Musika ng Pilipinas: Impluwensiya at Kaugalian

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Pinikpikan

Ang malaking bahagi ng ating musika ay bunga ng impluwensiya ng ating mga katutubo at mga mananakop na Kastila at Amerikano. Mula noon ay patuloy nang umunlad ang ating pagtingin sa larangang ito kasabay ang pagbabagong dulot ng pamamaraang likas sa kakayahan ng mga Pilipino. Bahagi na ng araw-araw na pamumuhay ang musika at asahan na patuloy ang pag-usbong nito sa pagdaan ng panahon.

Mga nilalaman

[baguhin] Katutubong Tradisyon

Ang sinaunang musika sa kabuuan ay sinasabing may katangiang nagpapahiwatig ng mga saloobin, pangarap, kahilingan, at gunita ng mga katutubo. Mahalaga na maintindihan na ang komunikasyon ay hindi lamang nangyayari sa ordinaryong usapan kung hindi maaaring idaan sa pagkanta. Ang musika sa panahong ito ay may impluwensiya ng tradisyong Islam. Mababanaagan ang bakas ng tribal music sa Mindoro sa pangunguna ng mga Mangyan.

[baguhin] Tugtugin at Kasangkapan

Maaaring ang musika ay instrumetal o may kasabay na boses. Kung instrumental ang musika, ginagamitan ito ng gong, tambol, bamboo. Kapag may halong boses, ang pagkanta ay sabayan (responsorial) o isahan.

Ang tunog at galaw sa kapaligiran ang gamit at pamantayan sa paglikha ng tribal chants. Ang tema ng kanta ay nauukol sa iba’t ibang yugto sa pamumuhay ng mga katutubo. Ang mga yugtong ito ay mula pagsilang, pagsibol, at pag-usbong ng indibidwal hanggang sa kamatayan. Ang tema ay umiikot rin sa pagkakaroon ng araw at gabi at mga ordinaryong pangyayari sa buhay katulad ng kasalan, anibersaryo, at araw ng pasasalamat.

Ang mga halimbawa ng tugtuging patungkol sa kabuuang yugto ng buhay ay ang appros ng Kalinga at ang luguh maulud ng Tausog (sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Mohammed). Ang kawayanna (Kalinga), bakbato (Maranao), at Iia-Iia (Tausog) naman ay mga musikang pambata. Chag-ay sa maseypan (Bontoc), Iyaya (Mangyan), at binua (Badjao) ay halimbawa ng mga oyayi.

Sapagkat ang pamumuhay noong panahon ay payak, ang instrumento ay salamin rin ng kahusayan sa paglikha gamit ang bamboo, kahoy, shell, balat ng hayop, at metal. Ang ilang mga kasangkapang pangmusika na gamit ay ang kalipay, urukay, iyaya, patrit, kaskas at timpara, binalingat, at dinulut.

Nakilala rin ang tunog epiko na naglalarawan ng buhay ng mga diyos at bayani. Ilan sa mga ito ay Olaginon at Agyu ng Bukidnon, Radia Madaya sa Maguindanao, at Darangen ng Maranao.

[baguhin] Impluwensiya ng Kastila

Sa loob ng 300 taon ng pamumuno ng mga Kastila kasabay ang pagtuklas sa Pilipinas noong 1521, naghalo ang relihiyon at sekularismo. May katangiang pan-relihiyon na bunga ng musical indoctrination sa pangunguna ng grupo ng pari na Franciscans at Agustinians. Samantala, may katangiang sekular na impluwensiya ng musika ng Europa.

Ang musika ay pinaniniwalaan na pinakaepektibong paraan upang makuha ang damdamin at isipan ng tao sa pag-unawa ng maka-Kristiyanong paniniwala at kaugalian, kasama ang paniniwala sa labas ng simbahang Katolika.

[baguhin] Tugtugin at Kasangkapan

Tuwing Adbento, karaniwan ang pagkanta at pagpunta sa bahay-bahay. Pastores ang tawag dito sa Bicol at daigon sa Bisayas. Panunuluyan, pananawagan, o pananapatan ang tawag sa isang pagsasadula ng paglalakbay nina Maria at Hosep, kung saan ang usapan ay kinakanta. Kapag ginugunita ang Mahal na Araw, ang pabasa at senakulo na pagsasadula ng pasyon ni Kristo ang nakagawian. Tuwing buwan ng Mayo, ang tema ng kantahan ay patungkol sa Birheng Maria. Ang okasyon ng sinulog sa Siquijor ay may sayawang inaalala ang tagumpay ng mga Kristiyano laban sa Moors.

Sa katuruan ng taga-Kanluran, lumaganap ang impluwensiya ng musikang sekular sa paaralan. Ang bunga ng pag-aaral na ito ang pagkahilig ng mga Pilipino sa musika ng Europa. Ang Unibersidad ng Santo Tomas, Colegio de San Jose, at Ateneo de Manila ang naging sentro ng pag-aaral sa musika.

