Lungsod Vigan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Rehiyon ng Ilocos (Rehiyon I) | Ilocos Sur | 39 | 11| 45,143| 4103.91|
Lungsod Vigan
Lokasyon
250px
Pamahalaan
Rehiyon Rehiyon ng Ilocos (Rehiyon I)
Lalawigan Ilocos Sur
Lungsod
Munisipalidad
Kabisera
Barangay 39
Pisikal na Katangian
Saklaw 11 km²
| ()
Populasyon
Kabuuan (2000) ()
Densidad 4103.91/km²
| ()


Vigan seal.jpg

Ang makasaysayang Lungsod Vigan ay matatagpuan sa hilaga kanlurang bahagi ng baybaying lalawigan ng Ilocos Sur, Rehiyon ng Ilocos, Luzon, Pilipinas. Isa ito sa dalawang lungsod ng lalawigan. Kilala ang lungsod dahil sa makasaysayang mga bahay at gusaling pinagplanuhan, idinisenyo at itinayo na may impluwensiyang Asyano, Europeo at Latino Amerikano na matagumpay na naalagaan ng mga mamamayan nito mula pa noong ika-16 na siglo. Ang Intramuros (Walled City) sa Maynila ang padron ng disenyo nito. Ang Vigan lamang ang pinaka-iingatang halimbawa ng Spanish colonial town at European trading town sa Pilipinas at maging sa buong Silangang Asya at Timog Silangang Asya kung kaya’t noong Disyembre 2, 1999 ay napili itong mapasama sa UNESCO World Heritage List at naging component city noong Enero 21, 2001.

Mga nilalaman

[baguhin] Mga barangay

Ang Lungsod Vigan ay may 11 barangay

  • Ayusan Norte
  • Ayusan Sur
  • Barangay I (Pob.)
  • Barangay II (Pob.)
  • Barangay III (Pob.)
  • Barangay IV (Pob.)
  • Barangay V (Pob.)
  • Barangay VI (Pob.)
  • Barraca
  • Beddeng Laud
  • Beddeng Daya
  • Bongtolan
  • Bulala
  • Cabalangegan
  • Cabaroan Daya
  • Cabaroan Laud
  • Camangaan
  • Capangpangan
  • Mindoro
  • Nagsangalan
  • Pantay Daya
  • Pantay Fatima
  • Pantay Laud
  • Paoa
  • Paratong
  • Pong-ol
  • Purok-a-bassit
  • Purok-a-dackel
  • Raois
  • Rugsuanan
  • Salindeg
  • San Jose
  • San Julian Norte
  • San Julian Sur
  • San Pedro
  • Tamag
  • Barangay VII
  • Barangay VIII
  • Barangay IX

[baguhin] Heograpiya

Ang Lungsod Vigan ay 480 kilometro pahilaga ng Maynila at 139 kilometro naman mula sa San Fernando, La Union na sentro ng lokal na pamahalaan ng Rehiyon ng Ilocos. Ang mga hanggahan ng Vigan ay ang Bantay sa hilaga, ang Santa sa silangan, ang Sta. Catalina sa kanluran, ang Caoayan sa timog at ang Timog Dagat Tsina sa timog kanlurang bahagi nito.

Ang buong sukat ng lupain ng Lungsod Vigan ay 2,511 ektarya - mahigit sa isang bahagdan ng buong lupain ng Ilocos Sur. Ang lungsod ay matatagpuan sa Vigan-Bantay Plain na bahagi ng Ilocos coastal plain. Ang Vigan Bantay Plain ay napapagitnaan ng isang gulod na humahati rito sa dalawang bahagi. Ang paagusan ng Vigan ay ang Ilog Vigan at Ilog Bantay sa hilaga at ang Ilog Mestizo sa timog. Halos puro kapatagan ang Vigan maliban sa timog na bahagi kung saan naroroon ang mga burol sa mga barangay na Tamag, Bulala at Salindeg. Ang Gap Hill kung saan dumadaloy ang Ilog Vigan ay nasa silangang bahagi ng Vigan.

