Kasalan Pinoy Style

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Kasalan Pinoy Style ay hindi pa rin nawawala sa mga Filipino gaano man kamoderno ang panahon ngayon. Ang pagsunod sa mga lumang kaugalian at paniniwala hinggil sa pagdaraos ng kasal ay isang nakamulatan nang kaugalian at tradisyon na patuloy pa ring sinusunod kahit pa niluma na ng panahon.

Mga nilalaman

[baguhin] Rehiyon ng Ilocos

Ang pakikipagkasundo na namamagitan sa mga magulang para sa kanilang mga anak ay isa sa mga matatandang kaugalian sa Ilocos.Ito ang tinatawag na child bethrotal. Hindi matutuloy ang kasunduang ito kapag may namatay sa ipinagkasundo at kung ang dalawang pamilya ay nagkaroon ng alitan.

[baguhin] Dote

Talaksan:Money dance.jpg
Pagsasabit ng Pera sa Ikinakasal

Matapos ang kumpirmasyon nang pagpapakasal, ang magkabilang partido ay nararapat na maghati para sa gagastusin sa kasal. Kinakailangang magbigay ng kalabaw ang lalaki (kung siya ay mayaman),limang ulo ng baboy na tumitimbang ng 100 kilos bawat isa, maraming bilang ng manok, kambing, at baboy upang litsunin, at dalawang kaban ng malinis na bigas. Ang susunod na dapat ayusin ng mga ikakasal ay ang sab-ong(dowry) na kinabibilangan ng mga sumusunod: kapiraso ng lupang sinasaka,isang hayop na pantrabaho gaya ng baka o kalabaw, isang bagong bagong bahay na gawa sa kawayan, kugon, at kahoy, mga alahas at ang halaga ng Namasusuan.

Ang Namasusuan ay ang danyos o pabuya na ibinibigay sa ina ng babaing ikakasal. Karaniwan ng nagkakahalaga ito ng limang libong piso (5,000.00). Ang damit pangkasal ay sasagutin din ng partido ng lalaki na mapapangasawa ng babae. Ang mga Ilocano ay naniniwala sa signos ng mga bituin (zodiac)kaya sila ay mahilig na kumunsulta sa kalendaryo na may pangalan ng mga santo, pari, at obispo.Pinakamainam na araw nang pagpapakasal ay may petsang 16, 22, 24, at 28 ng alinmang buwan maliban sa Pebrero at kung ang petsa ay sumasabay sa kabilugan ng buwan o bago pa maging bilog ito.

[baguhin] Preparasyon

Tatlong araw bago ang kasalan, ang tahanan ng babaing ikakasal ay inaayos at pinagagandang mabuti. Itinatayo ang Ramada o Pala-pala(lugar kung saan may lilim) sa isang bahagi ng maluwang na bakuran. Ito rin ang lugar kung saan idaraos ang sayawan matapos ang kasalan. Magtatayo rin ng isang pansamantalang kusina at lahat ng gagamiting kasangkapan at kubyertos ay kinakailangang hiniram lamang, kabilang na ang uupahang sasakyan ng mga ikakasal mula sa kanilang kamag-anak o kaibigan.

Pagkatapos ng seremonyas,,pumapanhik ang mga bagong kasal nang magkasabay sa kanilang magiging tirahan nang may hawak na kandilang may sindi.Kung mauunang humakbang ang babae, sinasabing ang kanyang asawa ay magiging hawak niya sa leeg. Hindi maaaaring mamatay ang sindi ng kandila dahil kung ang kandila ng lalaki ay mahihipan ng hangin at mamamatay, siya ang mauunang bawian ng buhay. Sabay silang luluhod sa isang ginawang altar sa sala kung saan umaawit ang mga matatandang kababaihan ng Te Deum, Laudamus at Salve Regina.

