Muhammad

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Mecca. Isa sa mga pinakaaasam ng mga Muslim ang paglalakbay sa Mecca bilang paggunita sa paglalakbay ni Muhammad dito noong kanyang kapanahunan. (Kuha ni "Crysstala" mula sa Flickr.com. Reserbado ang ilang karapatan.)


Si Muhammad (570 – 8 Hunyo 632) (kilala rin bilang Mohammad, Mohammed, o Muhammed; at may buong pangalan na Abū al-Qāsim Muḥammad ibn ay propeta ng relihiyong Islam. Siya ay pinanganak sa Mecca at naging ulila bago umabot sa edad na anim na taong gulang. Pinaniniwalaan ng mga Muslim na siya ang huling propetang sugo ni Allah upang ibalik ang paniniwala ng mga tao sa nag-iisang Diyos.

Gaya ng ibang mga nabuhay noong unang panahon, limitado ang mga tala tungkol sa kanyang kabataan. Subali't ilang mga iskolar ang nag-aral upang alamin ang kanyang pinanggalingan at pinagdaanan bago maging propeta. Ilan sa mga pinagkuhaan ng kanyang talambuhay ay nakatala mismo sa Koran na bagama't tungkol sa banal na kasulatan ng Islam, nagsasaad din ito ng mahahalagang aspeto ng buhay ni Muhammad. Mababasa rin dito ang mga kasabihan (Hadith) at ilang gawain (Sunnah) na siya mismo ang sumulat. May mga talambuhay ding nakasulat (sirah) tungkol sa kanya gaya ng inakda nina Ibn Isḥāq noong ika-siyam na siglo, Ibn Hishām at Yūnus ibn Bukayr at marami pang ibang mag-aaral hanggang sa kasalukuyan.


Mga nilalaman

Kapanganakan at kabataan

Ipinanganak si Muhammad noong taong 570 sa bayan ng Mecca, bahagi ng ngayo'y Saudi Arabia. Nagmula ang kanyang pangalan sa salitang Arabiko na hamada, nangangahulugang “sumamba at magpuri.” Nag-iisang anak nina Abd Allah bin Al-Muttalib at Amina bint Wahb, naging ulila siya nang mamatay ang kanyang mga magulang bago siya tumuntong sa gulang na anim na taon. Inaruga siya ni Abdul Al-Muttalib, lolo sa ama ni Muhammad. Sa pangangalaga ng kanyang lolo natutunan ni Muhammad ang napakaraming bagay dahil na rin sa pagiging respetadong pinuno ni Abdul Al-Muttalib sa Mecca. Nang mamatay ang kanyang lolo, inalagaan siya ng kanyang tyuhing si Abu Talib.

Nagpastol ng mga tupa ang bagtang si Muhammad upang matulungan ang kanyang tiyuhin sa mga bayarin. Sinamahan niya rin si Abu Talib sa mga paglalakbay sa caravan upang makipagkalakal sa mga pamilihan. Ilang matatandang mangangalakal ang nakapansin sa pag-uugali ni Muhammad at tinawag siyang El-Amin na nangangahulugang “isang karapat-dapat pagkatiwalaan.” Nagsilbi siya sa balong si Khadijabint Khawalayd, isang mayamang mangangalakal sa Mecca.


Pag-aasawa at pamilya

Nakita ni Khadija ang pagiging tapat at mabuting tagasilbi ni Muhammad kung kaya't hindi nagtagal, nagpakasal ang dalawa noong taong 595. Ipinagpatuloy ni Muhammad ang pag-asikaso sa negosyo at naging maayos ang kanilang buhay. Nagkaroon sila ng anim na anak—dalawang lalaki na parehong namatay noong mga sanggol pa lamang, at apat na babae. Naging maunlad din ang Mecca at naging buhay ang kalakalan sa kamay ng mga mayayamang pinuno ng bawa't angkan.


Mga pangitain at pagiging propeta

Pagkalipas ng may labinlima o dalawampung taon ng pagpapakasal, nagsimulang magkaroon ng mga pangitain at makarinig ng mga boses si Muhammad. Nagtungo siya sa kweba sa bundok ng Hira malapit sa Mecca. Isang gabi, panahon ng Ramadan, nagpakita sa apatnapung taong si Muhammad ang isang anghel. Nagtatakbo pababa ng bundok si Muhammad sa takot na inaatake siya ng demonyo. Subali't tinawag siya ng anghel at nagpakilalang si Gabriel na anghel ng Diyos at siya'y naparito upang ipahayag ang mensahe ni Allah kay Muhammad na siyang magiging tagapagpalaganap ng mga salita ni Allah. Matapos nito, umuwi si Muhammad at sinimulan ang pagpapakalat ng kanyang mga natutunan. Nagkaroon ng pagbabago sa mga gawi ni Muhammad na sinabi niyang nagmula kay Allah. Pagkagunaw ng daigdig, paghuhukom ng Diyos nang may awa kung lalapit sa Kanya, at dapat na magdasal ang mga tao sa Diyos ang ilan sa mga rebelasyon kay Muhammad.

Tinanggap ng mga tao ang mga pangaral ni Muhammad at kinikilala ito ngayon bilang Muslim, at ang kanilang relihiyon bilang Islam, na sa salitang Arabiko ay nangangahulugang “pagsuko (sa nais ni Allah)”. Nakasulat ang mga rebelasyon, mensahe at pangaral ni Allah sa pamamagitan ng anghel at kay Muhammad sa Koran.

