Kailan Kayo Huling Naghapunan?

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Salo-salo ng isang tipikal na pamilyang Pilipino

Natatandaan ba ninyo kung kailan huling nakapiling ang kumpletong miyembro ng pamilya sa isang masayang hapag-kainan? Kung oo ang sagot, hindi ba't walang kasing sarap ang pagba-bonding kahit payak na pagkain lamang ang nakahain sa mesa? At kung hindi, marahil ay ito na ang tamang sandali upang ipaalala sa lahat na wala nang mas tatamis pa sa sandaling magkakasamang kumakain ang pamilya sa saliw ng matunog na halakhakan, biruan, kulitan at lambingan.

Ayon sa mga pag-aaral, ang pagsasama-sama sa hapag-kainan ng pamilya ay nakatutulong ng malaki sa paghuhubog ng masaya, malusog at matagumpay na mga anak.Ito ang pinakamainam na pagkakataon kung kailan maaaring makipagpalitan ng kwento, suliranin (kung mayroon man), at pagbibigay ng payo ng mga magulang. Itinuturing ang kahalagahan ng sandaling ito hindi dahil sa kung ano ang pagsasaluhang pagkain sa mesa kundi upang damhin ang mainit na samahan at pagbubukas-puso ng bawat isa.

Mga nilalaman

[baguhin] Kahalagahan

Ang Family Week ay may masidhing layunin na muling buhayin ang unti-unting nanlalamig na kaugaliang "Filipino family ties". Isang tradisyong ngayon ay naisasantabi na sanhi nang pagiging sobrang bilis ng paglikwad ng panahon at pagiging abala ng bawat miyembro ng isang pamilya sa kanya-kanyang gawain. Isinusulong ang adhikaing ito upang himukin ang mga magulang, sa partikular. na saluhan sa pagkain ang kanilang mga anak at maging "bahagi" ng kanilang buhay, makinig sa kanilang mga kwento at sumbong, at makihati sa kanilang tagumpay at kabiguan- isang manipestasyon nang pagbibigay suporta sa kanilang mga anak upang gabayan sila na lumaking masaya, malusog at matagumpay. Kinikilala ang kahalagahan ng Family week alinsunod sa Executive Order 238 na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Setyemre 22, 2003. Ayon sa Section 12 Article II, ng Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, kinikilala ng estado ang kasagraduhan ng pamilya, depensahan ito at palakasin bilang isang malayang institusyon.Kinikilala rin ang pamilyang Pilipino bilang pundasyon ng bansa.

[baguhin] Gabay sa mga Anak

Alam ba ninyo na ang pagsasalu-salo ng pamilya sa pagkain ay nakababawas sa panganib nang paggamit ng droga o pag-inom ng alak ng inyong anak? Ayon sa The National Center on Addiction and Substance Abuse (CASA) sa Columbia University, habang may bonding ang mga magulang sa kanilang mga anak sa hapag-kainan, hindi pumapasok sa kanilang sistema ang paninigarilyo, pag-inom, o paggamit ng mapanganib na droga. Habang nag-uusap ang bawat miyembro ng pamilya sa pagkain ay natutuklasan ng mga magulang ang ugali,mga aktibidad at galaw ng kanilang mga anak.

[baguhin] Selebrasyon

Ipinapayo ang mga sumusunod hindi lamang sa tuwing sasapit ang Family Week kung hindi sa pang-araw-araw na pamumuhay:

  • Simulan ang patakarang magkaroon ng pagsasalu-salo sa pagkain habang bata pa ang mga anak.
  • Isara ang TV o radyo habang nag-uusap-usap sa hapag-kainan.
  • Kumustahin at pag-usapan ang tungkol sa kanilang maghapon at ang kanilang pag-aaral.
  • Maging positibo, hayaang makapagsalita ang lahat ng miyembro ng pamilya.
  • Bago simulan ang pagkain ay sama-samang magdasal.
  • Sagutin ang tanong ng mga bata nang maayos.
  • Makinig sa lahat ng kanilang sasabihin.
  • Ipaalala sa mga anak ang kanilang responsibilidad sa tahanan, sa eskwela at sa kanilang mga sarili.
  • Iwasan ang magalit, bagkus ay magbigay ng solusyon sa isyu.
  • Hayaang maging komportable ang mga bata sa oras nang pag-uusap.
  • Magkaroon ng bukas na pag-iisip at ipadama ang pagmamahal at pang-unawa

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.