Maligayang Araw ng Pagtatapos

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Grad toga.jpg

Ang graduation o araw ng pagtatapos ay isang parangal na ibinibigay para sa mga estudyanteng maluwalhating nakatapos ng pag-aaral at nakatanggap ng kanilang diploma. Ito ang pagpapatunay ng kanilang napagtagumpayan sa loob ng mga taon ng pagsisikap at pagpupunyagi. Sinasabing ang araw na ito ang simula ng panibagong kabanata ng buhay ng isang mag-aaral tungo sa mas malawak pang karanasan. Kalimitan nang idinaraos ang selebrasyon ng pagtatapos tuwing huling linggo ng Marso o sa pagsisimula ng buwan ng Abril. Ang seremonya nito ay isinasagawa sa iba't ibang antas, mula sa kindergarten, elementarya, mataas na paaralan, vocational, kolehiyo hanggang paaralang graduwado.

Mga nilalaman

Kasuotan

Sa nakaraang dekada, kalimitan nang kulay puti ang isinusuot ng mga nagtatapos sa bawat paaralan. Puting bestida ang ginagamit para sa kababaihan at puting polo shirt na pang-itaas ng mga lalaki na itineterno sa itim na pantalon. Para sa mga mag-aaral ng kindergarten, ang mga bata ay nagdadamit ng magkakatulad na istilo o kung anuman ang napagkasunduang kasuotan ng mga magulang. Para sa nagtapos naman sa kolehiyo, nagsusuot ang mga estudyante ng toga at mortarboards o kasuotan sa ulo. Mahigpit na ipinatutupad ng kagawaran ng Edukasyon ang hindi makatuwirang paglulustay ng salapi sa araw ng pagtatapos manapa'y hinihikayat ang publiko na idaos sa simpleng paraan lamang ang naturang okasyon.

Baccalaureate Mass

Kalimitan nang ang mga nagtatapos sa mataas na paaralan ay nagdiriwang ng isang bacclaureate mass bago ang aktuwal na selebrasyon. Hindi naman ito naging kaugalian sa elementarya at college/post-graduate school graduations. Ang mga kolehiyo at unibersidad ay idinaraos ang baccalaureate mass sa magkaibang araw, kalimitan nang bago ang aktuwal na seremonya ng graduation. Sa araw na ito ay iginagawad din ang mga parangal para sa extra-curricular at co-corricular na aktibidad kung saan ang major awards ay iginagawad sa mismong araw ng graduation.

Mga Parangal

Karaniwan nang ang mga paaralang may maliit na populasyon ng estudyante ay idinaraos ang pagbibigay ng parangal sa araw mismo ng pagtatapos. Ang malalaking paaralan ay iginagawad ang parangal bago ang aktuwal na graduation day na tinatawag na Recognition Day o Baccalaureate Day. Pinaparangalan ang mga mag-aaral para sa kanilang extra-curricular at co-curricular na mga gawain gaya ng parangal na "Athlete of the Year" o "Good conduct award" tulad ng "Most Behave" at "Most Neat and Clean". Depende sa paaralan kung ilang bilang ng parangal ang kanilang ibibigay para sa mga estudyanteng nais bigyan ng pagkilala ng kanilang mga guro.

Ang major academic awards na ibinibigay sa mismong araw ng pagtatapos para sa elementarya at mataas na paaralan ay ang parangal para sa valedictorian ( pinakamagaling sa klase), salutatorian (pangalawang pinakamataas na karangalan), at honorable mention ( karangalang banggit) Karamihan sa mga paaaralan ay nagbibigay ng parangal sa limang (5) pinakamagagaling na mag-aaral: valedictorian, salutatorian, at ang una, ikalawa at ikatlong karangalang banggit. Ang iba pang parangal ay kalimitan nang ang "Leadership Award" at award para sa mga mag-aaral na angat sa ibat ibang larangan na tinaguriang "Bests". ( halimbawa ay "Best in Math”, o "Best in Science")

Sa kolehiyo at post-graduate schools, binibigyang parangal ang summa cum laude (pinakamataas na karangalan), magna cum laude ( may mataas na karangalan), at ang cum laude ( may karangalan). Kalimitan ang pagkilala sa ganitong parangal sa pamamagitan ng pagsasabit ng ribbon o pagbibigay ng medalyang may palatandaan sa likod kung ano ang nakuhang award at mga sertipiko bilang pagpapatoo sa naturang award.

Seremonya

Ibat iba man ang paraan ng seremonya para sa mga nagtatapos, karaniwan nang idinaraos ito sa pagsisimula ng parada na kasama ng mga mag-aaral ang kani-kanilang mga magulang kung saan magaganap ang seremonya ng pagtatapos.

Susundan ito ng invocation na maaaring pasalaysay o paawit ng choir o ng mismong mga mag-aaral. Aawitin din ang Lupang Hinirang at ang salutatorian ay magbibigay ng salutatory address na magsisilbing welcome address o pambungad na pagbati. Susunod na ipakikila ang keynote speaker o isang respetableng tao na maaaring isang mag-aaral na nakatapos sa naturang paaralan na magsisilbing inspirasyon para sa mga bagong nagtatapos.

Matapos ang keynote address, ang prinsipal o chancellor ay ipakikilala ang mga magtatapos sa mga kinatawan ng institusyon. Ang naturang mga kinatawan ay ihahayag naman ang pangalan ng mga graduates. Matapos ang deklarasyon, igagawad na sa mga mag-aaral ang kanilang mga diploma. Ang aktuwal na diploma ay hindi pa ibinibigay sa mismong araw ng seremonya. Makukuha lamang ito matapos na maayos maisumite anuman ang mga dokumentong kailangang isaayos ng mag-aaral kasama na ang kaniyang clearance.

Kapag naigawad na ang mga diploma, ipamamahagi ng class valedictorian ang kanyang valedictory address at siyang mamumuno sa school pledge of loyalty. Aawit ang mga nagtapos ng graduation song at igagawad na ang parangal para sa mga katangi-tanging mag-aaral.

Seremonya ng Kandila

Ang seremonya ng kandila ay kalimitang ginagawa para sa high school junior-senior (JS) proms. Sa orohinal na proseso ng candlelight ceremony para sa mga proms, ang senior class president ay sisindihan ang isang malaking ceremonial candle sa stage. Sisindihan pagkatapos ang kanilang mga kandila na gamit ang sindi ng ceremonial candle at ipapasa ang naturang sindi sa kanilang junior class president patungo sa ibang seniors na magbibigay naman ng kanilang kandila sa mga juniors.

Para sa mag-aaral na nagtatapos sa elementarya,, inaawit nila ang "One Little Candle" habang ang class valedictorian ay magsisindi ng ceremonial candle at ipapasa ang sindi sa ibang mag-aaral. Hihipan ng mga ito nang sabay-sabay ang kanilang mga hawak na kandila matapos ipahayag ang kanilang maluwalhating pagtatapos.

Awit ng Pagtatapos

Mahalaga ang graduation song sa seremonya ng pagtatapos ng mga mag-aaral. Karaniwan nang namimili ang mga nagtatapos ng awiting naghahayag ng kanilang damdamin para sa espesyal na okasyon na iyon sa kanilang buhay.

Ilan sa mga awiting angkop para sa selebrasyon ng araw ng pagtatapos ang awit ni Diana Ross , ang "If We Hold on Together". Ang iba pang pamosong awit ay kinabibilangan ng "Farewell" ni Raymond Lauchengco, "The Journey" ni Lea Salonga at "High School Life" ni Sharon Cuneta.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.