Komedya

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Komedya ay isang dulang patalata (karaniwang binubuo ng octosyllabic o dodecasyllabic na quatrain), na gumagamit ng nakaugaliang marcha para sa pagpasok at pag-alis sa entablado, batalla o labanan na may koreograpiya, at magia o mga mahihiwagang epekto sa palabas. Ito ay kadalasang itinatanghal ng dalawa hanggang tatlong araw upang ipagdiwang ang pyesta ng patron ng baryo.

Ito ay nagmula sa comedia ng Espanyol noong ika-16 na siglo. Ang lokal na komedya ay unang lumabas sa Latin at Espanyol sa Cebu noong 1598.


Mga nilalaman

[baguhin] Uri ng Komedya

Sa kasalukuyan, mahahati ang komedya sa dalawang uri. Una, ay ang komedya de santo, na sumesentro sa buhay ng mga santo, tulad ng Comedia de San Miguel sa lungsod ng Iligan; o kaya naman ay tungkol sa mga himalang dala ng mga santo tulad ng Haybing sa Taal, Batangas; at tungkol sa mga yugto ng buhay ng mga santo tulad ni Kristo sa comedia de misterio ng Paete, Laguna.

Ang ikalawang naman ay ang mas sekular na uri ng komedya na tinatawag na kumidya, moro-moro, linambay, colloquio, araquio, tibag at minoros. Ang uring ito ay tungkol sa mga labanan ng mga kaharian ng Kristiyano sa Europa tulad ng Pransya, Espanya, Italya, Alemanya, atbp; o sa buhay at pag-ibig ng mga dakilang Muslim at Kristiyanong karakter tulad ng Don Alejandre y Don Luis at Orosman at Zafira.


[baguhin] Paksa o Tema

Ang komedya de santo ay maaaring humalaw ng mga istorya mula sa awit at korido na nagsasalaysay ng buhay ng mga santo, o mula sa mga talambuhay ng mga santo na pinasikat ng mga libro o ng mga sermon, o kaya naman ay mula sa mga kwentong himala na sinasabing dulot ng mga santo.

Sa kabilang banda, ang ibang mga komedya ay kumukuha karamihan ng mga istorya, karakter at mga linya mula sa mga awit at korido mula sa mga medieval na kaharian, na inilimbag bilang libritos (pamphlets).

Sa mga dekada pagkatapos ng WWII, ang komedya ay nagsimulang maimpluwensiyahan maging ng mga palabas sa sine at mga tanyag na magasin.


[baguhin] Mga Tauhan

[baguhin] Mga Kristyano

Ang mga tauhan ng komedya na nabibilang sa kaharian ng mga Kristiyano, tulad ng Espanya, Portugal, Alemanya, Italya, Pransiya at Albania ay ang: rey (hari), reina (reyna), prinsesa, prinsipe, consejero, general at soldado o sundalo.

[baguhin] Mga Moro

Ang mga tauhan naman na nabibilang sa kaharian ng mga Moro ay ang: sultan, visir, emir, prinsesa, general at soldado.


Ang iba pang mga tauhan ay ang pusong o locayo na nagpapatawa sa mga manonood, ang villanos o ang mga taga-nayon, pastores o ang mga pastol, at ang gigante o higante.


[baguhin] Pananamit

Ang kasuotan sa komedya ay karaniwang gawa sa mga mamahaling materyales tulad ng velvet at satin. Ito rin ay napapalamutian ng mga burda, sequins, aboloryo, balahibo at pakpak ng ibon. Ang gayak ng bawat tauhan ay nakatutulong upang mailabas ang ideyolohokal na mensahe ng komedya. Kung kaya, ang mga Kristiyano ay kadalasang nakasuot ng itim o ng mga mapapanglaw na kulay tulad ng berde at asul, habang ang mga Moro naman ay nakadamit ng pula o kahel.

Ang bawat tauhan din ay may bukod-tanging kasuotan. Tulad ng hari, siya lamang ang nagsusuot ng mahabang kapa at korona; ang reyna naman ay may kapa rin at tiara; ang prinsipe ay may isang maliit na kapa at sumbrero na may tatlong sulok na tinatawag na trespiscos; ang mga sundalo naman ay may mga malilit na kapa at maliliit na sumbrero.


[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


[baguhin] Sanggunian

  • 101 Filipino Icons. Quezon City: Adarna House Inc., 2007.
  • CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol VII. Philippine Theater. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.