Mga Mangyan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang salitang “Mangyan” ay tumutukoy sa walong pangkat etnolinggwistiko na may ugat na Proto-Malay. Sila ang isa sa mga grupong orihinal na naninirahan sa Mindoro, na pampito sa pinakamalaking isla sa Pilipinas.

Mga nilalaman

[baguhin] Pinagmulan

Nagsimulang nanirahan ang mga Mangyan sa may pampang ng isla ng Mindoro simula pa noong 600 hanggang 700 taon na ang nakalilipas. Pinaniniwalang lumakbay sila patungo dito mula sa timog na bahagi ng kapuluan. Dahil sa sila ay tradisyonal na mapayapang grupo, pinili ng mga Mangyan na unti-unting lumikas mula sa kanilang mga tahanan sa tabing-dagat kaysa makipaglaban sa mga mas makapangyarihang mga grupong nanirahan din sa pampang ng Mindoro. Bago pa sinakop ng Espanya ang Pilipinas, nakikipagkalakaran na ang mga Mangyan sa mga Intsik. Ang ginamit ng mga Mangyan sa pakikipagkalakal ay ang sumusunod na likas na yaman: bulak, mga halamang-ugat at halamang-gamot, at “beeswax” para sa mga plato, garapon, gong at “beads”.

[baguhin] Populasyon

Ang populasyon ng mga Mangyan sa kasalukuyan ay nasa 100,000, mahigit-kumulang mga sampung porsyento ng kabubuang bilang ng tao sa buong isla ng Mindoro. Sila rin ay isa sa 110 etnolinggwistikong tribo sa Pilipinas. Ang grupo ng mga Mangyan ay karaniwang ginu-grupo sa dalawang malaking pangkat: ang Hilagang Mangyan at ang Timog Mangyan. Ang Hilagang Mangyan ay binubuo ng mga tribong Tadyawan, Alangan at Iraya, habang ang Timog Mangyan naman ay binubuo ng mga tribong Buhid, Taobuid at Hanunuo. Nahahati pa ang mga grupong ito sa mas maliliit na grupo, tulad ng mga Bangon (na kasapi sa grupong Taobuid) at mga Ratagnon. Tignan ang ibaba para sa mga detalye ng bawat grupo. Maliban sa pagiging mapayapa, kilala rin ang mga Mangyan dahil sa kanilang mahigpit na pagprotekta sa kanilang kultura at sa kanilang pag-iwas sa dayuhang impluwensiya. Isa pa nilang katangian ay ang patuloy na paglipat ng kanilang tirahan. Ang gawain nilang maging palipat-lipat ay dahil na rin sa kanilang pangunahing pangkabuhayan: pangangaso, pangingisda, pangongolekta ng pagkain mula sa kalikasan, at pakikipagkalakalan.

[baguhin] Ang mga Tribong Mangyan

Ang mga sumusunod ay ang walong tribong Mangyan: - Alangan Ang mga Alangan ay matatagpuan sa mga bayan ng Naujan, Baco, San Teodoro at Victoria sa lalawigan ng Oriental Mindoro, at sa bayan ng Sablayan sa Occidental Mindoro.

- Bangon Ang mga Bangon ay matatagpuan sa tabi ng ilog Binagaw at sa kalapit na mga bundok nito. Ang lugar na ito ay napapaloob sa mga bayan ng Bongabong, Bansud at Gloria sa Oriental Mindoro. Dati, ang mga Bangon ay tinataguriang kabilang sa tribong Taobuid. Subalit sa isang pagpupulong na naganap sa Ogom Liguma noong Marso 28, 1996 napagkasunduang kilalanin ang Bangon bilang isang hiwalay na grupo. Ang desisyon na ito ay dahil sa mayroong sariling kultura, wika at paraan ng panunulat ang mga Bangon na kaiba sa iba pang mga grupo.

- Taobuid Ang mga Taobuid ay kilala dahil sa kanilang paninigiralyo ng pipa, at ginagawa ito maski ng mga kabtaan sa kanilang grupo. Sila ay matatagpuan sa mga bayan ng Socorro, Pinamalayan at Gloria sa Oriental Mindoro, pero mas marami sa kanila ay matatagpuan as Occidental Mindoro.

- Buhid Ang mga Buhid ay mga kilalang tagagawa ng mga palayok; sa katunayan, ang mga tribong Mangyan na Alangan at Hanunoo ay dating bumibili sa kanila ng mga ginagamit nilang palayok sa pang-araw-araw. Ang salitang “Buhid” ay nanganaghulugang “mga naninirahan sa kabundukan”, at sila ay matatagpuan sa mga bayan ng Roxas, Bansud, Bonagabong at sa ilang bahagi ng Mansalay sa Oriental Mindoro. Sila rin ay matatagpuan sa mga bayan ng Roxas, Bansud, Bongabong; at sa mga bayan ng San Jose at Rizal sa Occidental Mindoro.

- Hanunuoo Ang mga Hanunuoo ay mga sistema ng pagsusulat na tinatawag na Surat Mangyan na nagmula pa sa mga panahon bago dumating ang mga Kastila. Ang sistema ng pagsulat na ito ay may ugat na Indic, at isinusulat sa paraang pagpapantig. Ito ay tinuturo hanggang ngayon sa maraming paaralang Mangyan sa Mansalay at Bulalacao.

- Iraya Ang mga Iraya ay isang tribong matatagpuan sa Puerto Galera, San Teodoro at Baco sa Oriental Mindoro. Subalit, karamihan sa kanila ay nakatira sa Occidental Mindoro, sa mga bayan ng Mamburao, Sta. Cruz, Abra de Ilog at Paluan. Ang kanilang karaniwang pagkain ay kanin, saging, kamoteng kahoy at iba pang mga halamang-ugat.

- Ratagnon Karamihan sa mga Ratagnon ay matatagpuan sa Magsaysay, Occidental Mindoro. Gaya ng mga Bangon, mayroon silang sariling wika na kahalintulad ng wikang Cuyunon na siyang ginagamit ng mga nakatira sa Cuyo Island (sa hilagang bahagi ng Palawan). Ang mga Ratagnon ay karaniwang nagsusuot ng mga alahas na may “beads”.

- Tadyawan Ang mga Tadyawan ay nakatira sa mga bayan ng Naujan, Victoria, Socorro, Pola, Gloria, Pinamalayan at Bansud. Dati ay nagsusuot sila ng mga tradisyunal na kasuotang katulad ng sinusuot ng iba pang mga tribong Mangyan. Subalit sa ngayon, karaniwang makikita ang mga Tadyawan na nakasuot ng mga modernong damit. Katulad ng mga Iraya, ang karaniwan nilang pagkain ay kanin, saging, kamoteng kahoy at iba pang halamang-ugat.

[baguhin] Sanggunian

http://www.geographics.dk/portfolio/sites/mermaidresort/activities.htm(accessed on April 19, 2008). http://www.mangyan.org/photos/index.html (accessed on April 19, 2008). http://adobongcomatose.blogspot.com/2007_09_01_archive.html (accessed on April 19, 2008). http://litera1no4.tripod.com/mangyan_frame.html (accessed on April 19, 2008).



[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.