[baguhin] Populasyon

Noong census ng taong 2000, ang populasyon ng Vigan ay 45,143.

[baguhin] Panahon

Dalawa ang panahon sa Vigan: ang tag-araw na nagsisimula sa buwan ng Nobyembre hanggang sa buwan ng Abril at ang tag-ulan na mula sa buwan ng Mayo hanggang Oktubre. Pito hanggang sampu ang dami ng bagyong dumaraan sa Vigan taun-taon.

[baguhin] Yamang Likas

Iba’t ibang klaseng bato at yamang mineral ang matatagpuan sa mga baybayin ng lungsod. May mga coral reefs , atolls at beach rocks din sa karagatang sakop ng lungsod. Isang mahalagang mineral na matatagpuan sa Vigan ay ang uri ng clay na ginagamit sa paggawa ng banga o palayok na burnay.

Sa mga baybaying barangay ng Mindoro at San Pedro, iba’t ibang klaseng kinapal tulad ng tuna, mackerel, siganid, snapper, buslogan, lapu-lapu, sungayan, pusit, laki at baraniti ang mahuhuli sa dagat.

Bukod sa pangingisda sa karagatan ay may mga palaisdaan ng bangus, malaga, tilapia, padaw at arimbukeng sa Vigan. May 24 ektarya ang sakop ng mga palaisdaan.

[baguhin] Kilalang Lutuin

Kilala ang lungsod ng Vigan para sa ibat-ibang espesyal na mga lutuin. Isa na siguro sa pinakatampok at kilala sa mga ito ay ang Empanada.

Karaniwang nahahati sa dalawang uri ang Empanada. Mayroong regular at special. Ang kanilang pagkakaiba ay makikita sa sangkap na ginamit sa pag-gawa ng palaman nito.

Hindi gaanong nagkakaiba ang dalawang uri na ito. Ang pinagkaiba ng special na Empanada ay karaniwang sinasamahan ng itlog at Longganisang Vigan na hindi matatagpuan sa regular na uri.

Ngunit ngayon, sa ibang bentahan, hindi na longganisa ang nilalagay sa special na uri ngunit giniling na lamang. Ito ay rahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng longganisang Vigan.

[baguhin] Ang Pinagmulan ng Lungsod Vigan

Dating isla ang Vigan na napapalibutan ng Ilog Abra, Govantes at Mestizo, na umiikot sa paligid nito. Ang pangalan nito ay kinuha sa kabiga-an, isang uri ng halamang dating nananagana sa pampang ng Ilog Abra.

Bago pa ang panahon ng pananakop ng mga Kastila ay kilala na ang Vigan bilang isang pook-kalakalan sa pagitan ng mga katutubo at ng mga komersyanteng Intsik na sakay ng mga junk (barko) na bumabagtas sa Ilog Mestizo upang makipagpalitan ng exotic goods mula sa mga kaharian ng Asya para sa beeswax, ginto at iba pang kalakal mula naman sa mga bundok ng Cordillera. Ang mga dayuhan na karamihan ay Intsik ay nanatili sa Vigan at nakapag-asawa ng mga katutubo. Dito nagsimula ang multi-cultural na lahi ng mga Biguenyo.

Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, nang matapos ni Juan de Salcedo na kilalang manlulupig na Espanyol ang matagumpay na ekspedisyon at pagtuklas sa Norte ay ginantimpalaan siya ng hari para sa kanyang paglilingkod. Ibinigay sa kanya ang lumang lalawigan ng Ylocos bilang kanyang encomienda. Nang siya ay encomiendero na at Justicia Mayor ng Ilocos ay nagbalik siya sa Vigan na una niyang natuklasan noong Hunyo 12, 1572. Naging mainit ang pagsalubong sa kanya ng mga katutubo roon dahil sa naging mabuting pagtrato sa kanila ni de Salcedo noon. Ginawa niyang kabisera ang Vigan ng buong Ylocos na noon ay binubuo ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra, La Union at ilang bahagi ng Mountain Province. Noong Enero 1574, nagsama siya ng mga misyonerong Agostino upang mangaral tungkol sa Ebanghelyo at itinatag niya ang Vigan bilang isang Kastilang lungsod upang mangibabaw sa mga kalapit-bansa ng Pilipinas.

