Manananggal

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang manananggal ay isang masamang espiritu o halimaw na kilalang-kilala ng mga Pilipino. Kawangis nito ang isang babae na kayang paghiwalayin ang kanyang katawan sa kalahati mula sa ulo hanggang sa baywang. Sinasabing ang manananggal ay may mga pakpak na animo'y sa paniki sa kanyang likod na nakatutulong sa paglipad nito upang makahanap ng kakainin. Sumisipsip ito ng dugo ng tao at madalas na naihahalintulad sa isang bampira na kilala naman sa mga bansa sa Amerika at Europa.

Mga nilalaman

[baguhin] Anyo

Ayon sa mga salitang nagpasalin-salin na, may kapangyarihan ang mga manananggal na magpalit ng anyo. Kalimitan siya ay isang babae. Sa umaga, isa siyang babaeng pangkaraniwan subalit iba ang ganda. Sa gabi, lalo na kapag madaling araw o bilog ang buwan, nagpapahid siya ng langis sa katawan habang nagdadasal at pagkatapos ay lalabas ang mga pangil niya, mahahabang kuko at pakpak, at ang itaas na bahagi ng katawan nito ay nahahati mula sa ilalim. Mayroon itong mahabang buhok at malalaking mata.

[baguhin] Pinagmulan

Ang mga kwento tungkol sa manananggal ay nagmula sa mga probinsya sa Visayas tulad ng Capiz, Iloilo, at Antique. Mayroon ding mga kwentong tulad ng sa manananggal sa karatig bansa ng Pilipinas gaya ng Indonesia at Malaysia.

[baguhin] Pag-atake

Tulad ng aswang, ang mga manananggal ay naninirahan malayo sa mga tao, madalas ay sa ilalim ng bundok o sa gitna ng kagubatan. Sa araw ay nakikihalubilo sila sa mga tao upang makahanap nang maaaring gawing biktima at kadalasang ang mga ito ay mga buntis at bata. Sa gabi naman ay lumilipad ang manananggal sa bubong ng bahay ng biktima nito upang maghanap ng butas kung saan maaari nitong ipasok ang mahaba at manipis nitong dila. Ang kanyang dila ang siyang sumisipsip ng dugo ng natutulog na tao. Sa ilang mga kwento, ang manananggal ay hinahabol ang kanyang biktima, pagkatapos ay papatayin ito at kakainin ang puso nito at iba pang laman-loob.

[baguhin] Panlaban

Pinaniniwalaang kapag nakahiwalay na ang kalahating katawan ng manananggal ay nagiging mahina ang ibabang bahagi nito. Dahil dito, itinatago ng manananggal ang ibabang bahagi ng katawan nito habang naghahanap ang itaas na bahagi ng kanyang mabibiktima. Marami ang naniniwala na ang pagbubudbod ng asin, abo o tinadtad na bawang sa ilalim na bahagi ng katawan ng manananggal ay maaaring makasunog dito. Dahil sa hindi na nito mabubuo ang sarili, ang manananggal ay mananatili sa labas hanggang sa maabutan ito ng sinag ng araw at tuluyang mamatay.

Nagsasabit rin ng bawang at sibuyas sa mga pintuan at bintana upang hindi makalapit ang mga manananggal, gayon din ang abo at luya.

[baguhin] Pamahiin

Sinasabing maaaring maging isang manananggal ang pangkaraniwang tao sa pamamagitan ng pag-inom ng dugo o laway ng manananggal. Maaaring patayin ng manananggal ang kanyang biktima o gawin itong tulad niya. Mas matagal ang buhay ng mga manananggal kaysa sa mga tao, lalo na kapag ang kinakain nila ay mga sanggol na hindi pa naipapanganak.

[baguhin] Manananggal sa Pelikula

Nagkaroon na ng ilang mga pelikula tungkol sa mga manananggal tulad ng:

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.