Kasaysayan ng Musika

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Nota

Ang musika ay may iba't ibang pakahulugan sa tao kaya hindi ito maipaliwanag ng lubusan.Ito ay sinasabing relatibo at subhektibo. Ang musika para sa isa ay maaaring walang katuturan sa ibang tao. Bagamat ganito, sinasabing ang musika ay para sa lahat at saan man lumalop ng mundo, ang mga taong may iba't ibang kultura ay may itinuturing na sariling musika. Sa kasaysayan, ang pag-usbong ng musika ay may anim na yugto: Medieval, Renaissance, Baroque, Classical, Romantic, at Contemporary. Sa bawat yugto ang musika ay may natatanging karakter.

Mga nilalaman

[baguhin] Panahong Medieval (0-1400 A.D.)

Ito ang pinakamatagal at kaduluduluhan na yugto sa kasaysayan ng musika at kung saan masasabi na nagsimulang umusbong ito. Ang Gregorian chant na hinango ni St. Gregory ang naging basehan sa pagtatala ng mga chants na nilikha at inawit noong unang panahon ng simbahang Kristiyano.

[baguhin] Melodiya

Sa chant naipaghambing ang tatlong uri ng melodiya: syllabic, neumatic, at melismatic. Ang syllabic mayroon lamang isang nota sa isang pantig; sa neumatic may maliliit na grupo ng nota bawat pantig; at sa melismatic naman ay may mas maraming nota katumbas ang isang pantig.

[baguhin] Ritmo

St. Augustine

Ang ritmo ng musika ay malaya at mabagal ang tiyempo. Walang nakatakdang porma ang musika, maging ang harmoniya ay walang kord. Ang melodiya ay may puwang sa pagitan ng nota. Ang tekstura ay “manipis,” hindi gaanong nagbabago, at monophonic (iisang tunog lamang).

[baguhin] Kompositor

Ang ilang kilalang kompositor sa panahong ito ay sina Pope Gregory, St. Augustine, Perotin, John Dunstable, at Guillaume Dufay.

[baguhin] Panahon ng Renaissance (1400-1600 A.D.)

Ang katawagan sa yugtong ito sa kasaysayan ng musika ay “Ars Nova” (New Art). Kung sa panahon ng Medieval ay nabigyang diin ang sagradong musika, sa Renaissance naman naisipang palawigin ang anyo nito kung saan mas expresibo ang dating ng musika. Ang pagpapahalaga sa individualism ang naging inspirasyon ng mga kompositor upang maging personal at natatangi ang istilo nito. Sa panahong ito naging mahalagang bahagi na rin ang pagkanta ng mga kababaihan kasabay na ang paggamit ng mga instrumetong keyboard.

[baguhin] Tekstura at Harmoniya

Ang tekstura ng musika ay umiikot sa pagiging “makapal” ng kaunti, polyphonic, o homophonic. Kapag polyphonic, mahigit sa isang tunog o boses ang maririnig habang ang homophonic ay may magkakaparehong boses at ritmo lamang. Ang harmoniya ay ugnay sa pagsasalin ng melodiya at maaaring may anyong perpektong octave, fifths, o fourths.

[baguhin] Ritmo at Melodiya

Ang ritmo ay may metro at maraming syncopation. Syncopation ang nangyayari kung ang mahinang palo sa komposisyon ay binabago upang maging malakas. Ang melodiya ay binubuo ng maraming nota at may mas malawak na pagitan at saklaw. May mga uri ng imitasyon ng melodiya: transposition, cannon, augmentation, diminution, retrograde, inversion, at retrograde inversion.

[baguhin] Anyo

Ang musika ay karaniwang ginagamit sa pagsamba sa misa (sagrado). Nahahati sa pito ang bahagi ng misa at nilalapatan ng musika ang bawat bahagi. Ang motet at hymn ay mga uri ng sagradong anyo at ang anyong madrigal ay polyphonic.

[baguhin] Kompositor

Sina Andrea Gabrielli, Gesualdo, Orlando Gibbons, Josquin Desprez, Monteverdi, at Palestrina ang ilan sa mga may mahahalagang kontribusyon sa panahong ito.

[baguhin] Panahon ng Baroque (1600-1750 A.D.)

Ang musika sa panahong ito ay mayaman sa tekstura kaysa sa naunang dalawang yugto. Mayaman dahil nalapatan na ito ng emosyon kung kaya nakilala ang opera na sinasabayan ng musika ang tula, teatro, at sining biswal. Ang Orfeo ni Claudio Monteverdi ang naging unang opera.

Ang strings, double reeds, flute, harpsichord, horn, percussion, trumpet, string bass, at clarinet ang naging mga pangunahing instrumento.

[baguhin] Tekstura at Harmoniya

Ang tekstura ay pinaghalong makapal at manipis na pabagobago at kadalasang polyphonic. Ang harmoniya ay tinawag na triad at sinamahan na ng major at minor. May tinatawag rin na chord progressions at napakilala ang 7th chords (major, minor, dominant, half-diminished, fully diminished).