[baguhin] Ciudad Fernandina De Vigan

Noong Setyembre 7, 1758 nang mailipat ni Obispo Juan de la Fuente y Yepez ang Episcopal See ng Diyosesis ng Nueva Segovia sa Vigan mula sa Lallo, Cagayan ay ganap nang naging lungsod ang Vigan at tinawag itong Ciudad Fernandina de Vigan bilang parangal sa Haring Fernando VI ng Espanya, ang kasalukuyang hari noon.

Upang lalong mapagtibay ang kategorya ng Vigan bilang lungsod ay hinango ang ilang datos mula sa Instituto de Historia Programa de Modernization del Archivo Nacional de Filipinas. Ayon dito ang Vigan ay may sariling karsel, casa de govierno, mercado publico, Provincial High Court at isa sa apat lamang na Public Works District sa buong Luzon. Mayroon din itong Audencia Territorial, ang isang indikasyon na ito ay lungsod.

[baguhin] Kung Paanong Nakaligtas ang Vigan sa Pagkawasak noong Digmaan

Ang pamilya ng isang kumander ng Japanese Imperial Army na si Kapitan Fujiro Takahashi ay tumira sa Vigan noong 1943 sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isang Filipina ang asawa ng kumander. Noong 1945 , nang makaabante na ang mga Amerikano sa buong Pilipinas, sinimulan ng mga Hapon ang pagsunog at tuluyang pagwasak sa mga bayang inokupa nila bago sila umatras na palabas ng Pilipinas. Sa bisperas ng pag-alis ng mga Hapon sa Vigan, nagmakaawa ang kapitan sa SVD procurator ng Seminaryo Vigan na si Padre Joseph Kleikamp na isailalim nito sa kanyang pangangalaga ang asawa niya at anak. Nangako ang paring pagbibigyan ang kahilingan ng kapitan sa kondisyon na pag-alis ng mga Hapon ay hindi nila susunugin at sisirain ang Vigan upang hindi paghigantihan ng taumbayan ang kanyang pamilya. Tinupad nila kapuwa ang kanilang mga pangako kahit na may nakahanda nang mga drum ng gasolina sa plasa na gagamitin sa pagsunog. Kinabukasan ay natuklasan ng mga taga-Vigan na naging mapayapa ang pag-alis ng mga Hapon. Agad silang naglatag ng isang malaking bandilang Amerikano upang hindi matuloy ang planong pagbomba ng mga Amerikano. Gagawin ito upang mapalayas sa Vigan ang mga Hapon. Itinuturing na himala ang pangyayaring nakaligtas ang Vigan sa panununog at pambobomba noong panahong iyon.

Vigan lamang ang tanging Spanish colonial town na nakaligtas sa digmaan. Ang pamilya naman ng kapitang Hapon ay nakaligtas sa digmaan dahil sa pagkupkop sa kanila ng mga taga-Vigan.

[baguhin] Pamanang Arkitektural

Meztizo District.jpg
Vigan cathedral.jpg

Maraming matatandang gusaling naipatayo ilang dantaon na ang nakalilipas ang makikita pa sa Lungsod Vigan sa kasalukuyan.

Sa Kalye Mena Crisologo sa Mestizo District ng lungsod ay naroon ang humigit-kumulang sa 150 na bahay na bato. Makikita sa mga ito ang galing ng mga artisanong Filipino bago pa dumating ang panahon ng modernong materyales at teknolohiya sa pagtatayo ng gusali. Ang bahay na bato lamang ang nakatatagal sa lindol at bagyo na madalas bumisita sa rehiyon ng Ilocos. Ang bubong nito ay yari sa tisa habang ang ikalawang palapag at ang sahig ay yari sa kahoy. Marami sa mga ito ay nasa maayos pang kalagayan at ang ilan ay ginawang mga otel, museo, tindahan ng mga souvenir, kainan o bar.

