Menopause

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Itinatakda ng menopause (female climacteric) ang katapusan ng kapasidad ng babae na magkaroon pa ng anak. Ang menopause ay dumarating kapag hindi na siya nireregla subalit ang mga mekanismong biyolohiko at sintomas nito na nagsasabing nakatakda nang mag-menopause ang babae ay nagsisimula ng ilang taon bago sumapit ang premenopausal o perimenopausal period. (Maliban na lamang sa mga babaing natanggalan na ng obaryo makaraang operahan. Sa kaso nila, ang menopause ay dumarating kaagad-agad). Ang mga palatandaan ng menopausal ay nagpapatuloy sa loob ng ilan pang taon hanggang huminto na ang pagreregla.

May ilang babae na pumapasok na sa pagiging menopause sa edad na 40, ngunit on average, dumarating ito sa edad na 52. Lahat ng babae ay nakokompleto ang estado ng menopause sa edad na 58.

Sa paglapit ng menopause, ang siklo ng regla ay nagiging maikli lamang, o mahaba, at ang pagdurugo ay maaaring maging malakas o mahina. Ang pagbabagong ito ay maaaring mangyari sa loob ng mga buwan, sunod-sunod o iregular, hanggang sa matapos na nang tuluyan ang pagreregla. Kapag naganap ito sa loob ng isang taon, masasabing nakumpleto na ang menopause.

Sa pagtatapos ng pagreregla, nagdadala ang menopause ng pisyolohiko at sikolohikong pagbabago.

Mga nilalaman

Sintomas

  • Pamumula at mainit na pakiramdam. Ito ay biglaang pakiramdam ng malabis na init, karaniwan nang nararanasan sa bandang itaas ng katawan, at may kasamang pamumula,at pamamawis, pagkatapos ay tila ginaw. Ang ibang babae ay nakararanas ng madalas at malabis na hot flashes sa gabi. Nagiging dahilan ito ng paggising na tila naliligo sa pawis. Kapag ang katawan ay nag-a-adjust sa new hormone levels, naiibsan ang hot flashes at karaniwan nang nagtatapos sa edad na 60.
  • Pagkatuyot ng loob ng puke na ang sanhi ay ang pagnipis ng panlabas na rabaw ng mucuous membrane na bumabalabal sa puke. Ang pagbabagong ito ang dahilan ng masakit na pakiramdam kapag nagtatalik at nagiging sanhi rin ng vaginitis.
  • Ang iba pang sintomas na may relasyon sa menopause ay ang mabilis na tibok ng puso; panunuyo at pangangati ng balat; pagsakit ng ulo; hindi pagkakatulog; pagtaas ng timbang; at pagnipis ng buhok. May pagbabago din sa asal (mood swings), marahil ay dulot ng kakulangan sa pagtulog o pagbabago ng antas ng hormone.
  • Karamihan sa mga babae ay nagiging makakalimutin o nagkakaroon ng problema sa pagkakatanda ng mga bagay, at sinasabing nawawala ang gana sa sex.
  • Sinasabi rin na bumabagsak ang kalusugan ng babae kapag siya ay papunta sa pagiging menopause. Nawawala ang kanyang gana sa pagkain, at nagkakaroon din ng mga reflex nervous symptoms na ibat iba gaya ng pagkahilo at pagsusuka, at pagkaligalig ng ibat ibang organs kabilang na ang puso.

Maaari ring kakitaan ng panghihina, depresyon at melancholia o mania. Ang lahat halos ng pagkakasakit ng babae ay nagkakasama-sama sa panahon ng menopause—pagsakit ng ulo, pagsakit ng likod, paghihirap sa panunaw, pagtigas ng dumi, pagtatae, pamamaga ng dibdib, hysteria, at iba pang porma ng pagiging nerbyosa.

Paggamot

Upang maibsan ang paghihirap kapag may pakiramdam ng pag-iinit ng katawan at ng iba pang pagkakasakit na dala ng menopause, ipinapayo ang mga sumusunod:

  • Gumamit ng damit na magaang at preskong isuot;
  • Magtrabaho at matulog sa isang malamig na paligid, upang maiwasan ang pag-iinit ng katawan;
  • Upang hindi mamawis sa gabi, maligo ng malamig na tubig bago matulog at magkumot lamang ng manipis;
  • Umiwas sa nikotina, alkohol, at caffeine, na pawang magtutulak upang sumumpong ang pag-iinit ng katawan. Kung naninigarilyo, ito ang tamang paraan upang huminto na. Ang mga babaing naninigarilyo ay pumapasok agad sa estado ng menopause na sinasabing may average na dalawa hanggang apat na taong mas maaga kaysa sa mga babaing hindi naninigarilyo.May mataas na panganib din siya nang pagkakaroon ng osteoporosis, sakit sa puso at kanser;
  • Magkaroon ng regular na ehersisyo. Maglakad nang 15-20 minuto araw-araw na makapagpapabago ng mood, makahahadlang sa pagdaragdag ng timbang, mapapatibay ang mga buto, at mababawasan ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso;
  • Regular na makipagtalik upang maiwasan ang panunuyo ng puke. Maaari ding gumamit ng vaginal lubricant (pampadulas sa loob ng puke) na sadyang ginawa upang gamitin sa panahon ng menopause na sinasabing makatutulong upang mabawasan ang hindi kumportableng pakiramdam kaoag nagtatalik. May ilang kababaiha na nagsasabing ang vitamin E oil o unscented Vitamin E cream na ipinapahid sa vaginal area ay nakapagpapahinhawa rin.

Iba pang Sanhi ng Pabago-bagong Regla

Ang pagbubuntis, na sinasabing pinakakaraniwang sanhi ng pagkawala ng regla, ay dapat na matiyak kung totoo, lalo sa isang babaeng aktibo sa sex. Ang di-regular na pagreregla ay maaari ding sanhi ng tumor sa uterus (bahay-bata) o cervix (matris), bukol sa obaryo, thyroid o iba pang hormone disorder, diabetes, anemia, depresyon, labis na timbang o kakulangan sa timbang, at pagkagumon sa alak.

Sanggunian

  • Morgan, Barbara J. Guide To Medical Cures and Treatments', ikalimang limbag. USA: Reader's Digest General Books, 1988.
  • Swartout, Hubert O. The New Medical Modern Counselor, ikaanim na limbag. California: Pacific Press Publishing Association, 1951.


Paunawa sa Babasa
Bagaman malayang sundin ng mambabasa ang nilalaman nito alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon, ipinapayo ng WikiFilipino na kumonsulta pa rin sa doktor o espesyalista. Hindi mananagot ang WikiFilipino sa anumang mangyayari sa mambabasa kapag sinunod ang mga payong pangkalusugan ng akdang ito.


Walang sapat na sanggunian ang akdang ito.
Tumulong na paunlarin ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng tumpak na pagsipi at sanggunian.
Maaaring subukin o tanggalin ang bagay na hindi matitiyak kung totoo.
Tinatakan ang akdang ito noong Marso 3, 2008.

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

</noinclude