Dumami ang mga tagasunod ni Muhammad na siyang kinatakot ng makapangyarihan at mayayamang mangangalakal. Nakasalalay ang kaunlaran ng pangangalakal sa mga diyus-diyusan ng mga tao noon at naging balakid sa umiiral na paniniwala sa kaunlaran ang pagkakaroon ng iisang Diyos o monoteismo. Tinangka ng mga namumunong mayayaman na usigin si Muhammad at kanyang mga tagasunod. Ilang mga taga-Mecca ang tinanggap ang mga salita ni Muhammad habang pinagtanggol siya ng kanyang angkan dahil sa katapatan sa pamilya kahit hindi sila naniniwala sa mga turo ni Muhammad. Naging mahirap ang mga sumunod na pangyayari nang mamatay ang asawa ni Muhammad at kanyang tiyuhin. Noong 622, inutusan ng mga namumuno na lisanin ni Muhammad, kasama ng kanyang mga alagad, ang Mecca, na siya namang ginawa ng propeta. Nakahanap sila ng lugar sa oasis ng Yathrib, may dalawandaan at walumpung milya ang layo kung saan pawang mga Hudyo ang karamihan sa mga nakatira Umiral sa lugar na iyon ang mga turo ni Muhammad at sa unang pagkakataon sa Arabia, nagkaisa ang mga tao hindi dahil sa kanilang mga angkan kundi sa pagkakasundo sa kanilang paniniwala sa iisang Diyos. Kalaunan, tinawag na Medina, nangangahulugang “ang lungsod (ng Propeta)” ang oasis ng Yathrib.

Nanirahan si Muhammad at kanyang mga alagad sa Medina sa loob ng sampung taon, kasabay ng pagdami ng naniniwala sa kanya. Ilang beses ding sinubukan ni Muhammad na himukin ang mga Hudyo sa kanyang paniniwala. Inutos niyang magdasal ang mga nananampalataya sa direksyon ng Herusalem gaya ng ginagawa ng mga Hudyo. Nang hindi siya nagtagumpay sa pagkumbinse sa mga Hudyo, nagdasal sila sa direksyon ng Kaaba sa Mecca, lungsod na kinagisnan ni Muhammad. Dito nagsimulang maging sentro ng paniniwala ng tunay na relihiyon ang Mecca kung saan humaharap sa direksyon nito ang mga Muslim saan mang lugar sa daigdig upang magdasal.


Pagbabalik sa Mecca at kamatayan

Madalas ang sigalot at mga pagnanakaw sa mga karaban ng mga mayayaman sa komunidad ng Medina. Noong taong 628, nahikayat ni Muhammad ang mga taga-Mecca na itigil ang pag-aaway at nang sumunod na taon, nagbalik siya bilang manlalakbay sa mga banal na pook sa lungsod. Nang patayin ang isa sa kanyang mga alagad, sinugod niya ang lungsod na siya namang sumuko. Hiningi lamang ni Muhammad ang pagbuwag sa mga rebulto ng mga paganong diyos na sinasamba ng mga tao sa Kaaba. Naging bukambibig ang pangalan ni Muhamad sa buong Arabia sa pagsuko ng mga taga-Mecca.

Nagwakas ang lahat ng kadakilaan ni Muhammad nang bawian siya ng buhay noong 8 Hunyo 632, sa gulang na animnapu. Sa huli, inihayag niya ang kanyang huling pangaral hanggang sa mamatay sa harapn ng kanyang paboritong asawang si Aisha at ama nitong si Abu-Bakr. Inilibing si Muhammad sa sarili niyang bahay sa Medina at naging Caliph o pinuno ng Islam ang kanyang manugang na si Abu-Bakr.


Kadakilaan at mga turo

Matapos ang dalawang siglo ng kanyang pagkamatay, naging simbolo si Muhammad ng kadakilaan at kabutihan. Ipinagpatuloy ng kanyang mga alagad ang mga aral ng Islam at pinaunlad dito. Maraming mga Muslim ang naniniwalang mali ang pagkatawan kay Muhammad. Subali't sa ibang pagkakataon at lugar, ilang mga Muslim ang nagsasalita para kay Muhammad bagama't hindi sila simasamba sa mga imahen.

Sa kanyang pamumuno bilang tagapagtaguyod ng Islam, nagpadala siya ng mga liham sa mga pinuno ng ibang bansa kaya kina Heracleus, Emperador ng Imperyong Romano, Negus, Hari ng Abyssinia, sa Hari ng Persia, Ehipto, at iba pa. Sa kanyang liham, ipinararating ni Muhammad ang kapayapaan at ang paghikayat na kilalanin si Allah bilang Nag-iisang Diyos at umanib sa relihiyong Islam. Tanging ang hari ng Abyssinia lamang ang agad na tumugon sa kanyang liham at panawagan. Datapuwa't hindi tumalima ang Persia, Syria at Ehipto, naging bansang Muslim din ang mga ito makalipas ang ilang taon sa pagbagsak ng mga namumuno.



Sanggunian

  • Bard, Mitchell. “Muhammad”. Jewishvirtuallibrary.org. (Hinango noong 16 Agosto 2012).
  • “Allah, the unique name of God”. Muslim.org. (Hinango noong 16 Agosto 2012).
  • Miller, William M. A Christian's Response to Islam. Phillipsburg, NJ: Presbyterian and Reformed Publishing. (Hinango noong 16 Agosto 2012).
  • "Muhammad". Pbs.org. (Hinango noong 16 Agosto 2012).
  • Omar Salcedo Peñalber. "Muhammad: Sugo sa Sangkatauhan." Islamic Library & Information Office.
  • Slick, Matt. "Muhammad". Carm.org. (Hinango noong 16 Agosto 2012).
  • Muhammad. britannica.com. (Hinango noong 16 Agosto 2012).


Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.