Ang maringal na St. Paul Metropolitan Cathedral na ipinatayo ng mga prayleng Agostino at nakumpleto noong 1790 ay ginamitan ng katangi-tangi lamang sa mga Ilokano na istilong Earthquake Baroque (dahil sa mga lindol na naranasan noon sa Ilocos) at may disenyong paulit-ulit na ginamit sa kabuuan na istilong Neo-Gothic at Romanesque. Sa Plaza Burgos matatagpuan ito, ang kampanaryo (mahigit isang dantaon nang naitayo) nito at ang bahagi ng Seminaryo Vigan na hindi tinupok ng apoy. Ang loob ng simbahan ay may tatlong nabe (nave), 12 na altar at isang choir loft. Makikita ang impluwensiyang Tsino sa altar sa baptistry, sa pinanday na tansong communion handrail, sa dalawang asong Fu sa labas lamang ng katedral at sa hugis octagon ng pinakaulo (dome) ng katedral. Makikita rin ang kasalukuyang Ayuntamiento Municipal, ang Casa Real (Provincial Administrative Building) na may disenyong American Colonial at katapat lamang ng katedral, ang Colegio de Niñas, ang unang paaralan para sa mga batang babae sa Hilagang Luzon at ang Palasyo ng Arsobispo sa Plaza Burgos, ang plaza na itinayo bilang parangal kay Padre Jose Burgos, isa sa tatlong paring Filipino na hinatulang mamatay sa garrote ng mga Kastila dahil sa pagtataguyod ng mga pagbabago sa simbahan. Ang napabantog na “empanada” ay dito niluluto noong araw. Sa kasalukuyan, may ilang tindahan pa ring nagtitinda ng “empanada”. May food court din sa plaza at parke para sa mga bata.

Ang Museo Nueva Segovia sa loob ng Palasyo ng Arsobispo ay may koleksyon ng mga mamahaling antigong kagamitang pansimbahan at relikya mula sa mga simbahan sa rehiyon ng Ilokos. Ilan sa mga ito ay ang mga larawan ng mga sinaunang obispo, mga imaheng kahoy (life-sized) ng mga santo, mga kasuotan ng pari at obispo at isang tabernakulong pilak na ginagamit hanggang ngayon tuwing Semana Santa. Naroon din ang artsibo ng arkidiyosesis at ang throne room. Ang Palasyo (Arzobizpado) ang nagsilbing punong-himpilan ni Heneral Emilio Aguinaldo noong 1889.

Sa kanluran ng katedral ay makikita ang Plaza de Salcedo kung saan itinayo ang pinakamatandang monumento sa Ilocos noong ika-17 dantaon bilang parangal kay Juan de Salcedo, ang conquistador na ama at tagapagtatag ng Villa Fernandina de Vigan.

Ilan pang mainam pasyalan sa Vigan ay ang Museo at Aklatang Padre Jose Burgos, Museo San Pablo, Museo Crisologo, Aklatang Panlalawigan ng Ilocos Sur, Aklatang Vigan, Aklatan ng PIA at ang Museo Quirino.

