Mga Batas Ukol sa Pangangalaga ng Kalikasan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Pilipinas ay isang bansang kilala dahil sa samu’t-saring mga halaman at hayop na likas na naninirahan dito. Halimbawa, ang Pandaka Pygmea na siyang pinakamaliit na isda sa buong mundo ay matatagpuan sa mga katubigan ng Pilipinas. Marami ding mga hayop na nakalista na may kakaunti na lamang na bilang at nasa panganib na tuluyang mawala ay matatagpuan sa Pilipinas. Ang ilan dito ay ang dugong (sea cow), tarsier, ang Monkey-Eating Eagle, kagwang (flying lemur), at pawikan. Kilala rin ang mga katubigan sa Pilipinas bilang tahanan ng napakaraming uri ng mga yamang-dagat. Dahil dito ay napakahalagang magkaroon ng maraming mga batas na naglalayong panatilihin ang proteksyunan ang mga likas na yaman ng kalikasan sa Pilipinas. Ito ang ilan lamang sa mga batas na ito:

Mga nilalaman

[baguhin] PD 1219 at PD 1698 o ang “Coral Resources Development and Conservation Decree”

Ang batas na ito ay naglalayong protektahan ang mga yamang koral sa katubigan ng Pilipinas. Ang mga koral na siyang tahanan ng mga isda ay mahalagang salik na nagdedetermina ng dami at ng kalusugan ng mga isda at iba pang yamang-dagat. Ang siyang naatasan bilang pangunahing tagapangasiwa ng mga koral sa katubigan ng Pilipinas ay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas na ito ang pangongolekta, pagbebenta at pagluluwas ng mga koral mula sa mga katubigan sa Pilipinas. Bawal na bawal din ang paggamit ng koral sa paggawa ng mga istraktura. Maaaring magbigay bigyan ng pamahalaan ng permiso ang mga kilalang pang-akademikong institusyon na mangolekta ng limitadong suplay ng koral para sa mga layuning may kinalaman sa pag-aaral at pananaliksik. Ang lumabag sa batas na ito ay mahahatulan ng hindi bababa sa 60 araw at hindi hihigit sa 6 na taon na pagkabilanggo o pagbabayad ng multa na hindi bababa sa P6,000. Pinatupad ang batas na ito sa ilalim ng pamunuang Marcos noong taong 1977, at inamyendahan ang ilang mga probisyon dito noong 1980 sa ilalim ng PD 1698.

[baguhin] RA 428

Ang Republic Act 428 ay isang batas na nagbabawal sa pagbebenta o pagbili ng isda o ibang yamang-dagat na pinatay sa pamamagitan ng dinamita o paglalason. Depende sa kabuuang halaga ng isda o yamang-dagat na pinatay sa pamamagitan ng ilegal na pamamaraan ang magiging karampatang multa at tagal ng pagkakakulong. Halimbawa, kung ang kabuuang halaga ng mga isda ay hindi lalampas ng P100, ang magiging multa ay mula P50 hanggang P200, o di kaya’y pagkakakulong mula isang buwan hanggang anim na buwan.

[baguhin] RA 8749 o “Philippine Clean Air Act”

Ang Philippine Clean Air Act ay naglalayong panatilihing malinis at ligtas ang hanging nilalanghap ng mga mamamayan. Layon din nito na ipagbawal ang mga gawaing nagpapadungis sa hangin. Ayon sa batas na ito, mas kailangang bigyang-pansin ang paghihinto ng mga gawain na nagpapadumi ng hangin kaysa sa pagpapalinis ng madumi na na hangin. Ang batas na ito ay nagsasaad din na hindi lamang ang pamahalaan ang may katungkulan na panatilihin ang linis ng hangin, subalit pati ang mga pribadong mamamayan at mga pang-komersyal na industriya ng bansa. Kasama sa batas na ito ang pagpaplano ng mga pangmatagalang pamamaraan upang epektibong mawaksi ang mga sanhi ng maduming hangin at maghanap ng mga paraan upang mabawasan ang polusyon sa hangin.

[baguhin] RA 9275 o “Philippine Clean Water Act”

Ang batas na ito ay bilang pagkilala sa kahalagahan sa proteksyon ng mga yamang-tubig at ng mga katubigan sa Pilipinas. Bilang tugon dito, isinasaad ng Philippine Clean Water Act na kailangang magbuo ng mga plano tungo sa pangmatagalan at pangmalawakang paghadlang sa pagdumi ng mga katubigan sa Pilipinas at pagtukoy at paglinang ng mga magandang alternatibo sa mga gawaing kilala bilang sanhi ng polusyon sa katubigan. Kabilang din sa batas na ito ang pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko sa kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan ng mga tubig. Ang ilan pang nilalaman ng batas na ito ay ang pangangasiwa ng sistema ng mga sewerage, paniniguro ng kalinisan ng mga tubig na ginagamit bilang inumin, at paggawa ng mga Environmental Impact Assessment sa iba’t-ibang kritikal na lugar na malapit sa katubigan sa Pilipinas. Ang batas na ito ay ipinatupad noong Marso, 2004.

[baguhin] PD 705 o “Revised Forestry Code”

Ang PD 705 ay patungkol sa pagprotekta ng kagubatan at kakahuyan sa Pilipinas. Nilalaman ng batas na ito ang epektibong pangangasiwa ng mga lupain at yamang-lupa sa bansa, at kabilang dito ang pagtakda sa uri ng mga pampublikong lupain upang malaman kung anong uri ng pangangalaga ang dapag ilaan para dito. Ang isa pang mahalagang probisyon ng batas ay ang pangangasiwa sa dami at uri ng kakahuyan na maaaring putulin, pati na rin ang pamamaraan ng pagkamit ng lisensya ng mga kompanyang puputol ng puno. Ang tinukoy bilang tagapamahala sa pangangasiwang ito ay ang Bureau of Forest Development. Ang batas na ito ay inaprubahan noong Mayo 1975.

[baguhin] Batas Ukol sa Selective Logging

Isa sa mga batas sa ilalim ng PD 705 ay ang batas ukol sa selective logging, o ang pagpili lamang sa kung anong puno ang maaaring putulin at kung ano ang dapat iwanan. Ayon sa batas na ito, ang mga punong maaaring putulin ay yaong mga punong mayroong dyametrong 60 cm (sa bahagi ng puno na kasingtaas ng dibdib ng tao). Sa paraang ito, hindi tuluyang makakalbo ang lupain, na siyang tutulong sa pananatili ng magandang kondisyon ng lupa at para makaiwas sa pagguho ng lupain. Ang PD 705 ay inaprubahan noong Mayo 1975.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.