Isidro Torres

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Isidro Torres

Si Isidro Torres (10 Abril 1866 – 5 Disyembre 1928) ay isang katipunero na nagtatag ng sangay ng Katipunan sa lalawigan ng Bulakan.

Mga nilalaman

Buhay

Isinilang si Torres sa Matimbo, Malolos, Bulakan, at anak nina Florentino Torres at Maria Dayao. Siya ay tinuruan ni Maestro Jose Reyes, na magbasa ng cartilla, at nakapag-aral ng balarila sa Malolos. Nakapagtapos ng hay-iskul sa Colegio de San Juan de Letran, at nakakuha ng diploma ng Batsilyer ng Sining sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Sa murang edad, si Torres ay napagbintangang nagplanong patayin si Padre Moises Santos, na noon ay kura paroko, na nais patawan ng buwis ang mga Filipino. Ikinulong si Torres, ngunit hindi nagtagal, nakalaya siya dahil sa impluwensiya ng kaniyang pamilya.

Katipunan

Noong 1890, si Torres ay naging cabesa de barangay, at hinawakan niya ang posisyong ito nang may dalawanag taon bago siya sumali sa Katipunan. Kasama niya sina Deodato Arellano, Doroteo Karagdag, Juan de Leon, Manuel Crisostomo, binuo nila ang Sanguniang Lalawigang Balangay Apoy, na isang lokal na sangay nga Katipunan sa Bulakan. At si Torres ay tinawag na “Matang Lawin” ng kaniyang mga kasama.

Nang matuklasan ng mga Espanyol ang kanilang samahan, iniutos ng mga Espanyol na dakpin ang grupo. Nagawang makatakas ni Torres, at siya ay nagtungo sa Masukol, Paombong, Bulakan. Doon siya nakapaghimok ng may 3 libong kawal na nagmula sa Hagonoy at Tondo. Nagtatag siya ng bagong grupo at nakihamok sa mga Espanyol. Matapos ang laban sa Biyak-na-Bato, si Torres ay binigyan ng ranggong koronel. At noong Hunyo 1897, itinaas muli ang kaniyang ranggo bilang isang heneral, nang magtatag ng himpilan si Hen. Emilio Aguinaldo sa Gitnang Luzon at sa Bundok Puray. Si Torres ang kinatawan ng Balabac sa Kongreso ng Malolos.

Noong 23 Enero 1899, sa inagurasyon ng Unang Pepublika ng Filipinas, si Torres na kasama ang may 6 libong Filipinong sundalo ay nagmartsa. At mula noon siya ang inatasan bilang Direktor ng Digmaan at Katuwang na Kalihim ng Digmaan, bago naging gobernador ng Bulakan.

Digmaang Filipino-Amerikano

Sa panahong ito, nagtatag si Hen. Pantaleon Garcia ng kaniyang pamahalaan sa Luzon.

Si Torres, bilang isang gobernador, ay nakipaglaban sa mga Amerikano, ngunit hindi nagtagumpay, dahil napatunayan niya na mas malakas ang mga mananakop, at kahit anong gawin niyang taktika sa pakikipaglaban ay mababalewala lamang.

At nang magkasundo ang bansang Filipinas at Amerika, inalok si Torres na manungkulan bilang gobernador ng Bulakan. Tinanggihan niya ang naturang posisyon, at pinili na lamang na magtungo sa Singapore, at hindi nagtagal lumipat siya sa Japan at doon nanirahan.

Noong 1903, si Torres at ang kaniyang asawa ay bumalik sa San Antonio, Nueva Ecija, at doon nanirahan. Siya ay nanungkulan bilang hukom ng kapayapaan, at nanalo siya bilang kagawad ng kanilang munisipalidad, saka naging kinatawan sa Asamblea ng Filipinas.

Sanggunian

Panlabas na kawing

  • Kung nais ninyong mabása ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang Isidro Torres

Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.