Moro-moro

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Moro-moro (Picture from ([1]).

Ang moro-moro o comedia ay isang adaptasyon mula sa dula sa Europa na comedia de capa y espada.

Ang moro-moro, ay natatangi sapagkat walang ibang bansa na nakaisip at nakapagsagawa ng nasabing palabas na katulad nang sa Pilipinas. Ang Pilipinas lamang ang nawili sa paggawa ng moro-moro na ang obrang ito ay tuluyan nang itinuring na kasama sa buhay ng mga Pilipino sa halos dalawang siglo.

Ang moro-moro ay pinaniniwalaang nag-ugat mula sa sagupaan sa pagitan ng mga Kristiyano at Pilipinong Muslim. Ang makasaysayang laban na ito ay nagsimula noong ika-16 na siglo nang ang mga Kristiyanong Malay, mga Pilipino sa Luzon at Visayas ay sumama sa pakikidigma ng mga Espanyol laban sa mga Pilipinong Muslim na nasa Timog.

Mga nilalaman

[baguhin] Banghay

Ang karaniwang banghay ng moro-moro ay batay sa pagmamahalan sa pagitan ng isang Pilipinong Muslim na prinsipe at isang Kristiyanong prinsesa. Ang pagkakaiba sa relihiyon ay kasama sa mga balakid na kailangang malampasan ng mga karakter. Ang hidwaan ay patuloy pang lalala dahil sa patuloy na magsusumikap ang mga kamag-anak ng parehong panig upang hindi matuloy ang kasal.

At sa huli, isang paligsahan ang magaganap, kung saan, ang Muslim at Kristiyano ay maglalaban para sa kamay ng prinsesa. Kapag ang Muslim ang nanalo sa paligsahan, siya ang papayagan na makuha ang kamay ng Kristiyanong prinsesa sa kondisyon na siya ay magpapabinyag sa Kristiyanismo.


[baguhin] Mga Teatro

Ang labis na popularidad ng mga dulang moro-moro ay nagdulot ng interes sa mga negosyante, lalo na sa Maynila, na magtayo ng sarili nilang mga teatro.

Ang tatlong tanghalan na naitayo ay ang Teatro Comico (1790), ang Tondo Theatre, at Primitivo Theatre na malapit sa kalye Arroceros sa Maynila. Ang mga teatrong ito ay napaka-aktibo sa pagpapalabas ng mga dula kaya naman si Sir John Bowring, isang turistang British, ay naglagay ng komentaryo sa kanyang libro, A Visit to the Philippine Islands (1859), ukol sa nasabing katanyagan ng mga teatrong ito.


[baguhin] Mga Manunulat

  • Jose dela Cruz -mas kilala sa tawag na Huseng Sisiw, isang kasabayan din ni Balagtas, ay itinuturing na nakapagsulat ng maraming dulang moro-moro. Siya ang may-akda ng La Guerra Civil de Granada, Hernandez at Galinsandra, Reyna Encantada o Casamiento por Fuerza, at Rodrigo de Vivar.
  • Francisco Baltazar - mas kilala sa tawag na Balagtas ay kilala rin na nakapagsulat ng higit sa 100 na dula. Sa kasamaang-palad, 14 lamang ang kilala ngayon at dalawa lamang ang mga dula na nailimbag.
  • Honorato de Vera - nakapagsulat ng Doña Ines Cuello de Garza y el Principe Nicanor.
  • Juan Crisostomo Sotto -kilala bilang Crisot sa Pampanga, ay sumulat din ng moro-moro. Kabilang sa mga nagawa niya ay ang Ing Sultana at Perla, Zafiro at Rubi (Pearl, Sapphire and Ruby).
  • Padre Anselmo Jorge Fajardo -kilala sa marami bilang Ama ng Panitikang Pampango, ay ang may-akda ng libro na, Vida de Gonsalo de Cordova. Ito ay napabalitang itinanghal noong Pebrero, 1881 sa Pampanga.


[baguhin] Sanggunian

  • Tuazon, T. Castillo del. Philippine Literature From Ancient Times to the Present. Quezon City: Del Castillo and Sons, 1974.

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.