Mga Kaugaliang Pilipino Tuwing Pasko

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Sinasabing ang Kapaskuhan ang siyang pinakamahabang pagdiriwang sa bansa, dala na rin marahil ng matinding impluwensiya ng relihiyong Kristiyanismo. Unang araw pa lang ng Disyembre ay matamang naghahanda na ang mga Pilipino upang simulan ang kaugaliang ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesukristo. Mula sa dekorasyon, kasuotan, pagkain at awitin, talaga namang makikita, maririnig at maaamoy na ang Kapaskuhan ay papalapit na. Heto ang ilan sa mga kinagisnan nang kaugalian ng mga Pilipino bilang paggunita at paghahanda sa Pasko.


Parol


Parol.jpg
  • Hindi pa man tumutuntong ang kalendaryo sa buwan ng Disyembre ay paisa-isa nang naglilitwan ang mga naglalakihan at makukulay na parol sa mga tahanan. Ang parol ay hugis bituin na lampara na sumisimbolo sa tala na nagtanglaw sa tatlong mago sa pagbaybay ng kanilang daan patungo sa sabsaban ni Hesus. Tanyag sa Pampanga, ito ay ginagamit naman ngayon upang ilawan ang mga daan para sa mga taong dadalo sa Misa de Gallo.



Belen


Belen.jpg
  • Maliban sa pagsasabit ng Parol, tradisyon na rin ang paglalagay ng Belen sa mga tahanan. Ang Belen ay tila isang tableau na nagpapakita ng eksena ng kapanganakan ni Hesus, katabi ang amang si Santo Jose at inang Birheng Maria. Malimit ay ito'y isang pinaliit na replika ng nasabing eksena, ngunit may ilan naman na gumagawa ng makatotohanang anyo nito at inilalagak sa hardin.



Simbang Gabi


Simbang gabi.jpg
  • Mas kilala bilang Misa de Gallo (o Misa ng Tandang), ito ay isang tradisyon ng pagsisimba sa dakong alas-singko ng bukang liwayway, simula ika-16 ng Disyembre, hanggang sa bisperas ng Pasko. Nagsimula ang tradisyong ito noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Dahil maagang nagtutungo sa kabukiran ang mga magsasaka ay napagpasyahan ng mga kura-paroko na magdaos ng misa nang higit na mas maaga upang maging sila ay makadalo. Ang tradisyong ito ay patuloy na isinasagawa marahil ay buhat sa paniniwala na ang kahilingan o panata ng sinumang makabuo ng siyam na araw na simbang gabi ay matutupad.

Mga Kakanin


Kakanin.jpg
  • Kaakibat ng Simbang Gabi ay ang pagsasalu-salo ng pamilya sa pagkain ng mga kakaning Pilipino. Matatagpuan sa labas ng mga simbahan ang hanay ng mga munting tindahan na nag-hahain ng mga malalagkit na pagkain gaya ng puto bumbong (malagkit na kanin na kulay ube at hinuhulma sa isang bumbong o manipis na kawayan) at bibingka (hinurno sa uling na malagkit na kanin na may kasamang itlog na maalat at niyog). Upang mapawi ang ginaw hatid ng hanging amihan sa umaga ay mayroong mainit na tsokolate ring mabibili na masarap ding panulak sa malagkit na kakanin.



Paghaharana


Caroling.jpg
  • Cumbanchero ang tawag sa grupo, na kalimita'y buhat sa Simabahan o paaralan, na naghaharana at nagbabahay-bahay upang maghandog ng awiting pamasko. Kadalasan ay may bitbit silang mga instrumento upang sabayan ang kanilang pag-awit. Maliban sa kanila, talamak din sa mga kalsada ang mga paslit na nagsisipag-awit ng kanilang bersyon ng kantang pamasko.





Awiting Pamasko


Awiting pamasko.jpg
  • Bilang senyales na malapit na ang pasko ay maririnig na pumapailanlang na sa hangin ang mga himig o awiting pamasko. Maririnig sa mga paaralan, simbahan at maging sa istasyon ng radyo ang mga napapanahong musika na kadalasa'y sinulat at inawit ng mga batikang kompositor at mang-aawit sa Pilipinas.




Noche Buena


Nochebuena.jpg
  • Tradisyon din ng pamilyang Pilipino ang pagsasalu-salo ng hapunan sa bisperas ng Pasko, matapos ang huling Misa ng Simbang Gabi. Kadalasan ay isang munting pista ang idinaraos sa tahanan, kasama ang ilang kamag-anak at malalapit na kaibigan, kasabay ng pagbibigay ng mga regalo. Hindi kinakailangang masagana ang hapag-kainan. Higit na mahalaga ang magkasama at magkabuklod ang buong mag-anak.




Panunuluyan


Panunuluyan pasko.jpg
  • Masasaksihan lalo na sa mga lalawigan ang pagsasadula ng masalimuot na paglalakbay ng banal na mag-asawa para sa kapanganakan ng anak nilang si Hesus. Kadalasan ay ginaganap ang dulang ito sa plaza o di kaya'y sa Simbahan bago simulan ang Misa sa bisperas ng pasko.




Aguinaldo


Aguinaldo pasko.jpg
  • Pinakahihintay-hintay lalo na ng mga kabataang Pilipino ang Pasko dahil sa paghingi ng Aguinaldo (hango sa salitang Espanyol na nangangahulugang “regalo”). Ito ay ang pagbabahay-bahay ng mga bata sa kanilang mga ninong at ninang, maging sa kanilang mga kamag-anak upang sila'y mabiyayaan ng regalo na malimit ay nasa anyo ng salapi. Masasaksihan rin dito ang ugaling Pilipino na pagmamano o ang paglapat ng noo sa kamay ng mas nakatatanda.



[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.