[baguhin] Kaugalian

Ang kasalan sa Santa Lucia ay nagsasagawa ng Tagnawa (bayanihan). Tutulong ang mga kamag-anak at kaibigan upang kung sila naman ang ikakasal ay may pagpapakita rin ng ganitong pagganti. Sa entrada ng tahanan ng lalaking ikinasal ay may nakabiting Baki o mga basket na puno ng kinusot na abo ng kawayan. Pagpasok ng bagong kasal at ng hanay ng mga alalay ay may nakatoka na upang gupitin ang lubid at sabay na liligwak ang abo ng baki.

Pagsapit ng gabi,isang malaking sayawan ang magaganap at idaraos ang Parwad o ang pagsasabit ng perang papel sa damit ng mga ikinasal habang sila ay nagsasayaw. Ang salaping makukulekta ay unang "ipon" ng mag-asawa upang pagsimulan nila nang maayos na buhay. Kung hindi makakayanan ng lalaking magpapakasal ang lahat ng preparasyong nabanggit, isa lamang ang maaring maging solusyon- ang pagtatanan. Subalit iniiwasang mangyari ito alang-alang sa delicadesa.

[baguhin] Ifugao, Mountain Province

Ang kakaibang kaugaliang ito sa Northern Mountain tribes ay kilala rin sa katawagang Ebgan(kalinga) o Pangis(Tingguian)na nagaganap saThe Bethrotal House. Para sa mga Igorot, noon pa man ay nakagawian na nila ang live in o trial marriage, mga pagsubok na pagdadaanan bago pa man ang aktuwal na pagpapakasal. May mga Olog o Agamang(communal house)ang bawat baryo ng mga Igorot kung saan natutulog ang mga kababaihan. Ato naman ang lugar na tinutulugan ng mga kalalakihan . Ito ay tila isang bahay na yari sa Nipa na may iisang lagusan. Sa Olog naninirahan ang mga kadalagahan kung saan dito rin sila dinadalaw ng kanilang mga manliligaw. Dito nagaganap ang Ca-i-sing, ang unang estado ng pagliligawan na mahigpit na binabantayan ng mga namumuno sa Olog. Kapag dumating ang sandaling nagkakagustuhan na ang dalaga at binata ay maari na silang magtabi sa pagtulog sa loob ng Olog. Subalit hindi pa sila maaaring magpakasal hangga't hindi pa nagdadalang-tao ang babae.Ang pagbubuntis ng babae ang siyang senyales na maaari na silang magpakasal ng lalaking kanyang iniirog.

[baguhin] Bicol

Ang kaugalian ng paninilbihan ay sinusunod pa rin sa rehiyon ng Bicol. Tinatawag itong Manugang System Sa oras na nagkasundo ang partido ng lalaki at ng babaing nais niyang makaisang-dibdib, sinisimulan na agad ang paninilbihan. Ang lalaki ay tumutulong sa bukid at sa mga gawaing bahay upang patunayan ang wagas niyang pagmamahal. Nagkukumpuni siya ng mga nasisirang bahagi sa bahay, naghuhugas ng mga plato, nagsisibak at nag-iigib. Depende sa kanilang napagkasunduan kung hanggang kailan maglilingkod ang lalaki sa kanyang pinakamamahal.

