Lubi-lubi Festival

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

thumb|right|250 px|Mga makukulay na maskarang gawa sa niyog

Ang Lubi-Lubi Festival o kilala din bilang Lubi-lubi ay isang pagdiriwang sa Glan, ang pinakamatandang bayan ng lalawigan ng Sarangani ,Mindanao. Ito ay ginaganap taun-taon sa tuwing sasapit ang ika-8 ng Oktubre bilang pagpupugay sa kanilang patron na si Sta. Catalina de Alexandria. Ito rin ay pasasalamat sa masaganang produkto ng niyog sa naturang lugar, at isang pagpapatunay na hindi lamang kopra ang maaaring makuha sa bunga ng niyog.

Mga nilalaman

Kasaysayan

Isa ang Saranggani sa pinakamadalas puntahan ng mga turista dahil sa maganda at malinis nitong karagatan at masaganang palaisadaan. Ang Glan ay isa sa mga bayan ng Saranggani kung saan matatagpuan ang magagandang dagat na may mapuputing buhangin tulad ng Gumasa, Baliton at Margus. Ang mga anyong-lupa na matatagpuan sa lugar na ito ay kadalasang burol, bukirin at kapatagan. Sa Silangan ng Glan matatagpuan ang Davao del Sur, sa Hilaga nito ay ang bayan ng Malapatan, sa Timog ay ang Saranggani samantalang ang nasa Kanluran naman ay ang South China Sea.

Bago pa man dumating ang mga espanyol, naninirahan na ang grupo ng mga B'laans, Manobos, Bagobos, Tagacaolos at Tagabelles sa nasabing lugar. Sa tabing dagat ay naroon ang mga Sangils. Pagdating ng mga Tsino at Arabo, nabuo ang daungan ng mga kalakal sa Glan at sa buong baybayin ng Sarangani. Noong ika-14 siglo, dumating ang mga Muslim at ipinakilala ang relihiyong Islam. Naunang bininyagan ang mga Sangils hanggang sa dumami ang mga Muslim sa lugar.

Pagdating ng mga espanyol, sa paglalayag ni Ruy Lopez de Villabos, nauna siyang napadpad sa isla ng Mindanao at dumaong sa Saranggani Bay. Sa kanyang paghahanap ng mga pangangailangan ng naturang lugar, bininyagan niya ang mga naroroon sa ngalan ng Kristiyanismo. Ito ang nagpatibay sa kasaysayan ng Glan bilang sentro ng lugar sa bungad ng Saranggani Bay.

Nang dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas, inatasan ni Heneral Francis Burton Harrison si Don Tranquilino Ruiz ng Alegria, Cebu bilang tagapangasiwa ng Agricultural Colony No. 9 noong 1914. Ang Colony No. 9 ay isang kolonyang agrikultural sa kalakhang Mindanao na iniatas sa Batas Kolonisasyon ni Sergio Osmeña Sr. Dumating ang mga unang 16 Cebuano sa Glan noong ika-18 ng Oktubre, taong 1914. Dumating naman ang pangalawang lupon noong ika-10 ng Marso, taong 1915. Hinawan nila ang lugar, at tinamnam ng maraming mais at niyog. Hanggang sa kasalukuyan ay niyog pa rin ang pangunahing pananim ng mga naninirahan dito.

Pagdiriwang

Bilang pasasalamat, ipinagdiriwang ang lubi-lubi festival sa pamamagitan ng pagsasayaw sa mga kalsada na suot-suot ang mga malikhain at makukulay na damit na gawa sa lubi, ang terminong Cebuano na katumbas ay niyog. Mayroon ding iba’t ibang mga patimpalak, parada ng mga banda, sayawan, kainan, at iba pang mga kasiyahan. Binibigyang halaga sa nasabing pagdiriwang ang kasaganaan ng niyog at ang iba’t ibang gamit nito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga taga-Glan.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.