Michael M. Coroza

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Madalas ring maimbitahan bilang panelista sa mga pambansang palihan si "Ser Mike."

Si Michael M. Coroza ay isang guro, manunulat, dalubwika at mang-aawit na nakatanggap na ng pagkilala sa loob at labas ng Pilipinas. Sa kasalukuyan, Associate Professor siya sa Kagawaran ng Filipino, Paaralan ng Humanidades, Pamantasang Ateneo de Manila, nagtuturo ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Pagsasaling Pampanitikan sa mga mag-aaral sa gradwado at di-gradwadong paaralan.

Mga nilalaman

[baguhin] Edukasyon

Nagtapos siya ng Bachelor of Arts Major in Philosophy sa Unibersidad ng Santo Tomas (1990), Master of Arts in Filipino Literature sa Pamantasang Ateneo De Manila (2001), at Doctor of Philosophy in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman (2010).

[baguhin] Pagkilala at mga Publikasyon

Walong ulit na siyang nagkamit ng mga pangunahing gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature para sa kaniyang mga tula, sanaysay, at maikling kuwentong pambata sa pagitan ng 1991 at 2009. Nalathala na sa iba't ibang publikasyong pambansa at pandaigdig ang ilan sa kaniyang mga tula. Inilathala ng UST Publishing House ang kaniyang dalawang aklat ng tula, ang Dili't Dilim (1997) at ang Mga Lagot na Liwanag (2002) na pinagkalooban ng Ateneo De Manila University ng Publication Award para sa taong 2002 at naging finalist para sa 2003 National Book Award for Poetry ng Manila Critics Circle. Inilathala ng Lampara Books ang kaniyang mga kuwentong pambata na Imbisibol Man ang Tatay (2009) at Ang mga Kahon ni Kalon (2010). Pinagkalooban siya ng Pambansang Gawad Francisco Balagtas ng Komisyon sa Wikang Filipino noong Abril 2005 bilang pagpapahalaga sa mga naiambag na niya sa kabang yaman ng Wika at Panitikang Pambansa ng Filipinas. Tinanggap niya noong Oktubre 2007 mula sa maharlikang pamilya ng Thailand ang prestihiyosong Southeast Asia Writers Award o SEAWRITE Award. Kaugnay nito, pinagkalooban siya ng National Commission for Culture and the Arts ng Gawad Ani ng Dangal noong 2009.

[baguhin] Organisasyon at Pagtatanghal

Aktibong kasapi at dating pangulo siya ng Linangan sa Retorika at Anyo o LIRA (1993 at 1994), siya ngayon ang Kalihim Pangkalahatan ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Anim na taong naglingkod siya bilang opisyal ng Konsehong Tagapagpaganap ng Pambansang Komite sa Wika at Pagsasalin ng NCCA (2004-2010), Pangalawang Tagapangulo siya ng Samahan ng mga Tagasalin (SALIN), at isa sa siyam na piling miyembro ng Lupong Tagapagpaganap ng Filipinas Institute of Translation (FIT).

Masigasig na tagapagtaguyod siya ng pagpapalaganap ng panulaan lalo na sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagdalo at pag-oorganisa ng poetry reading sessions sa mga paaralan sa loob at labas ng bansa. Bilang namumuno sa Komite sa Edukasyon ng UMPIL at sa pagtataguyod ng National Book Development Board (NBDB), pinangangasiwaan niya ang UMPIL-NBDB Lakbay-Awtor para sa Kabataan o UNLAK na naglalayong ipakilala sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralang sekundarya sa Kalakhang Maynila ang mga kanonigong manunulat sa Filipinas. Siya ang tanging nakababatang makata sa ngayon na nakikipagbalagtasan kay Teo T. Antonio, pangunahing kontemporaneong makata at anak ng Hari ng Balagtasan na si Emilio Mar. Antonio. Kinatawan niya ang Filipinas sa 10th Kuala Lumpur World Poetry Reading sa Malaysia noong Agosto 2004. Mula Agosto 2002 hanggang Disyembre 2005, palagian siyang bumigkas ng tula at umawit sa palatuntunang “Serenatang Kumbidahan” ni Tiya Dely Magpayo sa DZRH (AM Band) ng Manila Broadcasting Company. Kasalukuyan siyang host ng palatuntunang “Harana ng Puso kasama ang Mabuhay Singers” sa DWBR 104.3 FM ng Philippine Broadcasting Service, sumasahimpapawid tuwing araw ng Linggo, ika-8 hanggang ika-9 ng gabi. Lingguhan ding lumalabas ang kolum niyang "Haraya" tungkol sa tula at pagtulang Filipino sa magasing Liwayway.

[baguhin] Pamilya

Bagaman sa Ermita, Lungsod ng Maynila isinilang, tubong-Laguna ang kaniyang mga magulang na sina Marcial Zorilla Coroza at Salud Urriza Modina. Sa Lungsod ng Marikina siya nagbinata at nagtapos ng kaniyang elementarya (Parang Elementary School) at hay-iskul (Marikina Institute of Science and Technology). Bayang binabalik-balikan at itinuturing niyang malayong tahanan ang Majayjay at doon, buong pagkamangha niyang tinitingala at pinagninilayan ang Bundok Banahaw. Ikinasal siya noong 1994 kay Jeanette Mendoza Job, punungguro ng Marichu Tinga High School sa Upper Bicutan, Lungsod ng Taguig. May tatlong supling sila—sina Miko Idyanale (1995), Jeanne Haraya (1996), at Miguel Bulawan (2003). Kasalukuyang naninirahan sila sa Nangka, Lungsod ng Marikina.


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.