Isla Coron

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Isla Coron.jpg

Ang Isla Coron ay isa sa pinakamalaking naitalang limestone formation sa mundo at nasa pinakahilagang bahagi ng lalawigan ng Palawan, MIMAROPA, Mindanao, Pilipinas. Malaking bahagi nito ay sakop ng mga barangay ng Banuang Daan at Cabugao sa munisipyo ng Coron. Kabilang din ang isla sa Grupo ng mga Isla ng Calamian na nasa Katimugang Dagat Tsina. Tinatawag din itong Bundok Calis dahil sa ito ay bundok na gawa sa limestone. Ang klase ng limestone ay halos puro Permian at mula pa sa Panahong Jurassic. Ang Isla Coron ay napabilang sa mga nominadong nasa Tentative List ng UNESCO World Heritage Sites noong 2006.

Mga nilalaman

Heograpiya

Pareho lamang ang distansiya mula sa Lungsod Maynila hanggang Isla Coron at mulang Lungsod Puerto Princesa na kabisera ng Palawan hanggang Isla Coron. Maraming bangin at matatarik na batuhang umaabot sa 600 metro mula sealevel sa Isla Coron. May mangilan-ngilang burol sa isla. Ang maliit na bahagi ng islang may lupa ang naging tirahan at lupang sakahan ng mga katutubong Tagbanua. Natural na tirahan ang isla ng Philippine cockatoo. Bawa’t kuweba sa isla, kung saan gumagawa ng pugad ang balinsasayaw na isang madalang na ibon sa Pilipinas, ay may pamilyang Tagbanua na nagmamay-ari at nangangalaga. Ang pugad ay ginagawang lutuin ng mga Tsino. Hitik ang isla sa mga halaman. Sa isla lamang matatagpuan ang walong malalaki at tatlong maliliit na lawa na dumudugtong sa dagat. Ang tubig sa mga ito ay lubhang malinaw, malalim at itinuturing na sagrado ng mga Coron Tagbanua. Kaunti lamang sa mapuputing dalampasigan ng isla ang nababalot ng mga gubat ng mangrove. Napapaligiran naman ang isla ng malinaw, luntian at asul na tubig-dagat na sinasabing pinakamainam na tubig para sa pagpaparami at pag-aalaga ng South Sea pearls. May mga pearl farms sa lugar nguni’t hindi hayag ang kanilang aktuwal na lokasyon. May mga coral reef din sa palibot ng isla.

Populasyon

Noong 1998 ay may 373 na kabahayan at may populasyong 2,028 na Tagbanua sa isla.

Pag-aaring Ansestral

Unang naging Natural Reserve ang Isla Coron at ang maliliit na pulo sa paligid nito noong Hulyo 2, 1967 sa bisa ng Proklamasyon Blg. 219. Noong 1978, sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1801 ay naging Tourist Zone at Marine Reserve ang isla at dahil dito ay nailipat ang pamamahala ng isla sa Philippine Tourism Authority. Isinasaad naman sa Proklamasyon Blg. 2152 na ang buong lalawigan ng Palawan ay isa nang Mangrove Swamp Forest Reserve. Noong 1990 sa Community Forest Stewardship Agreement ay ipinagkaloob ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman sa pangangalaga ng mga Coron Tagbanua ang may 7,748 ektarya sa Isla Coron. Nang ipasa ang NIPAS Act noong 1992, naging isa ito sa walong Protected Areas sa bansa. Noong Hunyo 5, 1998, ang isla, iba pang pulo at ang dagat sa paligid nito ay kinilala bilang ancestral domain sa pamamagitan ng pagkakaloob ng isang sertipikong legal(R04-CADC-134) sa mga Tagbanua bilang patotoo na ang may kabuuang sukat na 22,248 ektarya ay kanilang pag-aari. Ang Tagbanua Foundation ng Isla Coron ay may Ancestral Domain Management Plan na isinasagawa upang mapangalagaan ng husto ang mga pag-aari.

