Lakandula

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Nobela ni Alberto Segismundo Cruz, ang Lakandula (1946) ay hinggil sa transpormasyon ng pamayanan mulang kadakilaan tungong kabulukan, at kung paanong bumangon ang mga tao upang baguhin ang gayong abang kondisyon. Inilahad sa nobela ang Lakandula, na dating makasaysayang pook at maringal, at naghunos na bulok at marahas na pook para sa mga residente roon. Ipinakilala sa istorya si Amelia, ang pamangkin ni Donya Mercedes, at isinaad kung paano nahulog ang kaniyang loob kay Angel, na kinakapatid ni Tindeng.

Matalino at matipuno si Angel, at namumukod tangi sa mga paligsahan sa Unibersidad ng Pilipinas. Napaibig si Angel kay Amelia, ngunit napilit siyang pakasalan si Tindeng. Namuhay nang sagana si Angel, at nagumon sa bisyo at naglustay ng salapi, hanggang layasan ang pamilya. Samantala, nagkawanggawa naman si Amelia, at sinikap nitong paunlarin ang maralitang pook na hitik sa sugalan, inuman, at iba pang bisyo.

Makaraan ang anim na taon, muling magkikita sina Angel at Amelia dahil mahuhuli si Nestor na anak ni Angel na nagnanakaw sa palengke. Lalahok pagkaraan sa halalan si Angel, ngunit tutuligsain siya ni Amelia at ang malaganap na kasamaan sa pamayanan. Matatalo si Angel at magtutungo kung saan. Nang pumutok ang Digmaan sa Pasipiko, bumuo ng pangkat ng mga gerilya si Angel na pawang nagpakita ng katapangan at kabayanihan. Ganap na bumuti ang loob ni Angel, at nang magbalik sa Lakandula ay pinakasalan si Amelia matapos mamatay si Tindeng.

[baguhin] Sanggunian

  • Cruz, Alberto Segimundo. Lakandula, na nalathala noong 1946.

[baguhin] Panlabas na Kawing

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.