Mariano Ponce

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Mariano Ponce (Picture from ([1]).

Si Mariano Ponce (1863-1918), kilala rin bilang Kalipulako, ay bantog sa kanyang mga gawa at kontribusyon sa rebolusyon. Habang nasa Madrid, umanib siya kina Rizal, del Pilar at sa iba pang mga propagandista, para sa paghihimagsik laban sa mga Espanyol.

Mga nilalaman

[baguhin] Pinagmulan at Edukasyon

Ipinanganak siya noong 23 Marso 1863 sa Baliuag, Bulakan at panganay sa pitong anak nina Mariano Ponce at Maria Collantes de Los Santos.

Nagtapos si Ponce ng kanyang sekondarya na edukasyon sa pribadong paaralan ng Juan Evangelista, Hugo Ilagan at Escolastico Salandanan sa Maynila. Pagkatapos, siya ay pumasok sa Kolehiyo ng San Juan de Letran kung saan niya natamo ang kanyang Batsilyer sa Sining noong 1885. Matapos, siya ay lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas upang mag-aral ng medisina.

Noong 1887, pumunta siya ng Europa at pumasok sa Central University of Madrid kung saan siya nagtapos ng medisina noong 1889.

[baguhin] Buhay

Kasama sina Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at iba pang mga bayani, sumali si Ponce sa kilusan para sa inaasam na reporma. Tinulungan niya si Lopez Jaena sa pagtatatag ng La Solidaridad sa Barcelona noong 12 Pebrero 1889. Siya ang namuno sa seksyon ng Panitikan ng Asosacion Hispano-Filipina, isang samahan ng mga liberal na Espanyol at Filipino na tumutulong sa kilusang Propaganda, kung saan, siya rin ang naihalal na kalihim.

[baguhin] Sa Pagsusulat

Blang tagapangasiwang-patnugot, nagsusulat si Ponce sa La Solidaridad ng tungkol sa kasaysayan, politika, sosyolohiya at paglalakbay sa ilalim ng iba't ibang mga sagisag-panulat. Ang ilan dito ay ang Naning (ang kanyang palayaw), Kalipulako (hango mula kay Lapu-lapu), at Tigbalang. Tumulong siya sa paglabas ng Filipino Celebres, isang serye ng talambuhay ng mga katangi-tanging Pilipino.

Kinalaunan, gumawa rin siya ng Efemerides Filipinas, isang serye ng mga mahahalagang, makasaysayang pangyayari sa Pilipinas, na inilathala sa El Ideal, sa kolaborasyon ni Jaime C. de Veyra.

[baguhin] Sa Rebolusyon

Nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, siya ay ikinulong sa Barcelona sa loob ng 48 na oras, sa hinala na siya ay may koneksyon sa nangyaring pag-aalsa. Lumipat siya sa Pransiya upang maiwasan na muling mapagbintangan at naglayag papuntang Hongkong, kung saan siya ay naging kalihim ng Junta Revolucionaria. Noong 1898, itinalaga siya ni Emilio Aguinaldo bilang diplomatikong kinatawan nang Unang Republika sa Japan.

[baguhin] Paglalakbay

Dumating si Ponce sa Yokohama noong 29 Hunyo 1898 upang humingi ng tulong sa Japan at upang bumili ng mga bala para sa Hukbo ng mga Pilipino. Nakilala niya at naging kaibigan si Dr. Sun Yat-Sen, ang unang Presidente ng Republika ng Tsina, at si Jose Ramos Ishikawa, isang Pilipinong-Hapon. Dahil sa kanyang pagsusumikap, tumulong ang Hapon sa ipinaglalaban ng mga Pilipino. Sa kasamaang-palad, ang mga baril at bala ay hindi nakarating sa Pilipinas dahil sa nawasak ang barko na nagdadala ng mga ito, dahil sa isang bagyong dumating sa Formosa noong 21 Hulyo 1899.

Kasunod nito, si Ponce ay naglakbay sa Shanghai, Canton, Hangkow, Indo-Tsina, Cambodia at Siam.

Bumalik siya sa Maynila noong 1907, kasama ang kanyang Hapon na asawa na si Okiyo Udanwara.

[baguhin] Pagbalik sa Pilipinas

Naging direktor siya ng El Renacimiento noong Pebrero 1909 at isa sa mga nagtatag ng El Ideal, ang pahayagan ng partido Nacionalista. Siya rin ay nahalal na kongresista para sa ikalawang distrito sa Bulakan. Itinalaga rin siya ni Osmeña bilang tagapamahala ng lupon ng Komite sa Aklatan ng Kongreso ng Pilipinas na naglilipon ng Bibliografiya Parliamentaria.

Nang papunta sa Tsina upang bisitahin si Dr. Sun Yat-Sen, siya ay binawian ng buhay sa Civil Hospital sa Hongkong noong 23 Mayo 1918. Ang kanyang mga labi ay nasa Cementerio del Norte, Maynila.

[baguhin] Sanggunian

  • Filipinos in History. Vol II. Philippine Theater. Manila: National Historical Institute, 1990.
  • Mariano Ponce. (Hinango noong 2 Mayo 2008).

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.