[baguhin] Rehiyon ng Batangas

May isang kakatwang kaugalian ang mga taga-Batangas bago sumapit ang araw ng kasalan.Ang buong partido ng lalaki kabilang na ang kanyang mga magulang, kamag-anak, mga abay, ninong, ninang, at iba pang may kinalaman sa naturang kasalan ay nagpuprusisyon papunta sa bahay ng babaeng ikakasal. Dala nila lahat ang mga sangkap at rekado na gagamitin para sa handaan- mula sa mga baka, manok, gulay at bigas hanggang sa sawsawan ay bitbit nila sa naturang prusisyon. Pagkatapos ng seremonyas ng kasal sa simbahan, sinasalubong ang mga bagong kasal sa pamamagitan ng pagsasaboy sa kanila ng mga pera at bulaklak. Sa handaan, nilalagyan ng minatamis ang bibig ng mga bagong kasal at ipapasa sa mga ninang at ninong ang unang pagkain na isinilbi para sa kanila.Matapos kumain, ang bagong kasal na babae ay mag-iikot upang mamigay ng sigarilyo sa mga matatanda. Matapos kumain ng lahat, uupo ang mga bagong kasal sa magkabilang dulo ng mesa kung saan may tig-isang plato na puno ng sigarilyo. Maglalagay ng pera sa plato ng babae ang partido ng lalaki at gayundin naman ang partido ng babae na maglalagay ng pera sa plato ng lalaki.

Ibibigay lahat ng lalaki sa kanyang asawa ang perang nakalagay sa kanyang plato.Kinabukasan,idaraos naman ng mga bagong kasal ang kaugaliang tinatawag na Mangangatok.Pupunta sila sa bahay ng kanilang mga kamag-anak upang muling tumanggap ng pera bilang regalo sa pagsisimula ng kanilang bagong buhay may-asawa.

[baguhin] Rehiyon ng Cebu

Para sa mga tradisyunal na kaugalian sa Cebu, ang kaugalian ng paghingi ng kamay ng babae sa kanyang mga magulang ay hindi lamang ganoon kadali. Ang buong partido ng lalaki ay pupunta sa bahay ng kanyang nililiyag na may kasamang mga musikero,at may bitbit na alak, pagkain at mga regalo. Sa pag-uusap tungkol sa detalye ng kasal ay may hinirang na Mamamae at Sagang na sinasabing may angking kakayahan sa pakikipagbalitaktakan.Ipiniprisinta nila ang dalawang partido at may kapangyarihan sila sa usapin na may kinalaman sa konrata ng pagbibigay ng dote.Kapag sila ay nagkasundo na, ito ang kaugaliang tinatawag na Pamalaye na susundan naman ng malaking gastusan pagkatapos.

Sa Ilocano ay tinatawag itong Tampa, o ang pormal na pakikipagkasundo, ang Danon. Para sa mga Tagalog, ito ay Pamanhikan. Pasaguli naman sa mga Palawenos at Kapamalai para sa mga Maranaos.

[baguhin] Rehiyon ng Leyte

Sa Leyte, sa halip na magbigay ng dote, ang isang lalaking naghahangad na mapangasawa ang kanyang iniirog ay tumutulong sa mga gawaing bahay bilang pagpapatunay ng kanyang katapatan. Isang taon ang itatagal ng pagbibigay serbisyo ng lalaki.Kilala sa katawagang Paninilbihan o Subok sa Katagalugan, at sa Bicol naman ay Pamianan.

Ang isa pang lumang kaugalian sa hilagang Leyte ay ang parada na tinatawag na henbabayehan at henlalakihan.Tatlong araw itong isinasagawa. Isang salu-salo para sa babaing ikakasal ang henbabayahan kung saan ang mga kaibigan at kamag-anakan lamang ng babae ang imbitado at gayundin naman sa henlalakihan. Magpaparada ang mga magulang ng lalaki kasama ang ilang kamag-anak at kaibigan patungo sa bahay ng babaeng ikakasal sa oras ng pananghalian. May mga dala silang tapayan na puno ng tuba, basket na may mga suman, mga putaheng gaya ng manok, baboy at sariwang isda. Matapos ang isang masayang salu-salo, magkakasama nilang pupuntahan ang lugar na pagdarausan ng seremonya upang ihanda ito. Sa araw ng kasal, sakay ng karwahe ang babae at sa kanyang likuran naman ang lalaki na nakahawak sa tali ng kabayo na pinalamutian ng magagandang dekorasyon.

