Kagat ng Hayop

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Alam ba ninyo na ang mga alagang hayop ang malimit nakakakagat sa tagapag-alaga nito? Karaniwan na rito ang aso, ngunit malimit nakapagdudulot ng impeksiyon ang kagat ng pusa o bayawak. Maaaring magdulot ng rabies ang mga ilahás na hayop na hindi pa nababakunahan. Madalas may rabies ang gaya ng kuneho, daga, malmag, at paniki. Kapag nakagat ka, o kung sino man sa iyong kamag-anak, gawin ang sumusunod:

  1. Hugasan ang sugat, sabunin, at kahit walang panganib ng rabies, pahiran ng antibiyotikong krema saka balutan ng malinis na benda.
  2. Kapag tumagos ang kagat ng pangil sa balát, at ito'y nalaplap, talian o diinan ang sugat na nagdurugo. Kumunsulta agad sa doktor, upang humingi ng lunas laban sa posibleng rabies, impeksiyon, at iba pa.
  3. Kapag namaga ang iyong sugat na sanhi ng kagat ng hayop, at nakaramdam ka ng kirot, nana, at pamumula ng balát, magpatingin agad sa doktor. Posibleng naimpeksiyon ang iyong sugat, o kaya'y may rabies na kang nasagap.
  4. Kapag nakagat ka ng asong ulol o pusang nagtataglay ng rabies, magpatingin sa doktor. Maaaring turukan ka ng gamot, at painumin ng gamot na maaaring makalunas sa nasabing rabies.

Makabubuting magpabakuna laban sa tetano tuwing ikasampung taon. Kung mahigit limang taon na ang bakuna, at sa iyong palagay ay malalim ang sugat at nadumihan, maaaring irekomenda ng doktor na magpaturok ka ng booster. Kailangang magkaroon ka ng booster sa loob ng 48 oras matapos madanas ang pinsala.

[baguhin] Sanggunian

Hinango mula sa First Aid noong 26 Disyembre 2007.