Maria Ylagan Orosa

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, pindutin lamang ang Maria Ylagan Orosa

Si Maria Ylagan-Orosa (29 Nobyembre – 13 Pebrero 1945) ay isang Pilipinong siyentista, pilantropo, at bayani noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Mga nilalaman

[baguhin] Buhay at edukasyon

Ipinanganak si Orosa noong ika-29 ng Nobyembre 1983 sa Taal, Batangas, kina Simplicio Orosa at Juliana Ylagan. Mayroon siyang pitong kapatid na sina Simplicio Jr., Vicente, Sixto, Felisa, Jose, Nicolas, at Rafael. Nag-aral siya ng elementarya at mataas na paaralan sa kanilang probinsya. Noong 1915, kumuha siya ng kurso sa parmasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Makaraan ang isang taon, umalis siya papunta sa Amerika bilang isang iskolar ng gobyerno. Nag-aral siya sa Unibersidad ng Seattle kung saan siya nagtapos sa kursong Pharmaceutical Chemistry noong 1917; Food Chemistry noong 1918; Pharmacy noong 1920; at master's degree sa Pharmacy noong 1921. Nagtrabaho siya bilang katulong ni Dean Charles Johnson ng Washington University upang masuportahan ang kanyang pag-aaral. Nang makatapos ng pag-aaral sa Unibersidad ng Seattle ay nagtrabaho siya bilang katulong ng kimiko sa Washington.

[baguhin] Karera

Noong 1912 ay bumalik sa Pilipinas si Orosa at nagtrabaho bilang guro ng Home Economics sa Centro Escolar University. Pagkalipas ng isang taon, lumipat siya sa Bureau of Science bilang isang kemiko at bahagi ng kanyang trabaho ang pagtungo sa iba't ibang bahagi ng bansa upang isulong ang pampubliko at pampribadong kalusugan sa pamamagitan ng mga programa sa nutrisyon. Noong 1923 ay tumulong siya sa pag-oorganisa ng isang dibisyon sa Bureau of Science na nakatutok sa mga paraan ng pagpapa-preserba ng mga pagkain. Pagkatapos ng apat na taon ay naging puno siya ng nasabing dibisyon. Noong 1928 ay ipinadala siya ng gobyerno sa iba't ibang bansa upang magkaroon ng dagdag kaalaman sa pagpoproseso ng mga pagkain at pagpapa-preserba sa mga ito. Bumalik siya sa Pilipinas noong 1929 at hinirang na puno ng dibisyon ng ekonomiyang pangtahanan ng Bureau of Science. Noong ika-1 ng Enero 1933, naging pinuno din siya ng dibisyon sa pagpreserba ng pagkain ng naturang organisasyon. Naging pinuno din si Orosa ng dibisyon sa ekonimiks ng Kagawaran ng Agrikultura at komersyo at itinatag niya ang Homemakers Association of the Philippines.

[baguhin] Bilang siyentista

Maraming naging kontribusyon si Orosa sa larangan ng paggamit ng mga halaman sa pagpepreserba ng pagkain. Siya rin ang nanguna sa paggamit ng pinya sa paggawa ng suka. Ang pinakasikat naman niyang imbensyon ay ang Soyalac, isang pagkaing mula sa soya na mataas sa protina. Si Orosa din ang nag-imbento ng resipe para sa banana ketchup, alak mula sa mga prutas galing sa bayabas, soyamilk, harina mula sa saging at kamote, at tinapay galing sa darak na nakatutulong sa pag-iwas sa sakit na beri-beri. Inimbento rin ni Orosa ang “Palayok Oven” para sa pagluluto ng iba't ibang putahe.

[baguhin] Panahon ng digmaan

Noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, sumali si Orosa sa grupo ng mga gerilya na pinangunahan ni Brig. Gen. Agustin Marking, kung saan nahirang siya bilang kapitan. Pinakain at inalagaan niya ang mga bilanggo na nakalagak sa kampo ng mga kalaban sa Tarlac, Pampanga, Laguna at sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila. Ang kanyang imbensyon na Soyalac ay naging instrumento upang makasagip ng libu-libong bilanggo sa pagkamatay mula sa gutom. Habang mayroong laban na nagaganap sa pagitan ng mga Hapones at Amerikano sa Maynila ay tinamaan si Orosa ng bolitas ng sumabog na bomba habang nasa gusali ng Bureau of Plant Industry. Dinala siya sa Malate Remedios Hospital upang mabigyan ng lunas ngunit mayroon ding nagpasabog ng bomba dito na naging dahilan ng pagpanaw ni Orosa noong ika-13 ng Pebrero 1945. Inilibing ang kanyang mga labi sa bakuran ng Malate Catholic School.

[baguhin] Pagkilala

Bilang pagkilala sa mga kontribusyon ni Orosa sa larangan ng siyensiya at pagtulong noong panahon ng giyera, ipinangalan ng gobyerno kay Maria Ylagan Orosa ang isang kalye sa Ermita, Maynila, gayon din ang isang gusali ng Bureau of Plants and Industry. Noong ika-29 ng Nobyembre 1983, naglagak ang National Historical Institute ng tanda sa gusali ng Bureau of Plant Industry sa San Andres, Maynila, bilang pagkilala kay Orosa. Ang kanyang kaarawan ay idineklara rin bilang Home Extension Day ni dating Pangulong Carlos P. Garcia bilang pagkilala at pagpapasalamat sa yumaong siyentista at bayani.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.