Miguel Malvar

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

thumb|right|250 px| Miguel Malvar

Si Heneral Miguel Malvar ay isang heneral na namuno sa sandatahang hukbo ng Pilipinas noong panahon nang pananakop ng mga Amerikano at sa panahong pinatapon si Heneral Emilio Aguinaldo sa Hong Kong. Siya ay tinaguriang kahuli-hulihang heneral na sumuko sa hukbo ng mga Amerikano.

Mga nilalaman

Talambuhay

Ipinanganak si Malvar noong ika-27 ng Setyembre, taong 1865 sa Santo Tomas, Batangas. Ang kanyang ama ay si Maximo Malvar, isang mayamang magsasaka ng palay at tubo, at ang kanyang ina ay si Tiburcia Carpio. Ang tagumpay ng kanyang ama sa pagsasaka ang nagdulot kay Malvar kasama ng kanyang mga kapatid na magkaroon ng edukasyon. Dahil sa edukasyong ito, umunlad din si Malvar, nakapag-asawa at nabiyayaan ng anak.

Bilang Sundalo

Sa kalagitnaan ng taong 1890 ay sumiklab ang rebolusyon. Bumuo at namuno si Malvar sa isang hukbo kasama ng lider ng rebolusyon na si Emilio Aguinaldo. Ngunit dahil hinarap ang hukbo ng isang makapangyarihang sandatahang lakas, napilitan ang mga katipunero na pirmahan ang kasunduan sa Biak-na-Bato, kung saan sumuko sila kapalit sa halagang 800,000 piso at pagpapatapon ni Aguinaldo sa Hong Kong noong 1897.

Noong 1898, sumiklab ang digmaang Spanish-American. Hiningi ni Admiral George Dewey ang tulong ni Aguinaldo at ng mga rebolusyonaryo upang tulungan sila sa “Philippine Campaign”. Nagsimulang muli ang rebolusyon. Matagumpay na pinalaya si Malvar sa kamay ng mga Espanyol, kasama ng kanyang Batangas Brigade, ang Tayabas noong Hunyo 15, 1898 matapos ang dalawang buwang pakikipaglaban. Hindi nagtagal ay natalo ang mga Espanyol. Ngunit ang tagumpay laban sa mga Espanyol ay sadyang napakabilis lamang sapagkat noong ika-4 ng Pebrero taong 1899, sumiklab muli ang digmaang Filipino-Amerikano at namunong muli si Malvar sa pakikipaglaban sa bagong kaaway.

Sa pakikipagtunggali laban sa mga Amerikano, lumiit ang tsansa ng tagumpay ng tropa ni Malvar at hindi nagtagal, naghiwa-hiwalay sila sa isang hukbong gerilya. Ang pagbabago ng taktikang ito ay hindi naging matagumpay kumpara noong digmaan laban sa mga Espanyol. Nagapi si Aguinaldo, na siyang nagbunsod kay Malvar na pamahalaan ang lahat ng puwersyang rebolusyon. Sa bagong pamumuno, sinimulan ni Malvar ang bagong taktika ng pag-atake sa mga bayang sinasakop ng mga Amerikano.

Nagtagumpay sila sa paraang ito ngunit dumating si J. Franklin Bell. Inagaw nito ang Batangas sa pamamagitan ng “scorched earth tactics” na siyang nagbunga ng mabigat na pasanin para sa mga gerilya at maging sa mamamayan. Nakita ni Malvar ang posibleng kahahantungan ng mga Pilipinong walang kinalaman kung ipagpapatuloy pa ang digmaan. Nagdesisyon siya kasama ng buong hukbo na sumuko sa mga Amerikano.

Namatay siya noong Oktubre 13, 1911 at tinaguriang ang huling Pilipinong heneral na sumuko sa hukbong Amerikano.

Bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas

Noong ika -2 ng Enero, taong 2008, naghain si Rep. Rodolfo Valencia ng Oriental Mindoro ng Panukalang Batas Blg. 2594, upang ideklara si Miguel Malvar bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas. Sinasabi niyang nagkakamali ang mga manunulat ng kasaysayan ng Pilipinas sa pagsasabing si Manuel L. Quezon ang pangalawang pangulo ng republika na namuno matapos kay Heneral Emilio Aguinaldo.

Ayon sa kanya, nararapat na ideklara si Miguel Malvar bilang pangalawang pangulo sapagkat siya ang namuno ng rebolusyong gobyerno matapos magapi noong ika-23 ng Marso, 1901 at maipatapon sa Hong Kong si Heneral Emilio Aguinaldo.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.