Habang isinasagawa ang seremonyas ng kasal, labintatlong barya ang ibibigay ng pari sa lalaki at ilalagay naman ito ng lalaki sa palad ng babaeng kanyang pakakasalan. Isusuot pagkatpos ang singsing sa daliri ng babae.

Pinaniniwalaan nilang isang masamang senyales kung mahuhulog ang singsing at kahit isang barya man lang. Pagkatapos ng seremonyas, sasabuyan ng butil ng bigas ang bagong kasal na sumasagisag ng pagkakaroon nila ng isang masaganang buhay. Sa handaan naman ay pinaniniwalaang kapag may nabasag na baso o plato ay magkakaroon ng maraming anak ang mga bagong kasal.

Matapos ang handaan, sasamang pauwi ang babae sa bahay ng kanyang mga biyenan at ang lalaki naman ay sa mga magulang ng babae. Magtatabi lamang ang bagong mag-asawa makalipas ang apat hanggang siyam na araw.

[baguhin] Morong, Rizal

Isinasagawa ang pagbibigay ng babala o ang Balaihan sa Morong, Rizal bago ikasal ang magkasuyo. Magsisimula ang Balaihan matapos na maayos ang kasunduan ng mga magulang hanggang sa araw ng kasal. Daraan ang lalaki sa pagsubok na ibibigay ng mga magulang ng babae. Bibigyan siya ng isang buko na kailangang hatiin niya ng pantay sa gitna. Kapag naging pantay ang kanyang pagkakahati, nangangahulugan lamang na tapat ang kanyang layunin sa babaing kanyang pakakasalan. Kapag hindi ito naging pantay, lalabas na hindi siya tapat at mamasamain ito ng mga magulang ng babae. Ipinagbabawal din nang mahigpit para sa mga nalalapit nang ikasal ang pag-alis-alis ng bahay, ang pagtatrabaho ng mabigat at ang paghawak ng matatalim at matutulis na bagay.

Kung ang lalaki ay nagpapatayo ng bahay para sa kanyang mapapangasawa, dapat niyang umpisahan ito sa umaga at sa panahon lamang na bilog ang buwan. Sa paggawa naman ng hagdan ng bahay, bibilangin ng lalaki ang mga baytang ng bahay mula sa ibaba paitaas habang paulit-ulit na sinasambit ang mga katagang oro, plata, mata (gold, silver, lead). kapag natapat sa salitang mata ang huling baytang ay kinakailangang gumawa na naman siya ng panibagong hagdan.

Ang handaan ay sa bahay ng babae dapat na gawin. Naglalagay ang mga tao ng isang arko na gawa sa niyog sa may tarangkahan ng bahay. Puputulin ang arko ng mga kamag-anak ng mga ikakasal bago sila pumasok sa bakuran. Naniniwala silang ang bilang ng mga taga bago tuluyang maputol ang arko ang siyang bilang ng magiging supling ng mag-asawa.

[baguhin] Pangasinan

Bago sumapit ang araw ng kasal, isang malaking piging ang idinaraos kung saan may magaganap na sayawan. Magpapalitan ng talumpati sa pagitan ng tugtog at pagsasayaw. Sinasabing upang magkaroon ng magandang kapalaran ang mga ikakasal, ilalagay sa pagitan ng mga ngipin ng babae ang isang sampung sentimo at kukunin naman ito ng lalaki sa pamamagitan ng kanyang mga labi.

Sa umaga ginaganap ang seremonyas ng kasal. Pagdating ng mga bagong kasal sa bahay na pagdarausan ng handaan, aabutan sila ng isang matandang babae at lalaki ng tig-isang kandila na may sindi. Sumisimbolo ang kandila sa katauhan ni Hesus sa kanilang buhay na siyang ilaw at gabay sa kanilang bagong buhay na magkasama nilang tatahakin. Magsasayaw ang mag-asawa sa saliw ng musikang carinosa habang tumutugtog ang banda ng musiko ng Pangasinan love songs na may pamagat na Angabalayan.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.