Jovit Baldivino

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Jovit Baldivino ay isang Batangueñong mang-aawit na unang kampyon ng Pilipinas Got Talent (PGT).

Mga nilalaman

Talambuhay

Si Jovit ay ipinanganak sa Batangas noong 1996. Sa kanyang awdisyon sa 'PGT', nabanggit niyang walang trabaho ang kanyang ina, samantalang may sakit na tisis naman ang kanyang ama. Siya na ang tumayong tagapagtaguyod ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda ng siomai pagkatapos ng klase niya sa paaralan.

Pagsikat

Dahil sa pinansyal na problemang kinakaharap ng kanyang pamilya, naisip ni Jovit na maaari niyang magamit ang kanyang talento upang maiahon ang pamilya sa kahirapan. Nilinang niya ang kanyang kakayahan sa pag-awit sa pamamagitan ng pag-aaral at pakikinig ng mga kanta kapag may libreng oras. Nang marinig niya ang tungkol sa Pilipinas Got Talent, di na siya nag-atubili pang sumali. Nakapunta siya sa awdisyon sa Batangas tulong ng kanilang konsehal. Matapos niyang umawit sa awdisyon, agad na nagbigay ng komento si Kris Aquino, isang hurado sa nasabing palabas, na sa wakas ay nakahanap na sila ng taong may talento at karisma.

Matapos ang kanyang pag-awit sa grand finals ng Pilipinas Got Talent na ginanap noong ika-12 ng Hunyo 2010, itinanghal siya bilang unang grand winner ng PGT. Nakuha niya ang 48.81% o halos kalahati ng suma-tutal ng boto. Nakuha niya ang premyong dalawang milyong piso (P2M) na plano niyang gamitin sa pagbili ng lupa para sa kanyang pamilya at pagtustos sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid.

Dahil sa kanyang mga pagganap sa naturang palabas, nagtamo siya ng mga tagahanga sa Internet. Ang kanyang rendisyon ng “Faithfully” ay nakakuha ng 1,690,509 na views samantalang ang bersyon niya ng “Carrie” ay may 734,481 na views.

Sa kasalukuyan, regular na nagtatanghal si Jovit sa ASAP XV.

Debut Album

Ang unang album ni Jovit ay naglalaman ng mga awiting classic rock, anim sa mga ito ay mga halaw at anim rin ang minus one. Ang inawit niya noong awdisyon, “Faithfully”, ang siyang carrier single ng album. Orihinal na kanta ito ng bandang Journey kung saan bokalista si Arnel Pineda. Star Records ang naglabas ng album.

Kabilang sa mga nilalaman ng album ang mga sumusunod:

  • Faithfully
  • Too Much Love Will Kill You
  • I'll Be The One (pop version)
  • Always
  • Paano
  • I'll Be The One (alternate version)
  • Faithfully (minus one)
  • Too Much Love Will Kill You (minus one)
  • I'll Be The One (pop version) (minus one)
  • Always (minus one)
  • Paano (minus one)
  • I'll Be The One (alternate version) (minus one)

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.