Kasaysayan ng Magkaibigang Nena at Neneng

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Nobela ni Valeriano Hernandez-Peña ang Kasaysayan ng Magkaibigang Nena at Neneng na unang nalathala noong 1903 sa pahayagang Muling Pagsilang. Sumikat ang nasabing nobela, at isinaaklat noong 1905, saka muling inilimbag noong 1911, 1948, at 1971. Si Peña, ayon sa kritikong si Soledad S. Reyes, ang kinilalang “Ama ng Nobelang Tagalog.”

Inilahad sa nobela ang naging buhay at paglago nina Nena at Neneng, na kapuwa sinubok ng tadhana ang kanilang pagkakaibigan. Nagkaroon ng kasintahan ang dalawang dalaga, ngunit nang magpakasal na'y magkataliwas ang naging bunga ng pagsasama. Pumanatag at umangat si Nena sa piling ni Deogracias, samantalang naunsiyami si Neneng sa banang si Narciso na ang pagkaseloso'y humahangga sa kawalan ng bait. Inakala ni Narciso na nagtaksil sa kaniya si Neneng, kaya nilayasan ang asawa. Nang magbalik siya sa tahanan ay nabatid na yumao na si Neneng dahil sa sukdulang pagkasiphayo sa pag-ibig.

Tampok din sa nobela ang istorya ng malungkot na buhay ni Chayong, na ginahasa at ang puri’y inilugso ni Miguel. Sugapa sa sugal si Miguel, bukod sa sinungaling, at nabilanggo dahil sa kasamaan hanggang mabulok saka namatay sa bilibid.

Pinatitining ng nasabing nobela ang ilang tema, gaya ng katapatan sa sinumpaan, pagpapahalaga sa puri, pagkakaibigan, at pagtitimpi—na ayon kay Reyes ay pawang gagamitin din ng susunod na henerasyon ng mga nobelista.

[baguhin] Sanggunian

Peña, Valeriano Hernandez. Kasaysayan ng Magkaibigang Nena at Neneng na isinerye ng Muling Pagsilang, 1903.

[baguhin] Panlabas na Kawing

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.