[baguhin] Anyo

[baguhin] Fugue

Pinakanagamit na anyo, may istruktura, at ang melodiya ay iisa. Unang bahagi ay ang exposition na nagsisimula sa umpisa hanggang lahat ng boses ay matapos ang melodiya. Sumunod ang bahaging development na pagpapalagom sa melodiya. May unang boses na papasok matapos ang pagkanta at kapag magkasabay, isa na itong tinatawag na streto.

[baguhin] Toccata

Ito ay ginagamit sa pambungad na awitin at sinasabayan ng piano o harpsichord. Ang ritmo nito ay iregular.

[baguhin] Suite

Isa itong koleksiyon ng dance music, may tema at variation, at may iisang melodiya na tinutogtog sa iba’t ibang pamamaraan.

[baguhin] Solo Concerto

May nag-iisang instrumento na sinasabayan ng orkestra. Sumusunod ito sa tatlong galaw (mabilis, mabagal, mabilis) at may mag-isang aawit sa huli matapos ang pagtugtog ng orkestra.

[baguhin] Concerto Grosso

Ito ay tanyag sa pagsisimula ng Baroque na may nagkakasabay-sabay na isang grupo ng instrumento.

[baguhin] Fantasia

Dito ay may isang tema na may kasamang imitasyon.

[baguhin] Ritmo at Melodiya

Ang melodiya ay mas maikli kung ihahambing sa Renaissance at may major at minor. Ang ritmo ay mas mahirap, may 16th at 32nd nota at pabago-bago ang tiyempo.

[baguhin] Kompositor

Johann Sebastian Bach

Ang kilalang kompositor sa panahong ito ay sina Johann Sebastian Bach, Georg Philipp Telemann, Domenico Scarlatti, Heinrich Schutz, at Archangelo Corelli.

[baguhin] Panahon ng Klasikal (1750-1800 A.D.)

Ang bahaging ito ay pinagsamang sining at pilosopiya ng sinaunang Greece at Rome. Kasama sa pilosopiyang ito ay ang pagkakaroon ng balance, proporsyon, at disiplinadong expresyon. Simple ang umiral na tekstura ng musika sa panahong ito. Ang orkestra ay binubuo ng 50 katao at mas naging tanyag ang opera na sinasabing nagbigay daan sa pagkakaroon naman ng musicals.Ang musika ay binabagay sa mga nasa gitnang-uri ng tao.

[baguhin] Tekstura at Harmoniya

Ang tekstura ng musika ay malinaw at kadalasan ay homophonic na may kasamang melodiya at accompaniment. Ang harmoniya ay ginagamitan ng tonal system, mabagal, may triads, at 7th chords.

[baguhin] Melodiya at Ritmo

Ang melodiya ay mas lyrical kaysa sa Baroque at may four bar and eight bar phrases. May istilong tanong at sagot at simple lamang ang ritmo at syncopation. Ang tiyempo ng musika ay pabago-bago.

[baguhin] Kompositor

Beethoven

Sina Ludwig van Beethoven, Wolfgang Amadeus Mozart, Franz Josef Haydn, at Johann Christian Back ang iilang tanyag na kompositor sa panahong ito.

[baguhin] Anyo

  • Sonata (allegro, adagio, scherzo/minuet, allegro)
  • Symphony
  • Overture
  • Chamber music
  • Solo concerto

[baguhin] Panahon ng Romantiko (1800-1900 A.D.)

Ang mahalagang katangian ng panahong ito ay ang paggamit ng kulay ng tono sa musika. Maaaring ito ay melodic o harmonic. Kapag kulay ang pinag-uusapan, tumutukoy ito sa orchestration o instrumentation ng piyesa. Mahalaga rin sa panahong ito nakilala ang musical story-telling. Ang nasyonalismo at pagkakakilanlan ang naging tema ng musika.

[baguhin] Tekstura at Harmoniya

Ang tekstura ng musika sa panahong ito ay karaniwang homophonic, maraming pagbabago-bago at emosyonal. Ginagamitan ito ng 7th, 9th, 11th, at 13th kordo.

[baguhin] Ritmo at Melodiya

Ang ritmo ay mas naging iregular at kumplikado. Ang melodiya ay may iskalang buo ang tono at mas malawak ang sakop o range.

[baguhin] Anyo

Ang musika ay ginamitan ng symphonies. Ang rhapsody at ballet music ay naging popular. May anyo ring tone poem kung saan ang musika ay hango sa literatura.

[baguhin] Kompositor

Sina Anton Bruckner, Richard Wagner, Franz Schubert, Guiseppe Verdi, Johannes Brahms, Peter Tchaikovsky, at Nicolai Rimsky-Korsakov ang ilan sa kinilala sa panahong ito.

[baguhin] Sanggunian

History of Music (hinango noong Hulyo 16, 2008)

Music History 101 (hinango noong Hulyo 16, 2008)

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.