Turismo

Lawa ng Kayangan.jpg

Makikita sa isla ang mga kubo ng mga Tagbanua na nagsimulang manahan doon ilang dantaon na ang nakararaan. Kung nais tunguhin ang mga pasyalan, 30 minuto ang layo ng Lawa Kayangan o Blue Lagoon mula sa Munisipyo Coron. Php 200 ang bayad sa pagpasok sa lawa kung saan may mga limestone formation na makikita. Pagdaong ng bangka sa dagat-dagatan ng Kayangan, 10 hanggang 15 minuto ang tagal ng pag-akyat sa mga hakbang ng burol at ilang minuto naman pababa sa Lawa Kayangan. May mga plataporma sa gilid ng lawa na maaaring lakaran ng mga bisita. Sa linaw ng tubig na kulay esmeralda ay matatanaw ang kaibuturan nito kahit na higit sa 10 talampakan ang lalim nito. Maaari ring lumangoy sa tubig nito. May kuweba rin sa gilid nito na may stalagmites at stalactites. Ang Banol Beach ay maliit kumpara sa ibang beach sa Pilipinas subali’t puti ang buhangin at lubhang malinaw ang tubig dito tulad ng lahat ng beach sa Munisipyo Coron. May 30 hanggang 40 minuto lamang ang layo nito sa munisipyo. May cottages na mauupahan dito at ang pagkain ay maaaring ihanda at iluto ng mga boatmen na nagsisilbi ring guide. Makakapag-snorkel at kayaking dito. Dapat lamang na mag-ingat sa sea urchins. Magbabayad ng Php 100 upang makabisita sa Banol. Kapag low tide naman ay makakapasok sa inner lagoon ng Twin Lagoons kung hindi marunong mag-scuba diving. Napagigitnaan ng limestone formation ang dalawang lagoon at konektado sila sa pamamagitan ng isang maliit at masikip na daanan. Tanaw ang inner lagoon kapag low tide at walang tubig sa daanan. Mas malamig ang tubig sa inner lagoon kaysa sa tubig ng outer lagoon kung saan may sea urchins. Maaari ring bumisita sa Lawa Tanigue at Lawa Barracuda na malapit lamang sa Kayangan. Tinutungo ng mahilig sa scuba diving ang Barracuda na binansagang “the craziest dive site in the Philippines”. Hagdang kahoy at matutulis na batuhan ang aakyatin patungo rito. Kung scuba diving ang sadya rito ay dapat na bitbit na ang kumpletong gamit. Ang apat na metro ng tubig sa ibabaw ng lawa ay warm fresh water. Sa ilalim ng apat na metro ay tubig-alat na. Pabago-bago ang temperatura sa lawa. Sa pinakamalalim na bahagi ng lawa na 34 hanggang 35 na metro ang lalim ay kulay tsokolate na ang tubig dahil sa tannic acid na galing sa mga dahong nalalaglag sa lawa. Hanggang ngayon ay may mga barracuda pa rin sa lawang ito at lumalabas sila kapag umiinit ang temperatura ng tubig.

Nagdaraos ng art and photography expedition sa isla para sa mga mahilig sa potograpiya at visual arts.

Sampung minuto mula sa isla ay matatagpuan ang Siete Pecados na pitong magkakagrupong maliliit na pulo. Maaaring makita ang mga korales at ang mga isdang naninirahan doon kahit ng hindi marunong lumangoy kung kasama ang mga guide.

May dive spots sa paligid ng Isla Coron na angkop sa lahat ng antas ng pagsisid. Kung nais nang mababaw na pagsisid lamang ay maaaring tumungo sa mga coral reef sa paligid ng isla. Ang pinakakilala sa mga dive spots ay ang Coron wrecks. Karamihan sa mga ito ay mga natirang bahagi ng mga barko ng hukbong Hapon na pinalubog ng hukbong Amerikano sa dagat-dagatan ng Coron noong 1944. Tinubuan na ang mga ito ng coral reefs at naging tahanan ng mga isda at iba pang kinapal sa dagat. Dito maaaring mag-deep sea diving. May kuweba naman sa ilalim ng Lawa Barracuda na tumutuloy sa dagat. Hanggang 40 metro lamang ang lalim ng pagsisid na inirerekomenda kung papasukin ang loob nito. Ang Cathedral Cave ay makikita sa dinding na limestone ng isla. Hanggang sampung metro ang lalim na puwedeng abutin ng diver dito. Maaari lamang itong pasukin kung maganda ang panahon, kalmado ang karagatan at maliliit lamang ang mga alon. Delikadong mag-dive rito kapag malalaki ang alon.

Payong Panlakbay

Kung sasakay sa eroplano ay may biyaheng mula Maynila hanggang sa paliparan ng Busuanga na tatagal lamang ng isang oras. Mulang paliparan hanggang Munisipyo ng Coron ay aabutin din ng isang oras sakay ng van. Sampung oras naman ang tagal ng biyahe mula Maynila sakay ng ferryboat na dadaong sa pantalan ng Coron. Upahang bangka lamang ang maaaring sakyan patungo sa Isla Coron. Sa pantalan sa likod ng palengke ng Coron matatagpuan ang mga ito. Ang mga boatmen nito ay maaari ring maging gabay sa pagbaybay sa isla bukod sa tagapaghanda at tagaluto rin ng pagkaing baon.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.