Lope K. Santos

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Si G. Lope K. Santos

Si Lope K. Santos ay isa sa mga dakilang manunulat sa wikang Tagalog. Siya ay nobelista, makata, abogado, kritiko, lider obrero, at itinuturing na “Ama ng Pambansang Wika at Balarila.” Si Santos ay isinilang sa Pasig, dating sakop ng Rizal, noong 25 Setyembre 1879. Namatay si Santos noong 1 Mayo 1963. Si Santos ay supling nina Ladislao Santos na tubong Pasig at Victoria Canseco na tubong San Mateo, Rizal. Noong 10 Pebrero 1900, ikinasal si L.K. Santos kay Simeona Salazar na nagbigay sa kaniya ng limang supling.

Pinalitan ni Santos ang unang titik ng kaniyang panggitnang pangalan upang aniya'y isunod sa bigkas ng Tagalog o Filipino.

Mga nilalaman

Edukasyon

Nag-aral si L.K. Santos sa Escuela Normal Superior de Maestros at Escuela de Derecho, at nakamit ang Batsiler sa Sining sa Colegio Filipino.

Mga Akda

Kabilang sa mga akda ni Santos ang Ang Pangginggera at Banaag at Sikat na pawang inilathalang muli ng Unibersidad ng Pilipinas Press para sa bagong henerasyon ng mambabasa. Ang kaniyang mga tula, nobela, kuwento, sanaysay, at kritika ay lumabas din sa mga pahayagan at magasing pinamatnugutan niya, gaya ng Muling Pagsilang, Ang Mithi, Lipang Kalabaw, at Sampaguita. Naging manunulat si L.K. Santos sa Renacimiento Filipino na pumalit sa dating El Renacimiento na wikang Espanyol ang ginagamit.

Ang kaniyang Balarila ng Wikang Pambansa, na kauna-unahang aklat hinggil sa wikang Tagalog na sinulat ng isang manunulat na Tagalog, ay naging sanggunian ng mga pag-aaral at pagpapaunlad ng wikang Filipino.

Karera sa politika

Nahalal at nagsilbing gobernador si Santos sa lalawigan ng Rizal noong 1910–1913 at sa Nueva Vizcaya noong 1918–1920. Nahalal siyang senador noong 1921 at naging direktor ng Institute of National Language [Kawanihan ng Wikang Pambansa] noong 1941–1945. Kasama siyang pundador ng Congreso Obrero de Filipinas at naging pangulo ng Unión del Trabajo de Filipinos. Bilang mambabatas, siya ang kumatha ng batas hinggil sa Araw ni Bonifacio upang pagpugayan ang dakilang Tagalog na naghasik ng himagsikan laban sa mga mananakop na Kastila. Sinikap din niyang pagbuklurin ang mga tribung minorya nang mabawasan ang karahasang laganap noon.

Parangal

Pinarangalang “Paham ng Wika” at “Haligi ng Panitikang Filipino” si L.K Santos, dahil sa kaniyang malaking ambag sa paglinang ng wikang Tagalog at pagsusulat ng sari-saring uri ng panitikan.

Sanggunian

  1. Almario, Virgilio S. Filway's Philippine Almanac. Quezon City: Children's Communication Center at Filway Marketing Inc. 1991.
  2. LOPE K. SANTOS (1879 - 1963)


"Ang akdang ito ay katiting [stub]. Tumulong sa Wikifilipino at palawakin pa ito !"

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.