Isabelo de los Reyes

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Isabelo de los Reyes (7 Hulyo 1864 – 10 Oktubre 1938), na kilala rin sa tawag na “Father of Philippine Labor” ay isang Pilipinong manunulat, politiko, aktibista, at tagapagtatag ng Simbahan ng Aglipayan o “Iglesia Filipina Independiente.”

Mga nilalaman

Buhay at edukasyon

Isinilang si de los Reyes noong ika-7 ng Hulyo 1864 sa Vigan, Ilocos Sur, sa mag-asawang Elias de los Reyes at Leona Florentino. Nagtapos siya ng kurso sa Sining sa Colegio de San Juan de Letran at kumuha ng kurso sa batas, kasaysayan at paleograpiya sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Mga pagkilala

Noong 1887, nagkamit si de los Reyes ng medalyang pilak para sa kanyang akda na El folk-lore Filipino” sa Exposicion Filipina na ginanap sa Madrid. Pagkaraan ng dalawang buwan ay nagsulat si de los Reyes ng mga alamat tungkol sa Ilocos, Malabon at Zambales.

Bilang peryodista

Sinuportahan ni de los Reyes ang sariling pag-aaral habang nagsusulat para sa maraming pahayagan sa Maynila. Noong 1889 ay itinayo niya ang kauna-unahang pahayagan sa isang dayalekto, ang “El Ilocano.” Bilang peryodista ay nagsulat siya tungkol sa mga pang-aabuso ng simbahan at gobyerno. Nang inlipat ang pangangalaga ng Pilipinas mula sa mga Espanyol sa mga Amerikano ay nagsimulang magsulat si de los Reyes ukol sa kanyang pagsalungat dito.

Aktibista

Nabilanggo si de los Reyes dahil sa pag-aaklas laban sa mga itinayong establisimyento na pangkalakalan ng mga Amerikano. Pinangunahan niya ang unang unyon para sa mga manggagawa noong 1901 na tinawag na “Union de Litograficos y Impresores de Filipinas.” Inorganisa din niya ang unang pederasyon sa paggawa noong 1902 na tinawag na “Obrera Democratica Filipina.” Ilan sa mga naging miyembro ng pederasyon ay mga taga-limbag, mekaniko at iba pang mga manggagawa. Naglingkod din siya sa gobyerno sa loob ng apat na taon bilang tagapayo ng “Ministry of Foreign Affairs.” Noong Agosto 1902 ay isinagawa ang unang pag-aaklas ng pederasyon sa paghingi ng mas mataas na suweldo para sa mga manggagawa na naging dahilan ng pagkabilanggo ni de los Reyes. Lumaya siya pagkaraan ng ilang taon at naging kasapi ng Philippine Assembly, isang konsehal ng Maynila mula 1912 hanggang 1919 at senador ng unang distrito ng Maynila mula 1922 hanggang 1928.

Tagapagtatag ng Aglipayan Church

Noong taong 1902 ay itinatag ni de los Reyes ang Philippine Independent Church bilang pagsalungat ng Simbahang Romano Katoliko at pinili ang kanyang kapwa Ilokano na si Gregorio Aglipay bilang una nitong obispo. Iniukol ni de los Reyes ang nalalabing mga taon ng kanyang buhay sa pagsusulat ng para sa Simbahan ng Aglipayan at pagsisilbi bilang obispo.

Sanggunian


Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.