Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Sagisag ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan

Ang Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan o Department of Public Works and Highways (DPWH) ay isa sa tatlong kagawarang tagapagpaganap ng pamahalaan ng Pilipinas na responsable sa pagpapagawa ng mga imprastraktura. Tungkulin din ng kagawaran na magplano ng mga imprastraktura at disenyo pati ang paggawa at pagpapanatili ng mga pambansang kalsada, tulay, at pangunahing daluyan ng baha.


Mga nilalaman

Kasaysayan

Itinuturing na isa sa pinakamatatandang kagawaran ng pamahalaan ng Pilipinas ang DPWH na mababalikan pa ng apat na raang taon sa panahon ng pananakop ng Kastila.

Noong 1868, itinatag ang Kawanihan ng Pagawaing Bayan at Lansangan (Obras Publicas) at Kawanihan ng Komunikasyon at Transportasyon (Communicationes y Meteologia) at pinangasiwaan ng isang inhinyerong sibil na tinatawag na “Direktor Heneral.”

Matapos ang digmaan para sa kasarinlan, inilabas ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Organic Decree of the Philippine Revolutionary Government noong 23 Hunyo 1898, na nagbubuo ng apat na kagawarang tagapagpaganap, kasama ang Kagawaran ng Pandigma at Pagawaing Bayan. Sa panahon ding iyon, napasakamay ng Estados Unidos ang Pilipinas at inilagay ang pagawaing bayan at iba pang gawain sa ilalim ng mga inhinyero ng Sandatahang Lakas ng Estados Unidos.

Noong 6 Pebrero 1901, isinailalim sa “Pamamahalang Panlalawigan” ang mga proyekto at pagawaing bayan sa bisa ng Batas Bilang 83 na ipinasa ng Komisyon ng Pilipinas. Matapos ang isang taon, binuo ang Kagawaran ng Komersyo at Pulis na nagbigay-daan sa pagkakaroon ng Kawanihan ng Pag-eenhinyero at Pagsasaayos ng Pagawaing Bayan at ng Kawanihan ng Arkitektura at Konstruksyon ng mga Pampublikong Gusali. Noong 26 Oktubre 1905, naging isa ang dalawang kawanihan at tinawag na Kawanihan ng Pagawaing Bayan na naglayong punan ang mga pangangailangan para sa isang mas malawak na paggawa ng mga sanga-sangang kalsada na aabot sa mga liblib na lugar. Nagkaroon ng mga tanggapan sa mga lalawigan noong 1907 at pinahintulutan silang maningil nang dobleng buwis para pondohan ang paggawa ng mga kalsada at tulay.

Taong 1910 nang masaksihan ang unang sasakyang de motor na bumiyahe sa pangunahing kalsada sa Pilipinas. Upang magkaroon ng karagdagang pondo para mapanatiling maayos ang kundisyon ng mga kalsada at tulay, kinailangang magparehistro ng mga tsuper at may-ari ng sasakyang de motor na may kaukulang bayad noong 1921. Dahil sa mga pagbabagong ito, naging Kagawaran ng Komersyo at Komunikasyon ang dating Kagawaran ng Komersyo at Pulis sa bisa ng Reorganization Act No. 2666 ng 1916. Nang ipasa ng Lehislatura ng Pilipinas ang Batas bilang 4007, ginawang Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Komunikasyon ang Kagawaran ng Komersyo at Komunikasyon noong 1931.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isinara ang kagawaran dahil sa kakulangan sa pondo, materyales at kagamitan, at manggagawa. Muli itong binuksan noong 1946.

Taong 1947 nang mapasailalim ng pamamahala ng kagawaran ang Motor Vehicles Office at noong 1954, naging Kagawaran ng Pagawaing Bayan, Transportasyon at Komunikasyon ang departamento sa bisa ng Executive Order No. 392.

Nang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Batas Militar, noong 21 Setyembre 1972, ipinatupad ng pamahalaan ang Integrated Reorganization Plan No.1 na nagtatakdang isailalim ang lahat ng pagawaing imprastraktura ng mga kawanihan at tanggapan sa ilalim ng kagawaran. Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 2, pinalawig ang Kawanihan ng Lansangang Bayan at naging Kagawaran ng Lansangang Bayan noong 1 Hulyo 1974.

Nabuo ang kasalukuyang Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan sa bisa ng Executive Order No. 124 noong 30 Enero 1987, nang may limang kawanihan, anim na serbisyo, labing anim na tanggapang panrehiyon, dalawampu't apat na tanggapan sa pangangasiwa sa mga proyekto, labing anim na serbisyo sa kagamitan at isandaan labingwalong tanggapang pang-enhinyerong distrito.


Tungkulin and Mandato

Pangunahing gawain ng DPWH ang patuloy na paunlarin ang teknolohiya nito para tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng pasilidad na imprastraktura at siguruhing mataas ang kalidad ng konstruksyon ng lahat ng pagawaing bayan at lansangan.

Tungkulin ng kagawaran ang magsagawa ng plano, disenyo, konstruksyon, at pananatili ng mga imprastraktura, lalo na nga mga pambansang lansangan, pagpigil ng baha, at iba pang pagawaing bayan sang-ayon sa mga layunin ng pambansang kaunlaran.


Reporma

Sang-ayon sa direktiba ni Pangulong Benigno Aquino III na mawala ang kurapsyon sa pamahalaan sa pagtupad sa “Tuwid na Daan,” nilinaw ng kasalukuyang Kalihim Rogelio L. Singson ang mga problema sa organisasyon ng kagawaran at tinukoy ang mga kailangang pagtuunan ng pansin na pinaghihinalaang palagian ang pangungurakot.

Para sa mas mabilis at mas mabisang pagsalang sa mga kontraktor, gumamit ang kagawaran ng Road Information Support System (RIMSS), isang sistema ng pagpaparehistro ng mga pagawaing sibil gamit ang kompyuter.


Kasalukyang mga Proyekto at Gawain

Noong 6 Agosto 2012, katulong ng Development Acedemy of the Philippines, isinulong ng kagawaran ang proyektong Development of a Quality Management System (QMS) sa punong tanggapan nito sa Bonifacio Drive, Port Area, Maynila. Layunin ng proyektong ito na bumuo at ipatupad ang isang dekalidad na sistema ng pangangasiwa sa DPWH na may katibayan sa ISO 9001:2008.


Quezon Avenue and G. Araneta Avenue Intersection

Noong 28 Styembre 2012, napaagang matapos ang paggawa ng daang pang-ilalim sa panulukan ng C-3 (G. Araneta Avenue) at Quezon Avenue. Sinimulan ang 452-milyong-pisong proyektong ito noong 20 Hunyo 2011 na may layong paluwagin ang daloy ng trapiko sa naturang lugar at mabawasan ang polusyon sanhi ng pagbagal ng daloy ng trapiko.






Sanggunian


External links



Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.