Melanie Marquez

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Melanie Marquez (Larawan mula sa [1])

Kung nais mabasa ang artikulong ito sa ingles, i-click lamang ang Melanie Marquez.

Si Mimilanie Laurel Marquez, o mas kilala bilang Melanie Marquez ay isang artista sa telebisyon at pelikula sa Pilipinas. Bukod dito, siya kilala rin bilang prodyuser, manunulat ng libro, at nag-eendorso ng mga produkto. Bago sumabak sa larangan ng showbis, siya ay nagawagi bilang Miss International at naging isang modelo. Kasama nina Jim Acosta at Dr. Dietmar Rummel, siya ay sumulat ng librong pinamagatang Beauty Reborn: the New Placenta No-Nonsense Beauty Guide na inilathala noong 2006. Kasalukuyang naninirahan si Melanie sa Utah at abala bilang isang magsasaka, habang paminsan-minsa'y rumarampa bilang modelo.

Mga nilalaman

[baguhin] Pinagmulan at Pamilya

Ipinanganak noong 16 Hulyo 1964 sa Mabalacat, Pampanga, siya ay anak ng sikat na direktor na si Artemio Marquez. Upang makatikim ng kaunting ginhawa ang kanyang pamilya, sa edad na 15-taong gulang ay sumali siya sa isang beauty pageant.

Ikinasal siya sa Australyanong si Adam Lawyer, may-ari ng isang rancho at miyembro ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Anim ang naging anak ni Melanie, kabilang na ang kanyang panganay mula sa aktor at senador na si Lito Lapid. Taong 2007 nang aminin niya sa publikong dalawa sa kanyang mga anak ang may sakit sa pag-iisip. Ang isa'y may autistic tendencies habang ang isa nama'y may delay syndrome. Bagama't ito'y pagsubok sa buhay, iniisip na lamang niyang ang kanyang mga anak ay biyaya mula sa Panginoon. Pinayuhan din niya ang mga magulang na magbigay ng sapat na atensyon at pagmamahal sa kanilang mga anak.

[baguhin] Edukasyon

Nagtapos si Melanie ng Bachelor of Science in Business Administration bilang Cum Laude mula sa International Academy of Management and Economics noong Nobyembre 2006. Kumuha rin siya ng ilang aralin sa Warnborough University sa United Kingdom.

[baguhin] Karera

[baguhin] Miss International 1979 at Pagmomodelo

Taong 1979 nang siya ay lumaban sa ibang bansa dala-dala ang pangalan ng Pilipinas at nagwagi ng titulo ng Miss International sa Tokyo, Japan. Matapos noon, ipinagpatuloy niya ang kanyang karera sa pagmomodelo sa iba't ibang magasin sa loob man o labas ng bansa. Hindi naglaon, napabilang siya bilang isa sa mga supermodel sa buong mundo at pinalad na mag-modelo sa Estados Unidos at Europa, pero nagbalik din siya sa bansa.

[baguhin] Bilang Artista

Bilang sikat na beauty queen at modelo ay pinasok na rin niya ang larangan ng pag-arte. Gumanap siya ng iba't ibang karakter sa mga pelikulang aksyon at drama, kasama na rito ang pagganap bilang bida sa isang pelikula tungkol sa sarili niyang buhay.

Simula noon ay naging aktibo na siya bilang isang aktres, host sa telebisyon, prodyuser ng pelikula, at ang higit sa lahat, mag-endorso ng produkto.

[baguhin] Pagsali sa Iba't ibang Kumpetisyon

Bukod sa pagsali at pagkapanalo sa Miss International noong 1979, nanalo rin siya bilang “Face of the 80s” sa New York noong 1985 at first runner-up sa Supermodel competition noong 1986. Sa parehong taon, tinawag rin siya bilang “Most Glamorous Woman” sa Italya. Taong 2005 naman nang sumali siya sa Mrs. World bilang kinatawan ng Pilipinas.

[baguhin] Bilang Tagapagsanay

Dahil sa kanyang kasanayan sa pagmomodelo, na nagsimula sa murang edad pa lamang, tinitingala at nirirespeto rin siya bilang tagapagsanay ng mga modelo. Kabilang sa kanyang mga naturuan at nahasa ay sina Ruffa Gutierrez para sa Miss World 1993 at nagwagi bilang 2nd Princess; Charlene Gonzales para sa Miss Universe 1994; at Miriam Quiambao para sa Miss Universe 1999 at nagwagi bilang 1st Runner-up.

Siya rin ay kinukuha bilang hurado sa iba't ibang mga kumpetisyon mapa-beuty contest man, patimapalak para sa pagmomodelo, o patimpalak na naghahanap ng mga panibagong talento.

Lumabas na rin siya sa Binibining Pilipinas World of BC 2004 pageant at sa Binibining Pilipinas World of Canada 2004 pageant. Nagbukas na rin siya ng sarili niyang paaralan para sa mga nais magmodelo, sumali sa beauty pageants, at mag-artista.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.