Ang mga orkestra ng San Juan del Monte, Oriental, Marikina, at Molina sa Maynila ang tumutugtog para sa zarzuela (dula na may kantahan at sayaw). Ang zarzuela ay napakilala sa Pilipinas noong 1879 sa palabas na Jugar con fuego (Playing with Fire) ni Dario Cespedes. Sa kabayanan mayroong dulaang komedya, at senakulo. Ipinakilala ni Navarro de Peralta ang shadow play na tinatawag na karilyo.

Ang tugtugan ng banda sa Luneta ay nakahiligan. Naging kaugalian ang pagtugtog ng banda tuwing sasapit ang piyesta na tutugtog ng tatlong araw at lilibot sa mga kalye. Ang tugtugin ay sinamahan pa ng rondalla na binubuo ng mga instrumentong piccolo bandurria, bandurria, laud, octavina, guitar, bandola, at bass.

Piano at harp ang karaniwang instrumentong gamit. Karaniwan na para sa kababaihan ang matuto nito. Noong 1902, naganap ang pinakaunang opera, ang Sandugong Panaguinip (Dreamed Alliance) sa komposisyon nina Ladislao Bonus at Pedro Paterno.

[baguhin] Impluwensiya ng Amerikano

Naipakilala sa ating mga kompositor ang classics na may impluwensiya nina Tchaikovsky, Schumann, Liszt, at iba pa. Si Nicanor Aberlado ang itunuturing na Father of Classical Music kasama sina Antonio Molina, Francisco Santiago, at Felipe Padilla de Leon. Si Francisco Santiago ang Father of National Music.

Ang kaalaman sa musika ay ayon sa katuruan sa Europa na umiikot sa pag-aaral ng harmoniya, komposisyon, teorya, harmoniya, counterpoint, at orchestration. Naitayo ang St. Scholastica’s College noong 1908 at University of the Philippines Conservatory of Music noong 1916 bilang mga institusyong nagbibigay kasanayan sa musika. Sa pagdating ng mga Amerikano mas napaunlad ang kaaalaman ng Pilipino dahil isinama ito bilang isang asignatura sa pampublikong paaralan. Bukod sa piano, ang instrumentong gamit ay violin, viola, cello, woodwind, at brass.

Bilang pagbibigay halaga sa natatanging kakayahan sa klasikal na musika, may mga nailathalang komposisyon tulad ng Pagtubos ni Rosalina Abejo, Princesa Urduja ni Alfredo Buenaventura, Ibong Adarna ni Rodolfo Cornejo, Noli me tangere at El filibusterismo ni Felipe Padilla de Leon, at Florante at Laura ni Hilarion Rubio.

[baguhin] Pinoy Pop

Ang terminong popular music ay pinaghalong musikang pangmasa, sayaw, ballad, Broadway, jazz, at rap na unang narinig sa cabaret (dance halls) noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig. Bukod sa orkestra at banda, makikita sa cabaret ang istilong foxtrot, swing, charleston, tango, at waltz. Ang unang nagawang komposisyon na pop music ay ang Sarung Banggi (One Night) at Bahay Kubo.

Napakilala ang samba', rhumba, guarracha, appalachicola, at mambo. Ang pagkakaroon ng jukebox ang isa sa naging daan upang lumago ang pop music sa Pilipinas. Sa gitna ng taong 1950 hanggang 1960 umiral ang rock ‘n’ roll na may elementong blues, gospel, boogie, country, at western. Kinilala sina Billy Haley, Chubby Checker, Cliff Richard, at ang King of Rock ‘n’ Roll na si Elvis Presley.

[baguhin] Pinoy Rock

Ang kantang Ang Himig Natin ng Ang Banda ni Juan de la Cruz noong 1970 ang naging hudyat at simulain ng pinoy rock sa bansa. Ito ay kinabibilangan nina Joey Pepe Smith (tagatambol, bokalista), Wally Gonzalez (gitarista), at Mike Hanopol (bassist).

Noong 1980 napakilala ang folk rock sa pamamagitan nina Freddie Aguilar, Florante, Asin, at ang Heber Bartolome at Banyuhay. Ethnic rock naman ang pinauso ng Pen-Pen, punk rock, ang sa Betrayed, Chaos, at Urban Bandits. Soft rock ang pinasikat ng Side A, Neocolours, Introvoys, at Afterimage.

[baguhin] Tunog Manila

Ito ay mga kantang Pinoy na pinaghalong Tagalog at Ingles. Pinauso ito ng bandang The Hotdog sa kantang Ikaw ang Miss Universe ng Buhay Ko sinundan ng "Pers Lab," "Manila'", "Bitin Ako sa Iyo," "Annie Batungbakal," at "Bongga Ka Day." Ang bandang Cinderella ang nagpasikat sa mga kantang "T.L. Ako Sa Iyo," "Superstar ng Buhay Ko," at "Boyfriend Kong Baduy."

[baguhin] Sanggunian

  • Molina, Antonio J. Music of the Philippines. Manila: National Museum, 1967.
  • CCP Encyclopedia of Philippine Art vol. VI: Philippine Music, Manila, 1994.

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.