Mahal na Araw

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Kung nais ninyong mabása ang tekstong nakasulat sa Ingles, pindutin ang Holy Week.


Para sa mga Kristiyano, ang Mahal na Araw ay panahon ng penitensiya at pagmumuni-muni.

Ang Mahal na Araw ay ang panahon ng paggunita at pagbabalik-loob ng mga Kristiyanong Filipino sa pinaniniwalaan nilang diyos na tagapagligtas na kinakatawan ni Hesukristo. Taon-taon, ipinagdiriwang ito ng mga Filipino upang palalimin ang kanilang pananampalataya, habang binubuhay ang mahabang tradisyon ng mga Kristiyano, gaya ng pag-aayuno at pamamanata. Nakikiisa ang mga Filipino sa ginawang pagpapakasakit ni Hesukristo para sa kaligtasan ng buong daigdig. Naniniwala sila na muling nabuhay si Hesukristo at magbabalik bilang patotoo sa mga ipinangaral nito sa kaniyang mga alagad at mananampalataya.

Ang Mahal na Araw ay nagsisimula pagsapit ng Miyerkoles ng Abo, ang araw na kinukrusan ng abo sa noo ang mga deboto bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Paalaala rin iyon na "sa abo nagmula ang lahat, at sa abo rin magbabalik pagsapit ng wakas." Miyerkules ng Abo ang naghuhudyat ng pagbubukas ng panahon ng pagsisisi, pag-aayuno, at pangungumpisal, na pawang paghahanda sa malagim na pasyon ni Hesukristo sa kamay ng kaniyang mga tagausig. Tumatagal nang 40 araw ang taunang tradisyon, at nagtatapos sa Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo na ginaganap pagsapit ng Linggo.

Kilala ang mga Filipino sa paggunita ng Mahal na Araw. Ito ang kanilang paraan upang magbalik-loob sa Diyos at talikuran ang kanilang mga maling pamumuhay.

Mga nilalaman

[baguhin] Mga Sakrispisyo

  • Pag-aayuno
  • Di pagkain ng karne
  • Pagbibigay ng limos
  • Pagdarasal

[baguhin] Mga Gawain sa Mahal na Araw

  • Pabasa—Inaawit o kaya'y binabasa ng mga deboto ang mahabang pasyon ni Hesukristo. Ang nasabing pasyon na nasa anyong patula ay hango sa Bibliya ng mga Katoliko Romano. Ang grupo ng mang-aawit ay kakanta nang sabay sa saliw ng luma o bagong kanta.
  • SenakuloGinaganap sa lansangan o entablado, ang senakulo ay pagsasadula ng mga pangyayari hinggil sa mga dinanas ni Hesukristo bago at pagkaraan ipako siya sa krus. Hango ang nasabing tradisyon sa Bibliya at iba pang tekstong apokripa. Pinakatanyag na senakulo ang ginaganap sa Marinduque, na tinawag na Pista ng Moriones.
  • Paghahagupit ng latigo sa harap ng Madla—Ito ang pagsasadula ng pagpapahirap at pagkamatay ni Kristo na ipinako sa krus. Ginagawa ito ng mga Katoliko na may panata, gaya ng masisilayan sa Pampanga at Rizal. Ang gayong pamamanata ay ang paraan ng mga deboto upang magpasalamat sa mga biyayang natamo nila sa Maykapal.

Kilala ang Cutud sa pagkakaroon ng ganitong gawain. Ang mga namamanata ay nakasuot lamang ng pantalon , may takip ang mukha ng mga deboto, at ang ulo ay may koronang tinik. Ang kanilang katawan ay hinahagupit ng latigo na may mga pako sa dulo.

Ang Biyernes Santo ang tanda ng pagkamatay ni Kristo. Karamihan sa mga bayan ay nagdaraos ng malaking prusisyon at ang mga imahen ng simbahan ay may balabal at talukbong ng itim na belo at nasa tuktok ng karosa. Isang paniniwala ng mga Filipino ay ang pagbabawal sa mga bata na maglaro sa araw na ito sapagkat patay si Kristo at kapag nasugatan ay matagal umanong maghilom. Bago magbukang- liwayway sa araw ng Pasko ng Pagkabuhay, eksaktong alas-kuwatro ay gaganapin ang salubong. Ang mga imahen ni Birheng Maria at ang imahen ng Kristong Buhay ay magsasalubong sa gitna ng bakuran ng simbahan, habang ang mga batang nakasuot ng pakpak ng anghel ay masayang nagsasaboy ng mga talulot at umaawit nang taimtim.

[baguhin] Gallery

[baguhin] Sanggunian

  • Kwaresma (hinango noong 27 Pebrero 2008).
  • Veritas846 (hinango noong 27 Pebrero 2008).
  • ManilaBulletin Online (hinango noong 27 Pebrero 2008).
  • akiraliwanag (hinango noong 27 (Pebrero 2008).
  • Almario, Virgilio and Ani Rosa Almario, ed. 101 Filipino Icons. Quezon City: Adarna House, Inc. and Bench, 2007.

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.