Labing-apat na larawan ang kinomisyong ipinta ng pamahalaang Kastila ng Vigan na sumupil sa Basi Revolt noong 1807 (nagsimula sa Piddig, Ilocos Norte at nagtapos sa Ilog Bantaoay) upang ipakita ang mga pangyayari sa pag-aalsang ito at bigyang babala ang mga katutubo sa mga binabalak pang pag-aalsa. Inihalintulad sa Daan ng Krus ang mga larawang ipininta ni Esteban Pichay Villanueva (1797-1978). Kahit na may pagkiling sa mga mananakop ang mga larawan, naipakita rin ang pagpupunyagi ng mga Filipino para sa kalayaan. Ipinakita rin ng mga larawan ang isang mahalagang estado sa pag-unlad ng sining ng pagpipinta sa Pilipinas. Bago ang panahon ni Villanueva ay kadalasang relihiyoso ang tema ng mga ipinipintang larawan. Sa kasalukuyan ay makikita ang labing-apat na larawan sa sangay ng Pambansang Museo sa Vigan, ang lumang bahay ng mga ninuno ni Padre Jose Burgos kung saan isinilang ang paring bayani. Bukod sa mga larawan ay makikita rito ang mga kayamanang mula pa sa panahon ng primitibong lipunan hanggang sa kasalukuyan, antigong koleksyon, mga diorama ng makasaysayang pangyayari at isang Hall of Fame ng mga bayani at iba pang bantog na Ilokano.

Ang Museo San Pablo ay makikita sa silangang bahagi ng Katedral. Mga kagamitang pangrelihiyon, mga materyales sa paggawa ng mga Bahay Vigan at mga larawan ng Vigan noong ika-19 na siglo ang makikita rito.

Ang Museo Crisologo na nasa pangangasiwa ng Pambansang Museo ay nag-iingat ng memorabilia ng yumaong Kongresista Floro Crisologo at ng mga orihinal na kagamitang dating nakikita sa mga Bahay Vigan.

Ang mansyon ng mga Syquia o Museo Quirino ay itinayo noong 1830 at makikita rito ang mga muwebles at iba pang kasangkapan mula pa sa siglo ika-19 at ang mga memorabilia ng yumaong Panghulong Elpidio Quirino.

[baguhin] Iba Pang Pook-Pasyalan

Ang Baluarte ng dating Gobernador Chavit Singson ay may mini-zoo, skeet shooting range at libreng sakay sa palomino. Ang Mira Hills Filipino-Spanish Friendship Park naman ay may swimming pool, ampitheater at reservoir ng inuming tubig ng mga residente. Dito rin ginagawa ang mga picnic. Sa Damili Village ng Barangay Bulala ay umiiral pa rin ang sining ng pagmomolde ng terracotta sa iba’t ibang anyo.

[baguhin] Pamanang Tradisyon na Pangkabuhayan

Burnay making.jpg
Vigan tiles.jpg

Ayon kay Damaso King, isang mananalaysay, ang paggawa ng burnay (stoneware jar) at iba pang gamit na ginagamitan ng Bantog clay ay dinala rito ng mga Intsik na mula sa Kwi-Sao, Chun-chiu, Tsina noong bago dumating ang mga Kastila. Ang mga katutubo ang kinuha nilang manggagawa at sa mga ito rin nila kinuha ang mineral na ginamit sa paggawa ng burnay. Sa kuwento naman ni Fidel Go na apo ng unang Intsik na gumawa ng palayok sa Vigan ay 1890 na nang ang paggawa ng burnay ay ipakilala sa Vigan ni Pedro Go, isang Intsik mula sa Chinkang, Fukien, Tsina. Si Fidel Go ngayon ang nagmamay-ari ng pagawaan ng palayok at banga na Ruby Pottery na unang itinayo ng kanyang lolo. Sa Barangay Pagburnayan sa Liberation Boulevard ay may tatlo pang pagawaan ng palayok na gumagamit ng luma at tunay na paraan ng pagpapalayok. Sa ibang barangay naman ginagawa ang tisa (brick), ladrilyo (tile) kasama na ang kilalang Vigan tiles at mga katutubong kalan.

Ang burnay ay sisidlan ng inuming tubig, asin, basi (indigenous wine), tagapulot (brown sugar) at ng paborito ng mga Ilokano na bagoong. Ang isa pang produktong yari sa clay ng burnay ay ang gibak (clay tiles) na ginagamit sa paggawa ng asin sa mga bayan ng Las Piñas, Laguna at Dasul, Pangasinan.

