Jose Corazon de Jesus

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Jose Cecilio Ramon Augusto Pangilinan de Jesus o mas kilala sa pangalan na Jose Corazon de Jesus (1894-1932), may palayaw na Pepito Matimtiman, Huseng Batute, Huseng Katuwa, Anastacio Salagubang, Sundalong Lasing, Viterbi, Paruparong Asul, at Bayaning May Sugat, ay isang mamamahayag, makata at manunulat, at tulad din ni Balagtas at Rizal ay nakapagsulat ng maraming tula.

Mga nilalaman

[baguhin] Pinagmulan at Edukasyon

Ipinanganak siya noong 22 Nobyembre 1894 sa Sta. Cruz, Maynila at pangalawa sa tatlong anak nina Dr. Vicente de Jesus at Susana Pangilinan.

Lumaki si de Jesus sa Santa Maria, Bulakan at nagtapos ng hayskul sa Liceo de Manila, at kumuha ng abogasya sa Escuela de Derecho. Nag-aral din siya ng humanidades, operang Italyano, at piyano sa Unibersidad ng Pilipinas.

[baguhin] Buhay

Hindi ipinagpatuloy ni de Jesus ang pag-aabogasya at sa halip ay naging isang mamamahayag. Simula 1920, nagsulat siya sa mga kolum na “Buhay Maynila” at “Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi” para sa Taliba, at sa “Mga Butlig ng Panahon”, naman para sa Liwayway noong 1922.

Nag-ambag din siya ng mga tula sa Taliba, Ang Mithi, Bagong Lipang Kalabaw, at Sampaguita.

Siya ang kinilalang “Hari ng Balagtasan”, matapos manalo laban sa kanyang pangunahing katunggali na si Florentino T. Collantes. Naganap ang kanilang pagtutunggali sa pagtitipon ng mga manunulat sa Instituto de Mujeres sa Tondo, Maynila noong 28 Marso 1924. Ang paksa ng pagtitipon ay ang kaarawan ng makatang Tagalog na si Francisco Balagtas sa 2 Abril 1924. Pinamunuan ang pagtitipon ng manunulat na si Rosa Sevilla. Dapat ay gagamitin ng mga manunulat sa kanilang mga presentasyon ang duplo, isang uri ng debate na bumababa na ang popularidad noong mga araw na iyon. Gumawa sila ng bagong disenyo para sa presentasyon at binansagan itong “balagtasan” para kay Balagtas, na siyang binibigyang parangal. Ang paksa ng kanilang mga debate ay tungkol sa Paruparo at Bubuyog, Bakal at Ginto, at Dalaga Kahapon at Dalaga Ngayon. Dahil isinadulang debate ang balagtasan, natural itong kompetisyon. Nagwagi si de Jesus at naparangalan siyang “Hari ng Balagtasan” na pinanghawakan niya hanggang siya ay pumanaw noong 1932.

[baguhin] Mga Akda

[baguhin] Mga Tula

  • Ang Manok Kong Bulik, 1919
  • Ang Pagbabalik, 1924
  • Ang Pamana, 1925
  • Pag-ibig, 1926
  • Sa Dakong Silangan, 1928
  • Manggagawa, 1929
  • Isang Punungkahoy, 1932

[baguhin] Mga Awit

  • Bayan Ko
  • Maawa Ka
  • Una Kong Pag-ibig
  • Masayang Dalaga
  • Bakit Ka Lumuluha
  • Ang Lambing Mo
  • Pusong Wasak
  • Luha ni Juan de la Cruz
  • Pananalig sa Pilipinas
  • Kalayaan
  • Arimundingmunding
  • Pakiusap
  • Kundiman ng Luha

[baguhin] Mga Parangal

  • kinoronahan na Hari ng Balagtasan, 1920s
  • Patnubay ng Sining at Kalinangan (posthumous) mula sa Lungsod ng Maynila, 1971

[baguhin] Kamatayan

Kahit sa kanyang pagtanda ay aktibo pa rin si de Jesus sa larangan ng sining. Gumanap siya bilang Huseng Batute sa pelikulang Oriental Blood. Kasama niya sa pelikulang ito ang mga batikang aktres ng panahong iyon katulad nina Atang dela Rama at Carmen Rosales pati na rin ang sarili niyang anak na si Jose Corazon de Jesus Jr. na gumanap din sa iba pang mga pelikula.

Nagkaroon ng ulcer si Batute habang ginagawa ang Oriental Blood at di naglaon ay namatay siya sa mga komplikasyon noong 26 Mayo 1932 at iniwan niya ang kanyang asawang si Asuncion Lacdan de Jesus at tatlong anak na sina Teresa, Jose Jr., at Rogelio.

Ibinigay ang puso ni de Jesus sa isang museong pampamahalaan kung saan ito pinriserba hanggang ito ay inilibing sa libingan ng ina ni de Jesus. Ang katawan ng manunulat ay inilibing sa ilalim ng isang puno sa Sementeryo Norte sa Maynila, alinsunod sa kanyang mga tulang Isang Punong Kahoy at Ang Akasya.

[baguhin] Sanggunian


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.