Masskara Festival

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

right Ang MassKara Festival ay ipinagdiriwang sa Bacolod tuwing Oktubre. Kilala ito bilang isa sa pinakamakulay na pagdiriwang sa buong Pilipinas.

Mga nilalaman

Kasaysayan

Unang ginanap ang MassKara Festival bilang panghalili sa kinagawian nang pagdiriwang sa Bacolod na kinatatampukan ng parada ng mga militar, pagkilala sa ilang mga piling personalidad at mga programang musikal tuwing anibersaryo nang pagkakatatag ng naturang lungsod. Nagsimula ito noong panahon ng krisis sa naturang bayan.

Ang MassKara ay mayroong dalawang kahulugan. Una, ito ay resulta ng pinagsamang Ingles na salitang “mass” na ang ibig sabihin ay “marami” at Español na salitang “kara,” na nangangahulugan ng “mukha.” MassKara rin ang lokal na tawag sa salitang “mask”, na itinuturing ngayong isang malaking parte nang pagdiriwang.

Ang konsepto ng pagsasama ng mga salitang “mass” at “kara” ay nagmula sa dating pangulo ng Asosasyong Pang-sining ng Bacolod na si Ely Santiago, na sinuportahan naman ng dating tagapangasiwa sa turismo ng lungsod na si Romeo Geocadin at dating puno ng Kagawaran ng Turismo sa Negros Occidental na si Atty. Evelio R. Leonardia. Mula sa isang konsepto ay ipinagdiwang ang unang MassKara Festival noong 1981.

Makalipas ang tatlong taon, itinigil ang pagdiriwang ngunit dahil na rin sa pagsisikap ni Leonarida, nakakalap ang lungsod ng suporta mula sa pamahalaan at mga pribadong sektor upang maipagpatuloy ang pagdiriwang taun-taon.

Maskara

Ang mga kalahok sa pagdiriwang na ito ay nagsusuot ng makukulay na maskara. Nakangiti ang mga nasabing maskara na sumisimbulo ng ugali at pagkakakilanlan sa mga residente ng Bacolod bilang lungsod ng mga ngiti.

Pagkilala

Kinikilala ang MassKara bilang isa sa pinakamalaki at pinakamagarbong piyesta sa bansa. Kinakatawan na rin ng MassKara ang Pilipinas sa iba't ibang malalaking selebrasyon sa Asya, tulad ng Chinggay Festival sa Singapore, Lunar Festival sa Hongkong, International Tourism Festival of Shanghai sa Tsina at sa Midosuji Fetival Parade of Osaka sa Japan. Nakamit ng MassKara ang unang gantimpala sa Midosuji Festival para sa kategoryang kinabibilangan ng mga banyagang bansa.

Pagdiriwang

Bahagi ng pagdiriwang ang ilang mga kompetisyon sa pagsasayaw sa kalsada, kung saan lahat ng kalahok ay nakasuot ng makukulay na maskara at magagarbong pananamit. Kasama rin sa pagdiriwang ang patimpalak para sa pinakamagagandang binibini mula sa lungsod, ang MassKara Queen. Mayroon ring mga karnabal, mga kompetisyong pampalakasan at mga konsyerto.

MassKara 2009

  • October 1- Pagbubukas ng MassKara sa Bacolod Public Plaza
  • October 10- Gabi ng Press Club Star
  • October 15- Ms. Masskara Queen 2009
  • October 16- Kompetisyon sa Pagsasayaw para sa mga eskwelahan (Pagbubukas ng Electric Masskara)
  • October 17- Kompetisyon sa Pagsasayaw para sa mga Barangay
  • October 18- Kompetisyon sa Pagsasayaw na bukas para sa lahat ng kalahok
  • October 19- Bacolod Charter Day

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.