Ipinakilala rin ng mga Intsik ang paghabi ng abel mula sa telang gawa sa cotton. Hanggang ngayon ito pa rin ang hanapbuhay sa ilang barangay sa Vigan partikular sa Barangay Camangaan. Ang ibang mamamayan naman ay nagsasaka ng mais, tugui, bigas, sibuyas, tubo, balatong, mga gulay at iba pa. Ang iba pa ay gumagawa ng salakot o cattocong at nagpapanday.

[baguhin] Mga Pagdiriwang sa Lungsod

Ang pista ng ng Lungsod Vigan sa mga araw ng Enero hanggang Enero 25 ay bilang paggunita sa araw ng simbahan na Conversion of St. Paul the Apostle, ang patron ng lungsod. May mga parada, karnabal, sayawan sa kalye at palabas na nagpapakita ng kulturang Vigan at ang pinakatampok na pagdiriwang ay ang Longganiza Festival.

Tuwing Semana Santa, engrande ang prusisyon ng mga malalaking imaheng nakakarosa na pag-aari at iniingatan ng mga pamilya sa Vigan. Sa Plaza Burgos ay nagtatayo ng tiyangge na kung saan makabibili ng pagkain ang mga nakipagprusisyon. May mga tinda ring kagamitang pambukid, mga kumot abel at pinatuyong sea food. May mga turistang sumasama sa prusisyon, nakikipag-pasyon at visita iglesia.

Idinaraos ang Viva Vigan Festival of the Arts tuwing unang Linggo ng Mayo kung kailan iba’t ibang palabas pangkultura ang matutunghayan. Ito ay itinataon din sa pagdiriwang ng Tres de Mayo ng lahat ng barangay sa Vigan. Nguni’t higit na espesyal ang okasyong ito sa Barangay Pagburnayan o Pagbantayan bilang araw ng pagpaparangal kay Apo Lakay, ang imaheng kahoy ng itim na Nazareno na matatagpuan sa Vigan Municipal Cemetery Chapel o Camposanto Si Apo Lakay ay pinaniniwalaang nailigtas mula sa lumubog na barkong Kastila sa karagatan malapit sa Vigan at iniligtas naman niya ang taumbayan mula sa isang salot. Ayon sa alamat, bumigat ang imahen habang binubuhat patungong Katedral kung kaya’t doon na lamang ginawan ng kapilya sa pook kung saan naroon ito ngayon. Dinarayo ang imahen ng mga deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang kapilya ni Apo Lakay ay tulad ng mga mission churches ng Mehiko at Timog California nguni’t may simboryo domo ito Ito lamang ang simbahan sa rehiyon na may espadañang nasasabitan ng mga kampanilya. May palabas din na nagpapakita ng pagkakatagpo sa Banal na Krus ng banal na Sta. Elenang reyna at ng kanyang anak na si Constantino. Ito ay paggunita rin sa muling pag-iral ng Katolisismo sa Europa na may tangkilik ng mga monarkiya.

Ang kultura ng Vigan ay masasalamin sa sining, palaro tulad ng ramada, pagtatanghal ng Sta. Elena-Constantino, prusisyon, zarzuela o komedya, paligsahan ng kagandahan, pasayaw, parada ng kalesa, pagsasayaw ng Binatbatan, mga misa, santacruzan, abel fashion shows, exhibits, trade and food fairs at iba pang pagdiriwang sa unang Linggo ng Mayo.

Ang Setyembre 8 ay ipinagdiriwang bilang World Heritage Cities Solidarity Day. Nakikiisa ang Vigan dito sa pamamagitan ng pagsusulong sa pangangalaga ng mga pamanang arkitektural, tradisyonal at likas para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sa araw na ito ay nagtatanghal ng Repazzo de Vigan, Historia Oral , Visita Museo Ken Balbalay, Visita Museo ken Balbalay, Putajes de Ayer, Fotografias de Recuerdos, Gameng Exhibit at Cultural Show

[baguhin] Payong Panlakbay

Antiques vigan.jpg
Viga chicacorn.jpg

Maaaring maglakbay patungong Vigan sakay ng pribadong eroplano na lalapag sa Mindoro Airport, isang maliit na paliparan sa Barangay Mindoro. May plano na ang lokal na pamahalaan ng Vigan na palakihin at pagandahin ito upang maging madali at magaang ang biyahe patungo sa Vigan.

