Matatagumpay na Negosyanteng Babae

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Go negosyo book.jpg

Kaugnay ng selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan (Women's Month), naglunsad muli ng aklat ang Go Negosyo na tumatalakay sa mga matatagumpay na negosyanteng Pilipina. Sinulat ni Joey Concepcion, ito ay may pamagat na "Go Negosyo: Joey Concepcion's 55 Inspiring Stories of Women Entrepreneurs".

Layunin ng aklat na ito ang mabigyan ng inspirasyon ang mga Pilipino na labanan ang pagdarahop sa pamamagitan ng pagtayo ng negosyo. Ayon kay Joey Concepcion, sa halip na magreklamo sa hirap ng buhay, subukang magtayo ng negosyo upang umunlad ang pamumuhay.

Alay sa Kababaihan

Ang Go Negosyo na aklat ni Joey Concepsion ay ang ikatlong edisyon na inilabas sa loob ng dalawang taon. Ang mga matatagumpay na negosyanteng itinampok dito ay mga kababaihan na tunay na naging matagumpay at nagdulot ng inspirasyon sa ibang mga mangangalakal sa iba't-ibang larangan tulad ng moda, edukasyon, aliwan, relihiyon, kalusugan, turismo, at iba pa. Ang mga kahanga-hangang kababaihan na ito ay nagmula sa iba't-ibang antas ng lipunan, iba't-ibang laki ng negosyo at mula sa iba't-ibang bahagi ng Pilipinas. Ipinagmamalaki din dito ang sipag, tiyaga, kumpiyansa sa sarili, independensya at determinasyon ng mga kababaihan upang maging matagumpay sa kanilang napiling larangan at sangay ng negosyo.

Tulak ng matinding pangangailangan upang magkaloob ng magandang buhay sa kanilang pamilya, ang mga itinanghal na limangpu't-limang kababaihang negosyante ay nagpatunay ng kanilang natatanging lakas at tiyaga upang maging mapalad ang kanilang pinasok na hanapbuhay. At kadalasan ang matinding pagmamahal at pagpapahalaga sa pamilya ang nagtutulak sa mga kababaihan upang maging matagumpay.

Ilan sa mga kababaihang itinampok sa aklat na ito ay sina Zenaida Tantoco ng Rustan’s, Milagros Yee at Clarita Go ng Goldilocks, Elizabeth Lee ng Universal Motors Corporation, Vivian Sarabia ng Sarabia Optical, Gladys Reyes ng KSA Magic, Diana Limjoco ng Digital Web Group, Inc., at Jennilyn Antonio ng Ehje’s Peanut Butter, kung sila ay nagsisilbing mentors at sa kanilang pamumuno, itinataguyod nila ang kahalagahan ng kababaihan.

Ayon din kay Concepcion, ang pulang balot ng libro ay sumasagisag ng lakas ng kababaihan o women power. Ang dalawang naunang inilunsad na libro ay naging bestseller. Ang una ay ang “Go Negosyo’s Inspiring Entrepreneurial Stories,” na kinilala bilang numero unong bestseller ng kategoryang non-fiction ng National Bookstore. Ang pangalawa ay ang “Go Negosyo’s Inspiring Entrepreneurial Stories Celebrity Edition,” na naging pang-apat na Top Bestseller muli ng National Bookstore.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.