Lipang Kalabaw

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Lipang kalabaw.jpg

Kung nais mabasa ang artikulong ito sa wikang Ingles, pindutin ang Lipang Kalabaw.

Ang Lipang Kalabaw ay isang lingguhang magasing Tagalog na nailathala sa Pilipinas sa tatlong magkakaibang panahon: 1907-1909, 1922-1924, 1947-1948. Ang magasing ito ay gumamit ng mga satiriko o politikal na larawang editoryal na tumutuligsa sa mga masasamang gawi ng mga Pilipino at Amerikano, gaya ng kanilang mga bisyo, mga anomalya sa gobyerno at mga kabulukan sa lipunan.

Kasama ang isa pang publikasyon na tinawag na “Telembang”, ang mga politikal na larawan sa mga magasing ito ay naging daan upang maipahayag ang ilang komentaryo sa panahong naging mahigpit ang mga mananakop sa ilang mga polisiya hinggil sa pagpapakita ng nasyonalismo.

Kasaysayan

Ang magasin ay pag-aari ng editor din nito na si Lope K. Santos. Ang Lipang Kalabaw ay tumatalakay sa mga isyu ng politika, lipunan at kultura. Naging kontrobersyal ang magasing ito dahil sa mga karikatura ng mga kilalang personalidad ng panahong iyon. Ayon sa mga mananalaysay ng sining, ang mga karikaturang ito ay iginuhit ni Jorhe Pineda. Tumigil ang operasyon ng magasin noong 1909 dahil sa mga reklamo ng mga opisyal ng pamahalaan na parati nitong tinutuligsa.

Noong 1922, muling binuhay ni Lope K. Santos ang magasin at tinawag itong “Bagong Lipang Kalabaw” na may taguring “Gamot sa Magagalitin at Nalulungkot". Isa itong posibleng paraan ni Santos upang huwag madala ang malas na nanggaling sa unang Lipang Kalabaw. Maaari ring isa itong paraan upang itago ang tunay na layunin ng magasin: na muli ay ilabas ang mga mali ng gobyerno.

Ilang mga panunuya laban kay Gobernador Leonard Wood and nailathala sa mga huling isyu ng magasin. Hindi tulad ng sinundan niyang si Gobernador Harrison, si Gobernador Wood ay hindi popular sa mga Pilipino dahil sa kanyang militar na pinagmulan at hindi pagtitiwala ng ilang pinuno tulad ni Quezon at Osmeña.

Regular na nailathala ang mga karikatura ni Gobernador Wood sa magasin. Kaya naman pinaghinalaan na ang magasin ay tinutulungan at pinopondohan ng mga kalaban ng gobernador, partikular na sina Quezon at Osmeña. Pinupuna din ng magasin ang ilang Pilipino na kakampi ng gobernador, tulad ni Eulogio Rodriguez.

Ang mithiing makamit ang kalayaan ng Pilipinas ay isa rin sa mga naging tema ng magasin, partikular na ang mga misyon nina Quezon at Osmeña para sa kalayaan na laging nailalathala sa unahang pahina. Ang Cabinet Crisis noong 1923 ay ang rurok ng pakikipaglaban ng magasin kay Gobernador Wood.

Isang komiks na nailathala sa Bagong Lipang Kalabaw ay may titulong “Ganito Pala sa Maynila”. Kuwento ito tungkol kay Uma, isang probinsyanong ipinadala ng magulang sa Maynila upang mag-aral sa kolehiyo, subali't pagdating nito sa Maynila ay kung anu-anong kamalasan ang naranasan. Isinulat ito mismo ni Lope K. Santos at si Fernando Amorsolo naman ang nagsilbing dibuhista nito.

Noong 1924, ipinasara ang Bagong Lipang Kalabaw dahil sa kasong libelo na isinampa laban dito na may kinalaman sa Philippine National Bank scandal.

Noong 1947, muling binuhay ang Lipang Kalabaw. Ngunit ang bagong serye ay nagkulang sa katatawanan, hindi katulad ng mga naunang serye. Nawala rin ang mga magagaling na dibuhista na siyang nagbigay ng titulo noon sa magasin bilang pinakamahusay na ilustradong magasin sa Pilipinas.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.