May apat na linya ng bus na bumibiyahe sa Vigan mula Maynila o Lungsod Laoag kung saan may paliparang pandaigdig. Ang pamasahe mula sa Maynila sakay ng eroplano patungong Laoag ay Php 3000 at tatagal lamang ng 70 minuto. Php 150 naman ang pamasahe sa bus mula Laoag hanggang Vigan. Mula sa Maynila ay 8 oras ang biyahe sa airconditioned bus at Php 500 pataas ang pamasahe. Kung manggagaling sa Cebu o Dumaguete, maaaring maglakbay sakay ng eroplano. Ang round trip ticket mula Cebu o Dumaguete hanggang Manila Domestic Airport sa Lungsod Pasay (sa Maynila) ay Php 4000 hanggang Php 5000. Ang pamasaheng round trip sa barko mula Cebu ay P3000 hanggang P4000.

Sa Vigan ay may dyip, traysikel at kalesa. Php 150 lamang ang pamasahe sa caleza tour. Tanging kalesa lamang ang pinahihintulutang dumaan sa mga cobblestoned na kalye ng Meztizo District. Dadalhin ang turista ng kalesa sa Kalye Crisologo kung saan maaaring mag-video o kumuha ng larawan gamit ang kamera at mamili ng souvenirs. May orihinal na antigong kasangkapan at aparador na Tsino rito. Nakabibili rin ng imitasyon ng antigo. Pagkabisita sa Arzobizpado na tanging natitirang arzobizpado mula pa noong ika-18 na dantaon ay maaaring maglakad-lakad sa Plaza Burgos habang tinatanaw ang lumang kampanaryo ng Katedral San Pablo at bumili ng bagong lutong okoy o empanada. Halagang Php 25 lamang ang empanada sa kahit saang tindahan nito sa plaza.

Lahat ng kainan sa Vigan ay nag-aalok ng specialty na Vigan longganisa, malutong na bagnet, pinakbet at ng dinengdeng bukod pa sa iba’t ibang klaseng lutuin na mapagpipilian nang ayon sa panlasa. Makabibili sa palengke ng minatamis na pagkaing lokal tulad ng dila-dila, sinambong, patupat, sinuman, puto at duldol. Sa Barangay San Jose nanggagaling ang marami sa mga kakaning ito. Ang chichacorn na uri ng sitsirya ay mabibili rin sa mga tindahan sa lungsod. Kung nais ng fastfood ay maraming sangay ng kilalang fastfood chains sa lungsod.

Maaaring umupa ng silid sa isang matandang bahay (mula pa noong ika-16 na siglo) na ginawang otel at matulog sa isang antigong kamang may apat na poste at taklob o matulog sa isang lumang kariton na ginawang kama. Sa halagang Php 1000 ay maaari nang umupa ng airconditioned na double bedroom na may cable TV, sariling banyo at palikuran. Mayroon ding mga silid na mayroon nang 24/7 wifi access at DVD players. Maaaring tumaas pa ang halaga ng upa depende sa mga features na mayroon ang silid na uupahan at kung peak season tulad ng Semana Santa at Kapaskuhan, tumataas din ang upa ng silid sa Vigan.

Isa sa naging kilalang panauhin ng lungsod ay ang Hollywood actor na si Tom Cruise. Sa Villa Angela, isang lumang bahay na ginawang otel, nanuluyan ang aktor at iba pang artistang kasama niya tulad ni Willem Dafoe habang ginagawa ang pelikulang Born on the Fourth of July sa pagtatapos ng dekada otsenta.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.