Manuel Principe Bautista

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Manuel Principe Bautista ay isinilang noong 20 Hunyo 1919 sa Tondo. Nagtapos siya ng kursong komersiyo sa Far Eastern University (FEU), at matagal na naglingkod bilang puno ng dibisyon sa sangay ng Philippine National Bank sa Escolta, Maynila. Noong 1940 ay nakilala na siyang makatang nag-aambag sa magasing Liwayway, at doon din sa publikasyong iyon makakatagpo saka mapapangasawa niya ang dakilang manunulat na Tagalog na si Liwayway A. Arceo. Kasapi si Bautista sa pangkat na Panitikan ni Alejandro G. Abadilla, at malimit noong mag-inuman ang magkaibigan sa Newsmen's Row sa Project 6, Lungsod Quezon. Ang kaisa-isang koleksiyon ng mga tula ni Bautista na nabimbin nang matagal ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press at pinamagatang Himig ng Sinag (1997) na binigyan ng mapanuring introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo.

[baguhin] Parangal

Kabilang sa mga parangal ni Bautista ang mula sa Surian ng Wikang Pambansa, Gawad Patnubay sa Sining ng Maynila, Gawad Balagtas mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at pamahalaang lungsod Quezon.

[baguhin] Sanggunian

Bautista, Manuel Principe. Himig ng Sinag. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1997.