Mike Velarde

Mula Wikifilipino

Si Mariano Zuniega Velarde, na mas kilala sa tawag na Bro. Mike Velarde, ang pinuno at nagtaguyod sa samahang El Shaddai Movement. Siya rin ang may-ari ng Amvel Land Development Corporation at DWXI-TV.

Nilalaman

Buhay at edukasyon

Ipinanganak si Velarde sa Caramoan, Catanduanes. Nag-aral siya sa Feati University kung saan kumuha siya ng kurso sa Geodetic Engineering.

El Shaddai

Makaraang magkaroon ng sakit sa puso noong 1978, naging bahagi si Velarde ng isang programa sa radyo na nakatuon sa pagtalakay ng mga salita galing sa bibliya. Itinatag ni Velarde ang El Shaddai, na ngayon ay mayroong mga miyembro na umaabot sa bilang na pitong milyon. Bagama't Katoliko pa rin ang pananampalataya ni Velarde, itinuturing naman ang kanyang binuong samahan na malaking dahilan ng hindi pagsisimba ng mga tao sa Simbahang Katoliko. Kilala si Velarde para sa kanyang pagtalakay sa pananampalataya. Hinihimok niya ang mga sumusunod sa kanyang samahan na direktang ibigay ang kanilang mga panalangin sa Diyos at hindi sa pamamagitan ng pagdarasal sa mga imahen ng mga santo o gamit ang rosaryo.

Pulitika

Naging bahagi ng pulitikang Pilipino si Velarde mula 2001, nang ibenta niya ang isa sa kanyang mga pag-aari sa gobyerno upang maging bahagi ng C-5 Road Project. Inulan ito ng batikos dahil sa taas ng presyo ng lupa ngunit binili pa rin ito ni dating Pangulong Estrada. Noong 2004, hinimok ni Velarde ang mga miyembro ng El Shaddai na suportahan ang kandidatura ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo. Bagama't hindi pa nagbibigay ng pormal na mensahe si Velarde, pinaniniwalaang mayroon siyang planong tumakbo sa pagkapangulo sa eleksyon sa 2010.

Sanggunian

Pagkilala

Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.
Pansariling gamit
 Espesyal na Proyekto
Proyekto Vibal Foundation
 Taguyod