pag-aaral, hanapbuhay ni Malgapo ang magbenta ng komiks. Hinahangaan niya ang ilan sa mga dibuhistang nasa likod ng komiks na iyon tulad na lamang nina Francisco V. Coching, Nestor Redondo, Alfredo Alcala, at Elpidio Torres.

Nagtapos siya ng sekundarya na may parangal na Artist of the Year. Nagsimula siyang magtrabaho bilang sign painter sa mga billboard at pampasaherong bus sa Maynila nang nagtapos siya ng sekundarya. Matapos nun ay nagtrabaho din siya bilang cameraman sa isang palimbagan kung saan naglilimbag sa Extra Komiks at Romansa Komiks. Dito niya nakilala si Felipe Ilag na nagmamadali sa paglalarawan ng Asuwang na sinulat ni Mars Ravelo. Dito naliwanagan si Malgapo at nagpasyang nais niyang maging isang dibuhista rin ng komiks.

Gumuhit si Nestor ng iba't ibang mga larawan at ipinadala niya ito sa iba't ibang mga kompanya ng komiks hanggang sa matuklasan siya at pinaguhit ang Walang Mukha na sinulat ni Tony Ma. Alcaraz para sa Sinderela Komiks. Ito ang umpisa ng mahabang karera ni Malgapo sa pagguguhit sa komiks. Inilaan din sa kanya ang iskript na Ikaw pa rin ang Hahanapin na isinulat ng tagalimbag ng PSG mismo na si Pablo S. Gomez.

Nagtrabaho din Malgapo kasama ni Mars Ravelo sa kanyang sariling RAR Publications, Clodualdo del Mundo sa Liwayway Publications, Tony Velasquez sa Graphic Arts Service at maging sa G. Miranda & Sons Publications at Rex Publications. Isa din si Malgapo sa walong nakuha ng Amerikanong sina Camine Infantino at Joe Orlando upang magtrabaho para sa DC.

Bukod sa pagiging magaling dibuhista ay may liderato ring taglay si Malgapo. Nanilbihan siya bilang presidente sa HAND o Huwarang Akbayan ng mga Nagkakaisang Dibuhista sa loob ng sampung taon. Isa siya sa mga nagtatag ng samahan na ang layunin ay sugpuin ang hindi makatarungang kundisyon sa trabaho. Nanilbihan din Malgapo bilang presidente sa SPIC o Society of Philippine Illustrators and Cartoonists matapos bitawan ni Nestor Redondo ang kanyang posisyon at magtungo sa Estados Unidos.

Nagtatag si Malgapo ng Dynacoil Home Study Art School upang makatulong sa mga Pilipino may interes sa sining ngunit walang perang pantustos sa edukasyon. Isa sa mga itinuturo sa kanyang paaralan ay ang comic illustration.

Gawa

  • Walang Mukha
  • Ikaw Pa rin ang Hahanapin
  • Kaibigan kong Sto. Niño
  • Ghosts
  • House of Mystery
  • The Unexpected
  • GI Combat
  • Teen Titans
  • Megalith for Continuity Comics

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.