Kadayawan sa Dabaw

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Kadayawan sa dabaw.jpg

Ang Pista ng Kadayawan sa Dabaw ay isang linggong selebrasyon ng pasasalamat para sa masaganang ani. Ito ay ipinagdiriwang tuwing ikatlong linggo ng Agosto sa Lungsod ng Davao.

Ang salitang “Kadayawan” ay nagmula sa katutubong salitang “dayao” na ang ibig sabihin ay “madayaw” – isang ekspresyon na ginagamit din upang ipaliwanag ang mga bagay na mahalaga, maganda, mabuti at kapaki-pakinabang. Sa Mandaya, ito ay tumutukoy sa isang magandang bagay na nagdadala ng suwerte.

Mga nilalaman

Kasaysayan

Kadayawan sa dabaw 2.jpg

Noong dekada 70s, pinangunahan ni Mayor Elias B. Lopez ang pista ng mga tribo sa lalawigan. Ang mga kinatawan ng mga grupong Bagobo, Manobo, Mansaka at Mandaya, mga Muslim at iba pa, ay nagtitipon sa kapatagan upang mag-alay ng mga sayaw at ritwal ng pasasalamat. Maraming mamamayan ng lungsod at turista ang dumadayo upang masaksihan ang mayaman at makahulugang kultura ng mga katutubo.

Noong unang bahagi ng dekada 80s, dahil sa mga isyung pangkapayapaan, ay natigil ang pagdiriwang ng pista. Ito ay muling ipinagpatuloy noong 1986 dahil sa programa ng gobyerno na “Unlad Proyekto Davao”, na naglayong pag-isahing muli ang mga Davaoeño matapos ang Martial Law. Ang pista ay nakilala sa tawag na “Apo Duwaling Festival”. Ito ay naglayong itaguyod ang Davao bilang isang payapa at maayos na lungsod.

Ang “Apo Duwaling” ay mula sa mga salitang Bundok Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa, durian, ang hari ng mga prutas, at waling-waling, ang reyna ng mga orkidyas – mga sagisag ng yaman ng Davao. Sa unang pagdiriwang ng “Apo Duwaling” naganap ang ‘’Agro-Industrial Trade Fair’’, na nagpakita ng mga orkidyas, bulaklak, prutas at mga lokal na produkto ng Davao.

Noong 1988, sa pamumuno ni Mayor Rodrigo Duterte, ang “Apo Duwaling” ay pinalitan ng “Kadayawan” na siyang magpapakita ng yaman ng Davao sa mga bulaklak, prutas, at kultura. Ngayon, ang Kadayawan ay tumutukoy din sa pista na sumasalamin sa katutubo at etnikong selebrasyon. Pinahahalagahan din nito ang husay ng mga Davaoeño sa sining biswal at literatura.

Noong 1995, pinangunahan ng Mindanao Federation of Cutflowers and Plant Growers, Inc, (MINFED) ang ika-sampung Pista ng Kadayawan sa Dabaw. Naging pananaw ng MINFED ang paglago ng industriya ng bulaklak at prutas sa lungsod.

Ang ika labing-isang Pista ng Kadayawan sa Dabaw ay nagbigay-pansin naman sa pagsulong ng lungsod bilang isang tourist destination at daan para sa Brunei Darusallam, Indonesia, Malaysia and Philippines - East Asean Growth Area (BIMP-EAGA).

Pagdiriwang

Kadayawan sa dabaw 3.jpg

Unang isinagawa noong 1995 bilang bahagi ng pista ang Floral Float Parade. Isa ito sa mga paboritong puntahan ng mga turista, kung saan ipinaparada ang mahusay na pagdidisenyo ng mga karosa, na nilalagyan ng mga orkidyas, mga bulaklak at palamuti. Kasama ring ipinaparada ang mga prutas ng Davao tulad ng durian, saging, pomelo, mangga, papaya, at ilang mga gulay.

Ang naturang parada ng karosa ang isa sa tatak ng Pista ng Kadayawan na nagpapakita sa lungsod bilang “City in Bloom” – ang opisyal na tagline ng Davao simula 1996.

Isa pang atraksyon ng pista ay ang Indak-Indak sa Kadalanan, o pagsasayaw sa kalsada. Ang mga mananayaw na nakasuot ng mga damit etniko ay nagbibigay-buhay sa mga kalsada. Ang kanilang maliliksing galaw kasabay ng etnikong musiko ay humihikayat sa mga manonood na makisabay sa pagsayaw.

Ang mga daungan naman ang nagsisilbing lokasyon para sa karera ng bangka. Inaabangan din ang Horse fighting kung saan naglalaban ang mga kabayo upang makamit ang pagkakataong makakuha ng kaparehang kabayo (asawa). Hindi rin matatapos ang pista kung wala ang Bya’Neng ng Kadayawan o ang Miss Kadayawan beauty contest.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.